Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

II. Ang krisis ng imperyalismo at ang proletaryong rebolusyon

 Read this article in English

Habang papasok tayo sa ika-21 siglo, ang kapitalistang krisis ng sobrang produksyon at ang bagong kaguluhan sa daigdig ay mabilis na lumulubha. Ang kasalukuyang kalagayan sa daigdig ay paborable para sa rebolusyon at pinabubulaanan nito ang ihinahayag ng mga imperyalista na ang kasaysayan ay hindi na lalampas pa sa monopolyong kapitalismo at sa mga kunwa nilang pagpapairal ng liberal demokrasya.

Itinutulak at pinabibilis ng paggamit ng mataas na teknolohiya ang sobrang konsentrasyon ng kapital sa produksyon at pinansya sa mga kamay ng monopolyong burgesya. Upang makapiga ng mas mataas na tubo at mahadlangan ang tendensyang bumaba ng tantos ng tubo habang pinalalawak ang produksyon, inaatake ng monopolyong burgesya ang mga karapatan sa pag-uunyon at mga demokratikong karapatan ng mga manggagawa, pinapatay ang mga regular na trabaho at pinapalitan ang mga ito ng mga hindi buong panahon at pansamantalang trabaho upang itulak pababa ang pasahod.

Sa pangunguna ng US, ibinando ng mga imperyalista ang alamat ng �malayang pamilihan� upang bigyang-matwid ang tumitinding tantos ng pagsasamantala sa uring manggagawa sa mga imperyalistang bansa at sa mamamayan ng mga kliyenteng bayan. Walang habas ang monopolyong burgesya sa pagkokonsentra at pagsesentralisa ng kapital sa mga kamay nito alinsunod sa mga islogan ng pribatisasyon, liberalisasyon at deregulasyon.

Inilalarawan ng mga imperyalista at mga utusan nila ang mga manggagawa bilang mga palamunin sa halip na mga tagalikha ng yaman. Sinisisi nila ang mga manggagawa bilang sanhi ng implasyon at balakid sa paglago ng ekonomya. Pinabababa nila ang kita ng mga manggagawa upang maksimisahin ang tubo. Iwinawaksi na ng burges na estado ang mga panlipunang pagkukunwari nito, pinabibigat ang pasaning buwis ng mamamayan at pinabibilis ang paghahain ng mga ariarian at pondong publiko sa monopolyong burgesya.

Ang resulta ay ang paglubha at paglalim ng palagiang krisis ng sobrang produksyon sa pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang kabawasan sa kita ng mamamayan ay nangangahulugan ng pagkitid ng pamilihan. Ang mga empresang natatalo sa kumpetisyon ay nagsasara kundiman nalalamon ng mas malalaking empresa. Ang ibayong konsentrasyon ng kapital ay sinusundan ng pagkawasak ng mga produktibong pwersa.

Ang pagsasara ng mga kumpanya, pagbawas sa produksyon at mga pagsasanib ay nangangahulugan ng papataas na palagiang malawakang kawalan ng hanapbuhay at sumasahol na mga kalagayan sa pasahod at pamumuhay.

Lalong tumatampok ang krisis sa pinansya habang nalalantad ang dambuhalang mga utang ng naluluging mga empresa at mga bayang nangungutang. Ngunit nangungutang pa nang panibago ang burges na estado at mga pribadong kumpanya upang patuloy pang paandarin ang kapitalistang ekonomya tungo sa ibayo pang pagsasamantala sa mamamayan. Upang malikha ang ilusyon ng pagunlad, di lamang kinokonsentra ng monopolyong burgesya ang kapital sa kamay nito kundi sinosobrahan din ang tasasyon ng mga ari-arian sa pamamagitan ng pasikut-sikot ng monopolyong kapital sa pinansya.

Ang mga imperyalistang bayan ay pinahihirapan ng palagiang krisis ng sobrang produksyon at ng kaugnay na pag-iral ng palagiang malawakang disempleyo, pagguho ng pinaghirapang mga benepisyong panlipunan at ng lumalaking palagiang krisis sa pinansya ng estado at pribadong sektor. Ang mga ekonomya ng Japan at European Union ay nabahura at naging mabuway kumpara sa ekonomya ng US.

Ang US ang pinakamalakas sa mga imperyalistang bansa dahil ito ang nangunguna sa mataas na teknolohiya at nasasamantala nito ang mga alyado nitong imperyalista sa pamumuhunan at kalakalan. Ang Japan at European Union mismo ay naaakit ng mas mataas na tantos ng tubo sa US at nakasusuhay sa ekonomya ng US sa pagbili ng securities ng US.

Ang pinakamalaking bula sa ekonomya ay lumitaw sa US, kasabay ng pagpasok ng pamumuhunan sa stocks ng mga kumpanyang mataas ang teknolohiya at ng sobrang tasasyon sa mga ito. May namumuong krisis ng sobrang produksyon ng mga kompyuter, telekomunikasyon at software na siyang batayan ng paglago ng kapital sa US. Ipinagmamalaki ng US ang mataas nitong tantos sa empleyo na kinatatangian ng pagsapaw ng mga trabahong hindi buong panahon sa mga trabahong regular.

Patuloy na pinapasan ng US ang bigat ng mga naging gastusin para ipagwagi ang Cold War at panatilihin ang lahatang-panig nitong hegemonya sa pandaigdigang sistemang kapitalista. Mayroon itong gahiganteng pambansang pagkakautang bunga ng paggugol ng malalaking gastos sa militar at mga depisito sa kalakalan para matulungan ang mga alyado nito. Ang mga pagsisikap nitong bawasan ang napakalaki nitong publikong pagkakautang at depisito sa kalakalan ay nakapagpapalala sa krisis ng sobrang produksyon sa loob at labas ng bansa.

Ang krisis ng sobrang produksyon sa mga imperyalistang bansa ay humantong na sa paglulunsad ng mga welga at malawakang aksyong protesta ng mga manggagawa at iba pang mamamayan laban sa estado at monopolyong burgesya. Subalit hanggat kaya pa nitong pagsamantalahan ang mamamayan ng daigdig, maaari pang patamlayin ng monopolyong burgesya ang makauring pakikibaka ng proletaryado sa mga imperyalistang bansa.

Relatibong mas masigla ang makauring pakikibaka ng proletaryado laban sa burgesya sa mas mahihinang industriyal na kapitalistang bansa, kabilang na ang labis na nanghinang imperyalistang kapangyarihan, ang Russia. Subalit wala pa ring epektibong namumunong partidong Marxista-Leninista sa pakikibakang ito. Gayunpaman, sumiklab na ang gera sa Europe, partikular sa mga Balkan at ilang bahagi ng dating Soviet Union.

Nagkakaisa ang mga imperyalistang kapangyarihan sa pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayan at dito�y pinamumunuan pa rin sila ng imperyalismong US. Subalit dumarami ang mga kontradiksyong namamagitan sa kanila. Tiyak na titindi pa ang mga ito sa ibayong paglala ng pandaigdigang krisis ng sobrang produksyon. Namamalas sa kalakaran ang pag-igting ng kontradiksyon sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan, sa pagitan nila at ng kanilang mga kliyenteng estado, sa pagitan nila at ng mga aping mamamayan at sa pagitan ng monopolyong burgesya at ng proletaryado.

Likas sa imperyalismo ang pagluluwal nito ng mga krisis sa ekonomya at mga digmaan. Hanggang sa ngayon, bunga ng pagwakas ng Cold War, ang mga digmang mapanalakay ay nag-aanyong pagkakaisa ng mga imperyalistang kapangyarihan laban sa binabansagan nilang mga estadong �suwail� subalit sa totoo, ito�y laban sa mamamayan ng ilang bansa at buu-buong mga rehiyon tulad ng mga digma laban sa Iraq at laban sa Yugoslavia. Saligan ng gayong mga digmang mapanalakay ang lumalalang krisis ng sobrang produksyon na tumutungo sa paglalaban-laban mismo ng mga imperyalistang kapangyarihan para muling hatiin ang mundo.

Ang kahinaan ng Russia ay nang-aakit ng agresibong aksyon mula sa mas malalakas na imperyalistang kapangyarihan. Kayat pagkatapos ng pagpapalawak ng NATO sa Eastern Europe, naglunsad ng digmang mapanalakay ang US laban sa Yugoslavia upang kontrolin ang mga Balkan, pahigpitin ang pagkakakubkob ng Russia, tiyakin ang magkabilang panig ng Mediterranean at idikta ang daloy ng langis mula sa Caucasus, Caspian Sea at Central Asia. Humantong pa ang US sa pagtataguyod sa armadong paglaban ng mga Chechen sa layuning sagkaan ang anumang plano ng Russia at Germany na maglatag ng mga pipeline sa Chechnya patungong Western Europe.

Ang napakalaking mayorya ng mamamayan ng daigdig ay nasa mga bansang malakolonyal at malapyudal sa Asia, Africa at Latin America at sa mga bansang paurong kung saan ipinagkanulo ng mga rebisyunistang rehimen ang sosyalismo at ilang dekada nang pinanumbalik ang kapitalismo. Pinapasan nila ang malaking bulto ng pandaigdigang krisis ng sobrang produksyon. Ang kanilang mga bansa ang pangunahing larangan ng mararahas na labanan sa hanay ng mga imperyalista at reaksyunaryo, gayundin sa pagitan ng mga pwersang rebolusyonaryo at kontra-rebolusyonaryo. Karamihan sa mga bansang ito ay walang ibang mailuwas maliban sa mga hilaw na materyales. Tuluytuloy nang lumubha ang mga kundisyon ng kalakalan para sa gayong mga eksport mula pa noong huling bahagi ng dekada �70 dahil sa sobrang produksyon. May maliit na bilang ng mga bansang ito na nagluluwas ng ilang manupaktura at semi-manupaktura, na sobra na rin ang produksyon mula pa noong dekada �90. Sa gayon, ang lahat ng mga bansang ito ay pumapasan ng malaking depisito sa kalakalan at dayuhang pautang.

Nakapangingilabot ang pagkakawasak ng mga produktibong pwersa sa lahat ng nabanggit na bansa. Laganap ang pagsasara ng mga empresang nakatuon sa eksport, agrikultura at pagmamanupaktura, ang malawakang disempleyo at ang paglubha ng kalagayan ng pasahod at pamumuhay. Hindi pa nakababalik sa masama na ngang kalagayang sosyo-ekonomiko bago mag-1997.

Sa kalagayan ng palagiang krisis ng sobrang produksyon, ang mga hirap na bansa ay walang pagasang kumita ng dayuhang pananalapi para bayaran ang kanilang mga pagkakautang at inangkat na produktong pangkonsumo. Patuloy ang mga ito sa produksyon ng mga hilaw na materyales at semi-manupaktura na pababa nang pababa ang presyo o sa pagbabawas ng kanilang mga import alinsunod sa patakaran ng pagtitipid. Bunga nito, kumikitid rin ang pandaigdigang merkado ng mga imperyalista para sa kanilang sariling mga eksport tulad ng structural steel, mga kotse, consumer electronics, telekomunikasyon at iba pa.

Malawakang rumaragasa ang bagong kaguluhan sa daigdig sa mga bansang walang ibang mailuluwas kundi mga hilaw na materyales. Marahas na nagpapaligsahan para sa kapangyarihan ang mga reaksyunaryong pangkatin at gumagamit ng mga etnosentriko, relihiyoso at iba pang reaksyunaryong mga islogan laban sa isa�t isa. Lumalaganap ang mga gera sibil na kinatatangian ng mga masaker at malawakang paglilikas ng mamamayan, partikular sa Africa, ang kontinenteng sinalanta nang husto ng krisis ng sobrang produksyon ng mga hilaw na materyales mula pa noong huling bahagi ng dekada �70.

Mabilis na nanghihimasok at naglulunsad ng mga digmang mapanalakay ang imperyalismong US at mga alyado nito sa motibong kunwa�y makatao at mapagpayapa, subalit ito�y kapag may nasasangkot na mga rekursong langis lamang, tulad ng naganap sa Middle East at mga Balkan. Ang gayong mga digmang mapanalakay ay nagagamit din ng US bilang pagkakataon para ilantad at gamitin ang mga sandata nitong mataas ang teknolohiya laban sa mga nakapirming establisimyento ng mga kalaban nitong estado, kabilang ang mga imprastrukturang sibilyan, kagamitang publiko, empresang pang-ekonomya, ospital at paaralan, gusali ng gubyerno at mga pasilidad ng masmidya.

Sa sobrang kahambugan nito, gumagamit ang imperyalismong US kapwa ng kapangyarihan sa pinansya at militar para lansihin ang sarili nitong mga alyadong imperyalista, kaya-kayahin ang mga neokolonyal na kliyente nito at iblokeyo at pagbantaan ang mga bansa tulad ng Cuba at Democratic People�s Republic of Korea na naggigiit at nagtatanggol sa pambansang kasarinlan at mithiing sosyalista ng mamamayan.

Subalit walang kasinglubha ang estratehikong pagkabanat ng imperyalismong US at sobra ang pagasa nito sa mga sandatang mamahalin at mataas ang teknolohiya. Nananatili ang takot nitong magkaroon ng mga kaswalting Amerikano sa isang gera sa katihan. Kasabay nito, pinahihina ng imperyalismong US ang sarili nitong mga papet na estado sa pagpapataw ng mga patakarang neokolonyal at neoliberal na nakasisira sa ekonomya at pinansya ng mga ito, kung kayat nagiging malupit ang huli at kinamumuhian ng mamamayan. Ang pagkakaroon ng ilang estadong bulnerable sa blackmail sa pinansya at militar ng US subalit lumalaban sa todong dominasyon ng US ay sapat na patunay ng limitasyon ng imperyalistang kapangyarihan ng US. Maging ang mga biktima ng digmang mapanalakay ng US noong nagdaang dekada, tulad ng Iraq at Yugoslavia, ay nakasansala o di kaya�y nakatagal sa pagtatangka ng US at ng mga imperyalistang alyado nito na sakupin sila. Hanggang sa ngayon ay nasasagkaan ng Democratic People�s Republic of Korea, Cuba at Libya ang imperyalismong US sa paglulunsad ng digmang mapanalakay laban sa kanila.

Mulat sa mga limitasyon ng imperyalistang kapangyarihan ng US, optimistiko ang mga umiiral na armadong kilusang rebolusyonaryo para sa pambansang kalayaan at demokrasya na sa takdang panahon, maaari nilang gapiin at pabagsakin ang mga papet na estado sa kani-kanyang bansa at uusbong ang iba pang mga armadong kilusang rebolusyonaryo sa walang katulad na saklaw sa Asia, Africa, Latin America at sa mga bansang paurong na dating sinalanta ng mga rebisyunistang taksil at ngayo�y mga neokolonya ng imperyalismong US.

Nagagawang inutil ng mga armadong kilusang rebolusyonaryo, na bumabase sa hanay ng mga magsasaka at tumatalima sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan, ang mga sandata ng US na mataas ang teknolohiya, tulad ng naganap sa matagumpay na digma ng Vietnam para sa pambansang pagpapalaya.

Sa Asia, nananalig ang US sa sarili nitong kapangyarihang militar at sa estratehikong pakikipagsabwatang panseguridad nito sa Japan sa pananatili ng hegemonya. Subalit sa mga darating na taon at dekada, lalala at lalala ang di pagkakasundo ng Japan at US bunga na rin ng mga dikta ng US sa kasalukuyan. May sariling katangian at ambisyong imperyalista ang Japan. Sumusuray na ito sa inter-imperyalistang kumpetisyon sa ekonomya at tiyak itong lalaban sa mga dikta ng US at magpapaunlad ng sarili nitong mga inisyatiba kaugnay ng iba pang bansang Asyano.

Patuloy na nagkakasala ang US laban sa mga mamamayan ng Asia sa pagdikta nito ng mga patakaran sa mga papet na estado nito para ibayong apihin at pagsamantalahan ang mamamayan. Walang habas itong nanghihimasok sa mga panloob na usapin ng mga bansa at mamamayang Asyano. Para ipaggiitan ang hegemonya nito, pinakikialaman nito ang matitingkad na isyu tulad ng pagbabalik ng Taiwan sa China, reunipikasyon ng Korea, Kashmir, Tibet at iba pa.

Nangunguna ang US sa produksyon at paggamit sa henosidyo ng bomba atomika, tulad ng ginawa nito sa Hiroshima at Nagasaki, at pagmamay-ari nito ang pinakamalaking imbak ng mga sandatang nukleyar. Nais nitong panatilihin sa sarili ang di mapasusubaliang superyoridad-nukleyar upang magamit itong pangblackmail sa pulitika at pamalagiin sa kamay nito ang pribilehiyo ng unang paggamit. Sa tulak ng agresibong katangiang imperyalista nito at paghahangad na magtaglay ng monopolyo sa kapangyarihang nukleyar, iginigiit nitong isuko ng ibang mga bansa ang kanilang mga sandatang nukleyar.

Lumalakas ang agos ng armadong rebolusyon sa Southeast Asia at South Asia. Pinamumunuan ng mga partidong Marxista-Leninista- Maoista ang mga digmang bayan at nagtitipon sila ng lakas sa kani-kanyang mga bansa. Tinatanglawan ng gayong mga partido ang landas ng armadong rebolusyon sa Asia at sa iba pang kontinente ng mga bansang malakolonyal at malapyudal.

Patitindihin ng nagaganap na walang katulad na pagkawasak ng mga pwersang produktibo at ng pagkitid ng pandaigdigang pamilihan ang lahat ng batayang kontradiksyon sa mundo, tulad ng sa pagitan ng imperyalismo at ng aping mga mamamayan, sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan at sa pagitan ng monopolyong burgesya at proletaryado sa mga imperyalistang bansa. Maaari silang magbigayinspirasyon sa iba pang partidong Marxista-Leninista- Maoista na maglunsad ng armadong rebolusyon.

Ang teknolohiya sa impormasyon na ibayong nagpapaunlad sa panlipunang katangian ng produksyon at kumokontra sa pag-aaring monopolyong kapitalista ay maaaring gamitin para sa mabilis na komunikasyon sa propaganda, mga armadong operasyon at iba pang aktibidad ng mga kilusang rebolusyonaryo ngayon at para sa sosyalistang pagpaplano ng ekonomya, produksyon at pag-unlad sa kultura sa hinaharap. Tiyak ang pagkagapi ng mga imperyalista at ng kanilang mga lokal na reaksyunaryong utusan. Maningning ang rebolusyonaryong hinaharap ng proletaryado at mamamayan ng daigdig. Ang bagong kaguluhan sa daigdig ay ibayo pang naliligalig at siyang pasimula ng rebolusyong panlipunan.

 


Previous articleBack to topNext article

29 Marso 2000
Edisyong Pilipino


Ipagtagumpay ang armadong rebolusyon sa ika-21 siglo
I. Dakilang mga tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan
II. Ang krisis ng imperyalismo at ang proletaryong rebolusyon
III. Mabilis na paglubha ng bulok na naghaharing sistema
IV. Pagkakamit ng tagumpay sa digmang bayan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.