Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Ulat Koresponsal:
Pagpaparami ng mga guro ng rebolusyon sa Camarines Sur

 Read this article in English


Para makabig sa rebolusyon ang ilampung milyong magbubukid sa malawak na malapyudal na kanayunan, di mapasusubalian ang kahalagahan na makapagpalitaw ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga rebolusyonaryong organisasyong masa ng mga instruktor. Noong isang taon, pinagsikapan ng isang platun sa isa sa mga larangang gerilya ng Camarines Sur na palakasin ang makinaryang pang-edukasyon sa erya nito. At napakaganda ng naging resulta.

Nang magtasa ang platun noong Hunyo, itinanong ni Ka Nell, ang upisyal pampulitika at siyang may responsibilidad na manguna sa gawaing pang-edukasyon, kung "ano pa ba ang pwede nating gawin?" Ang saklaw ng yunit ay binubuo ng ilampung libong mamamayan sa mga barangay sa bulubunduking mga lugar, sa kapatagan at baybayin. Mabunga ang gawaing pagpapalawak at konsolidasyon, na nakapagpausbong ng mahigit isandaang grupong pang-organisa, komiteng pang-organisa at ganap na samahang masa. Ngunit dahil banat na banat na ang siyam na instruktor mula sa platun at ilang dosenang instruktor mula sa mga lokal na organisasyong masa, maraming hindi natutupad na target sa pagbibigay ng mga batayang kursong masa.

"Napakahalaga pa naman," pagdidiin ni Ka Nell, "ng mga kursong masa para pag-alabin ang inisyatiba at mas aktibong paglahok sa rebolusyonaryong gawain at mga pakikibaka."

Idinagdag ni Ka Mel, platun lider at inuuban nang beterano mula pa noong dekada 1980, na: "Isa sa mga aral na nahalaw sa dating mga pagkakamali ay ang pagiging napakaimportanteng salik ng pampulitikang kamalayan ng ating mga organisasyong masa para sila'y tunay na mag-isip at kumilos bilang rebolusyonaryo. Napakahalaga ng ating gawaing pang-edukasyon." Ibinahagi rin ni Ka Mark, isang matagal nang lider ng Partido at kilala bilang napakapasensyoso at napakasipag na instruktor, na ang kanilang sangay ng Partido sa lokalidad ay maaari sanang makapaglunsad ng mas marami pang pag-aaral kung mayroon lang silang mas marami pang mga teksto.

Noon din ay tinukoy ang kasalukuyang makinaryang pang-edukasyon ng teritoryo, tinasa ang mga kahinaan nito at nagbalangkas ng plano para palakasin ang napakahalagang Pambansa-Demokratikong Paaralan sa erya.

Kagyat pagkatapos ng pagtatasa ay nagdaos ng Pagsasanay para sa mga Instruktor ng Kursong Masa (PIKM) para sa mga instruktor mula sa hanay ng mga buong-panahong Pulang mandirigma at mga lokal na organisasyong masa. Ang mga nag-organisa ng pagsasanay ay dinagsa ng mga kahilingan para makadalo dahil nang una itong ianunsyo, sinabing bukas ito kapwa sa mga baguhang instruktor at mga nagnanais maging instruktor. Gaya ng maraming iba pang katulad na aktibidad, hindi kinayang pagbigyan ang lahat at kinailangang rendahan ang kasabikan ng mga kasama at masa dahil sa mga konsiderasyon sa seguridad at lohistika.

Matagumpay na naidaos ang dalawang linggong pagsasanay na dinaluhan ng mga nagmula sa platun, kalapit na mga yunit gerilya at mga lokal na organisasyon. Natatawang ikinwento ni Ka Sammy, isa sa mga instruktor, na: "Nahihiya pa ang mga kasama noong una pero nang umabot na kami sa praktikum sa bandang dulo ng pagsasanay, halos kailangan nang awatin ang lahat dahil ayaw na nilang magkasya sa pagbibigay lamang ng maiikling bahagi ng mga kurso bilang praktis!" Pinalawig ang pagsasanay para magkaroon ng dagdag na panahon para sa praktikum, dahil aniya, "dapat lang na sunggaban at payabungin ang gayong uri ng kasiglahan."

Ipinasya rin na ang mga baguhang instruktor ay magbibigay ng mga pagsasanay sa pamamagitan ng buddy system kung saan paghahatian ng dalawa o tatlo sa kanila ang isang kurso. Tahimik silang susubaybayan ng isang mas makaranasang instruktor habang sila'y nagtuturo at agad magdaraos ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili pagkatapos para makita ang mga kalakasan at kahinaan. Dati nang pinadali ng PIKM ang ganitong mga on-the-job training sa pamamagitan ng pagpapataas sa kumpyansa ng mga baguhang instruktor at pagbibigay sa kanila ng paunang tangkas ng mga lesson plan, tulong biswal at mga pangkulturang pagtatanghal.

Mahalagang salik sa pagpapadali ng pagsasanay ang pagbaling mula sa mga sandatahang yunit pampropaganda tungo sa platun bilang batayang pormasyon. Ngayon, mas madali para sa mga mas abanteng kadre na magsanay ng bago pang mga instruktor. Ang mga baguhan ay tinutulungan ng mga mas sanay na pangibabawan ang kanilang mga kaba. Naaalala ni Ka Paulo, na nakatapos lamang ng ikatlong grado subalit nangangahas magturo ng Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (MKLRP), kung papaano dati siyang naninigas sa takot sa harapan ng klase, na para bang gusto na lang niyang magtago sa likod ng tekstong tangan niya. Sa mga panahong iyon, aniyang nakangiti, "ang mga tango at ngiti mula sa isang kasama sa likuran ang nakapagpalakas ng aking loob.�

Labas sa mga aktwal na sesyon, hinihikayat ang mga talakayan hinggil sa batayang rebolusyonaryong teorya at prinsipyo para mapatalas ang pag-unawa ng lahat sa mga ito. Inamin ng pangalawang platun lider at kung minsa'y masyadong seryosong si Ka Charlie, na "ang totoo, nalalaman mo kung gaano na kalalim ang pag-unawa ng mga kasama sa rebolusyonaryong teorya kapag ispontanyo na silang nakapagbibiro mula rito." Pangiti rin niyang binanggit ang isa pang bentahe�nagiging mas tahimik ang mga kampo dahil mas pinipili na lang ng ibang medyo pilyong mga kasama na magbasa. "Syanga pala, kailangan pa naming pabweluhin nang husto ang aming programa sa literasi sa loob ng yunit at harinawa'y magagawa ito sa malapit na hinaharap," dagdag niya.

Pinagsikapan din ng platun na magpalitaw ng mas marami pang teksto at tulong biswal. Sa tulong ng mga alyado sa syudad, nakapaglimbag sila ng may 50 libro kung saan tinipon ang mga batayang kurso. Ang kalahati nito'y may sukat na 8 �" x 11", inilimbag gamit ang malalaking letra at ibibigay sa mga lokal na instruktor; at ang nalalabi ay mga librong sangkapat lamang nito ang laki at madaling isilid sa mga bakpak ng mga Pulang mandirigma. Ang mga biswal para sa mga kurso ay iginuhit sa kartolina at mga lumang kalendaryo gamit ang pentel pen at pinatibay sa pamamagitan ng pagteyp sa mga gilid nito, o kaya inimprenta sa tela sa pamamagitan ng silkscreen. Nakapag-ipon din ng mga mapa, retrato at pati isang inflatable globe (modelo ng mundo na hinihipang parang lobo).

Pagsapit ng katapusan ng taon, may sapat nang kumpyansa ang kalahati ng platun na magturo ng kahit ilang batayang kursong masa. Bukod pa ito sa solidong bag-as ng platun na may kakayahang magturo kahit ng mga mas abanteng kursong pampartido. Hindi na problema ang kakulangan ng mga instruktor kahit magdispers pa ang platun sa mga iskwad para maggawaing masa sa malawak na erya. Ibayong lumakas ang mga komiteng pang-edukasyon ng mga lokal na rebolusyunaryong organisasyong masa, na siyang gulugod ng makinaryang pang-edukasyon ng teritoryo.

Kapansin-pansin din ang mas mataas na antas

ng kumpyansa ng yunit sa gawaing propaganda. Hindi na tinapos ni Ka Ren ang ikaanim na grado para mapagbigyan ang kanyang pinakabatang mga kapatid na nagsisimula pa lamang mag-aral. Ngunit aniya, na tila may pagkamangha pa rin sa sarili, "kung minsan matagal akong nakikipagtalakayan tungkol sa mga pambansang isyu sa mga titser at negosyante o tungkol sa reporma sa lupa sa mga magsasakang pwede ko nang maging lolo."

Sa unang tingin, mukhang ang mga titser ng BHB at ROM ay nalilimitahan ng mababang antas na inabot ng pormal na edukasyon. Dahil ang malaking mayorya sa mga kasama ay nagmula sa naghihikahos na masang magsasaka, marami sa kanila ang napilitang tumigil sa pag-aaral sa murang edad para tumulong sa bukid o sa simpleng dahilan na hindi kayang tustusan ng kanilang pamilya ang kanilang pag-aaral. Subalit malayo ang mararating ng lubos na determinasyong bunga ng rebolusyonaryong diwa. Para sa marami, kinailangan lamang palakasin ang kumpyansa na sumubok man lamang muna upang matanto na tunay palang maaari silang maging mahuhusay na instruktor ng rebolusyon.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Pebrero 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Marami pang liko't ikot ang daraanan ng usapang pangkapayapaan

Mga pakinabang ng mamamayan mula sa kasunduan sa Oslo
Mga kinatawan sa JMC, hinirang
Mga aktibista para sa karapatang-tao, pinaslang ng militar
Karahasan laban sa mga progresibong kandidato at partido
Matatagumpay na Opensiba ng BHB
27 armas, nasamsam ng BHB

Mga Ulat Koresponsal:
Pagpaparami ng mga guro ng rebolusyon sa Camarines Sur
Mga Ulat Koresponsal:
Ka Basil, dakilang rebolusyonaryo

Mga Ulat Koresponsal:
Mapait ang asukal sa Negros

Laban sa imperyalistang globalisasyon at gerang agresyon:
Mumbai Resistance 2004, matagumpay na idinaos

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.