Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Lalong sumisidhi ang hidwaan sa hanay ng naghaharing uri

 Read this article in English

Patuloy na tumitindi ang mga alitan sa pagitan ng naghaharing pangkating Macapagal-Arroyo at ng pangkating maka-Estrada. Kasabay nito, tumitingkad rin ang mga lamat sa loob ng mismong pangkatin ni Macapagal-Arroyo bunga ng kanilang maniobrahan para sa eleksyon sa 2004.

Sadyang napakaliit na ng mga rekursong maaaring mapayapang paghatian. Dahil dito, mismong ang mga palabigasan ng dating naghaharing pangkating Estrada ang binubungkal at nais solohin ng naghaharing paksyon. Pinakamatingkad na halimbawa ang pondo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na regular na kinukurakot dati ng mga Estrada. Iligal na ginamit ng asawa ng presidente na si Mike Arroyo ang pondo ng PCSO para tustusan ang gastos sa eleksyon noong Mayo 2001. Nakikipagkutsabahan na rin ang rehimen sa mga kroni ng mga dating presidente, mula kay Marcos hanggang kay Estrada. Kabilang dito sina Danding Cojuangco at Lucio Tan.

Ang sidhi ng alitan ay umaabot na sa sukdulan. Nasa kagyat na adyenda ng mga reaksyunaryong grupong anti-Macapagal-Arroyo ang pagpapabagsak sa rehimen. May nagbabanta rin ng paghahalili rito ng isang probisyunal na gubyernong militar-sibilyan.

Kabilang sa mga humanay na laban sa pangkating Macapagal-Arroyo ang ilang pwersang aktibong sumuporta sa EDSA 2, katulad ng Philippine Consultative Assembly (PCA) na binubuo ng mga retiradong upisyal militar at personalidad na maka-Ramos, ang isang bahagi ng RAM-YOU (Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa-Young Officers Union) at ang Council of Philippine Affairs (COPA) na binubuo ng mga pwersang malapit kay Jose "Peping" Cojuangco. Nakikisakay sa mga ito ang maliliit na grupong pinamumunuan ng mga oportunistang taksil sa rebolusyonaryong kilusan.

Mula pa Oktubre, nagsimula nang humanay ang mga ito laban sa rehimeng Macapagal-Arroyo at nagpaugong ng mga banta ng "EDSA 4" at kudeta. Ang kaseryosohan ng mga banta at plano ng mga grupong ito ay sinalamin ng pagpatay noong Disyembre 31, 2001 kay Lt. Baron Cervantes, isang dating myembro ng YOU, konsultant ni Roilo Golez at kilalang tagasuporta ni Macapagal-Arroyo. Pinatahimik si Cervantes dahil ibinunyag niya ang mga planong kudeta laban sa rehimen.

Samantala, hindi rin nawawala ang banta ng grupong maka-Estrada. Hindi pa ganap na nasusugpo ang mga armadong tagasuporta ni Gen. Panfilo Lacson. Naiuulat na sangkot sina Lacson sa pag-aarmas at pagsasanay sa tinatawag na Urban Poor Army na kinasasangkutan ng maka-Estradang People�s Movement Against Poverty. Maging ang kampong Estrada ay nagbabanta ng paglulunsad ng panibagong pag-aalsang ala-EDSA.

Ang ilang mga reaksyunaryong anti-Macapagal-Arroyo ay tumataya na rin sa lumalakas na pagtutol sa tahasang armadong panghihimasok ng mga sundalong Amerikano. Binabatikos nina Sen. Juan Ponce Enrile, Rodolfo Biazon at iba pa sa reaksyunaryong oposisyon ang pagpasok at planong pagtatagal ng paparaming sundalong Amerikano sa bansa bilang paglabag sa reaksyunaryong konstitusyon at mga batas. Inilantad at binatikos din ni Imee Marcos ang lihim na kasunduang MLSA sa pagitan nina Gloria Macapagal-Arroyo at presidente George W. Bush ng US.

Maging sa hanay ng naghaharing koalisyon, may mga personaheng tulad nina dating Sen. Jovito Salonga at Sen. Joker Arroyo na matinding bumabatikos sa panghihimasok ng mga sundalong Amerikano sa bansa.

 


Previous articleBack to topNext article

Enero 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Di na matagalan ng mamamayan ang rehimeng Macapagal-Arroyo

Lalong sumisidhi ang hidwaan sa hanay ng naghaharing uri
Pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan: Sinasagkaan ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Paglapastangan sa prinsipyo ng pambansang kasarinlan: Nanganganib ang pagpapatuloy ng usapan
Ang panunumbalik: Armadong panghihimasok ng imperyalismong US sa Pilipinas
Mga tropang Amerikano:
Muling nagbabase sa Pilipinas

Pagtutol sa pagpasok ng mga armadong tropa ng US, lumalawak
Mutual Logistics Support Agreement:
Bagong katawagan, lumang kasunduan

Mga ulat-koresponsal:
Di mapagtakpan ang mga pang-aabuso ng 5th ID sa Isabela

Mga ulat-koresponsal:
5th ID, sangkot sa illegal logging

Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.