Patuloy na nang-uupat ng gera si Bush laban sa Iraq
Desidido si Presidente George W. Bush ng US na gerahin ang Iraq, may suporta man siya o wala. Buong pagmamatigas niyang iginigiit ang pagpapabagsak kay Saddam Hussein na pilit niyang inilalarawang isang berdugo at banta sa kapayapaan ng mundo at sibilisasyon.
Binabraso nina Bush at State Sec. Colin Powell ang United Nations (UN) na agarang maglabas ng bagong resolusyong magpapahintulot sa US na salakayin ang Iraq kung hindi ito tatalima sa mga resolusyon ng UN. Kasabay nito�y naghapag si Bush ng resolusyon sa kongreso ng US na naggigiit ng paglulunsad ng aksyong militar laban sa Iraq. Itinakda ni Defense Sec. Donald Rumsfeld na kailangan itong pagtibayin bago ang eleksyon sa Nobyembre 5.
Parang sangganong binalewala ni Bush ang mga proseso ng UN. Nitong Setyembre 26, binomba na ng mga eroplanong US at United Kingdom (UK) ang dalawang sibilyang paliparan sa katimugang bahagi ng Iraq, dahil saklaw umano ito ng "no-fly-zone" (o erya kung saan bawal magpalipad ng eroplano), isang patakarang pwersahang ipinataw ng US at UK noong 1991.
Sinabi rin ni Bush na "taktika lamang" ng Iraq ang deklarasyon nito noong Setyembre 17 na pumapayag na itong papasukin ang mga weapons inspector ng UN na noong una�y siyang iginigiit ng US. Ang mga inspektor na ito ay pinangakuan din ng Iraq na bibigyan ng lahat ng puwang sa pag-iimbestiga.
Ang desisyon ng Iraq ay alinsunod sa kagustuhan ng nakararaming myembro ng UN. Naglalayon itong pabulaanan ang mga akusasyon ng US na gumagawa at nagpapalaganap ito ng weapons of mass destruction.
Makitid na suporta
Noong isang taon, sinamantala ni Bush at mga militarista ang hinagpis at galit ng mamamayang Amerikano matapos ang teroristang atake sa World Trade Center at Pentagon. Agad niyang nakuha ang suporta ng kongreso at opinyong publiko para sa paglulunsad ng "gerang kontra-terorismo" at armadong agresyon sa Afghanistan. Ngunit habang lumalao�y natatauhan na rin ang ma�mamayang Amerikano at mamamayan ng buong mundo sa kahibangan ng doktrinang Bush.
Nagsimulang kumitid ang suporta nang palawakin ang saklaw ng "gerang kontra-terorismo" lampas sa Afghanistan. Nahiwalay ang US nang magbanta ito na alinmang bansang hindi papanig sa naturang gera ay ituturing na kaaway. Lalong nahihiwalay ngayon ang US dahil sa pang-uupat nito ng digma laban sa Iraq.
"No to War!" ang sigaw ng paparaming mamamayang Amerikano. "Adbenturismo," matinding puna ni Chancellor Gerhard Schroeder ng Germany sa balak ni Bush na pag-atake sa Iraq. Para naman sa France, Russia at China, makasasapat na sa ngayon ang inspeksyon lamang sa sinasabing weapons of mass destruction. Matindi naman ang pangamba ng Arab League na magbubunsod ng malaking kaguluhan ang planong pag-atake ng US sa Iraq. Ayaw ding masangkot sa digma ang Canada at Indonesia na mga alyado ng US.
Tanging si Prime Minister Tony Blair ng UK � at ang maaasahang tutang si Macapagal-Arroyo � ang tahasang sumusuporta kay Bush.
Sa kabila ng malawakang pagtutol sa gera laban sa Iraq, inatasan pa rin ni Bush ang kanyang matataas na upisyal-militar at ang Central Intelligence Agency na magsaayos ng pakikipagtulungang militar sa Qatar at ng permanenteng paghimpil doon ng 1,000 tauhan ng US Central Command.
Bukod pa ito sa 5,000 armadong tauhan nila sa Prince Sultan Airbase sa Saudi Arabia at sa 30,000 kataong Tank Division na dati nang nakapusisyon sa Kuwait. May napapabalita pang aabot sa 250,000 tropang Amerikano ang nasa Persian Gulf sa ngayon. Naiulat din na aabot sa 100,000 tropa ang sasalakay sa Iraq.
Mga motibo ni Bush
Wala pa man siyang maipakitang solidong batayan ng sinasabi niyang ugnayan ng gubyernong Iraq at ng teroristang al Qaida, o sa sinasabi niyang pagtatago at paggawa ng weapons of mass destruction, nagmamadali na si Bush sa paghahanda ng atake sa Iraq alinsunod sa kanyang "first strike policy". Bakit gayon na lamang ang pagkamuhi ni Bush sa Iraq?
Ang totoong pinakamalaking motibo ni Bush ay ang maghanap ng solusyon para sa mga desperadong monopolyo kapitalistang Amerikano na batbat ng mga suliraning dulot ng pagbagsak ng stock market, pagsambulat ng mga anomalya sa malalaking korporasyon at ligalig na bumabalot sa mamamayang Amerikano dahil sa matagal nang umiiral na resesyon. Kung hindi ito mareremedyuhan, manganganib ang Republican Party ni Bush sa halalan sa Nobyembre.
Sa pamamagitan ng produksyong pandigma, nais ng gubyernong Bush na pasikarin ang ekonomya. Aabot sa $379 bilyon ang nakatakdang ibuhos ni Bush sa produksyon ng mga kagamitang militar. Dagdag dito, naglaan ng $50 bilyon si Bush para sa "digmang kontra-terorismo".
May partikular na halaga para sa US ang planong pagsalakay sa Iraq. Wika nga ng mga upisyal ng Iraq, "gustong kontrolin ng US ang aming langis." Pumapangalawa sa Saudi Arabia ang laki ng reserbang langis ng Iraq. Pinag-iinteresan ng US at iba pang imperyalista ang 112 bilyong bariles na reserbang ito.
Galit na galit ang US dahil naggigiit ng kasarinlan ang Iraq. Gustung-gusto itong pabagsakin ni Bush upang maitayo roon ang isang rehimeng pabor sa mga patakarang ididikta ng US.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|