Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Gera ng mga tribo at ang bodong sa Cordillera

 Read this article in English

Nitong mga huling taon, nagkaroon ng panibagong bugso ng gera ng mga tribo sa Cordillera dahil sa udyok ng mga reaksyunaryong pulitiko, militar at pwersang paramilitar at mga sindikato sa rehiyon.

Tampok ang muling pang-uupat at pagpapaigting pa ng Cordillera People's Liberation Army (o CPLA, isang kontra-rebolusyonaryong grupo na naging pwersang paramilitar na ng AFP at PNP) sa matagal nang umiiral na gera sa pagitan ng tribong Butbut sa Tinglayan, Kalinga at ng tribong Betwagan sa Sadanga, Mt. Province. Para mapalawak ang kanilang iligal na pagtotroso at pagtatanim ng marijuana, nanghimasok ang CPLA na pangunahing nakabase sa Tinglayan sa mga lupaing sakop ng Betwagan.

Dumadalas na rin ang pagputok ng mga tribal war bunsod ng Local Government Code na nagtutulak sa mga tribo, baryo at bayan na sumakop ng karagdagang teritoryo mula sa mga karatig para mapalaki ang kanilang Internal Revenue Allotment.

Gera at bodong. Ang gera ng mga tribo ay isang sinaunang paraan ng mga tribo para resolbahin ang kontradiksyon sa pagitan nila batay sa lakas at konseptong "ngipin sa ngipin" hanggang makamit ang pagkakapatas-patas o kaya'y matatag na mapanatili ng isa ang mapagpasyang lamang laban sa kabila.

Kapag may gera sa pagitan ng mga tribo, ang lahat — matanda at bata, lalaki at babae — ay minomobilisa sa iba't ibang aspeto ng laban — mula sa pag-iimbak ng mga suplay ng pagkain, pag-aayos ng depensa, pag-iipon ng armas at bala, pagtatanod, pagmamanman sa kilos ng kalabang tribo hanggang sa pag-atake at pag-atras. Lahat ng myembro ng magkakalabang tribo saan man sila naroroon, maging ang mga inosente at walang kalaban-laban, ay target ng atake.

Ang bodong naman ay institusyon ng mga tribo para itigil ang gera sa kanilang hanay, tiyakin ang proteksyon ng bawat isa at itatag ang mapayapa at magkaalyadong ugnayan. Nag-aanyo ito ng malinaw na mga kasunduan sa pagitan ng dalawang tribo kaugnay ng mga usaping mahalaga para sa kapwa tribo. Kabilang dito ang mga usapin sa lupa, mga rekurso at hangganan ng teritoryo, buhay, kabuhayan, pag-aari, hustisya at karangalan ng magkabilang tribo.

Sa pamamagitan ng bodong, nareresolba ang iba't iba pang usaping pinagtutunggalian o kailangang ayusin at pagtulungan ng mga binodngan

(komunidad na nagsasagawa ng bodong). Sa prinsipyo at sa praktika, aktibong lumalahok ang Partido at BHB sa pagpapatigil ng gera ng mga tribo at sa pag-impluwensya at paggabay sa pagbubuo at sa pagtataguyod ng mga bodong. Tinitiyak na di kailanman dapat masangkot sa gera ng mga tribo ang BHB bilang hukbo ng buong mamamayan at ang mga sandatahang pwersa ng reaksyunaryong estado bilang kaaway ng buong sambayanan. Aktibong isinusulong ng Partido at ng BHB ang makatarungang kapayapaan sa hanay ng mga tribo at ng mamamayan upang maituon ang paglaban ng mamamayan sa mga reaksyunaryong naghaharing uri na siyang tunay na kaaway ng mamamayan. Alinsunod ito sa prinsipyo na ang mga kontradiksyon sa hanay ng mamamayan ay sekundaryo at di antagonistiko.

Ang mga usapin ng mga tribo ay pwedeng resolbahin sa mapayapa at demokratikong pag-aayos, kabilang na ang paggamit ng mga katutubong paraan gaya ng tungtongan at pag-aareglo. Tungo sa kagyat at estratehikong pagpapatigil ng gera ng mga tribo, tinutukoy ng rebolusyonaryong kilusan ang sanhi ng mga ito at ang mga kinakailangang hakbang. Katuwang ang mamamayan, tinutukoy, inilalantad at nilalabanan nito ang maruruming layunin ng mga reaksyunaryong pwersang nang-uupat ng mga gera para sa sariling kapakinabangan.

Progresibong bodong. Kinikilala at nirerespeto ng rebolusyonaryong kilusan ang mga katutubong kaayusan, kabilang na ang bodong. Ang mga progresibong aspeto ng mga katutubong kaayusan ay hinihikayat, pinauunlad at nilalakipan ng rebolusyonaryong nilalaman, gaya ng konseptong pagtitiyak na napananagutan ang anumang malaking paglabag sa hustisya, ang pagkakasundo para sa kapayapaan, ang pangangalaga sa kapaligiran, ang pagtuturing sa lupa at mga likas na yaman bilang kolektibong pag-aari ng lahat at hindi ng iilan. Ang mga negatibong aspeto ng mga kaugaliang katutubo ay itinatakwil. Kinikilala ng rebolusyonaryong kilusan na ang obligasyon ng mga tribong nakapailalim sa bodong na maglunsad ng gera sa kalabang tribo ay negatibong aspeto ng mga kaugaliang binodngan at sa gayon ay dapat pawiin. Sa halip na maglaban-laban, hinihikayat nitong ibaling ng mga tribo ang kanilang paglaban sa komun na kaaway ng mga pambansang minorya, at gayundin ng buong sambayanan — ang reaksyunaryong estado at mga reaksyunaryong naghaharing uring nagsasamantala at nang-aapi sa kanila.

Bagamat marami pang labi ng mga primitibong anyo at pamamaraan nito, napawi na sa kalakhan ang sinauna o tradisyunal na bodong na umiral bago lumaganap at tumagos sa buong bansa ang malapyudal at malakolonyal na sistema. Sa lugar ng mga binodngan kung saan nangingibabaw pa ang kontrol at impluwensya ng mga reaksyunaryo sa usapin ng gera ng mga tribo at bodong, ang umiiral ay mga balikong bodong. Sa mga lugar naman kung saan mas nangingibabaw na ang pamumuno at impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan, aktibong iniimpluwensyahan at ginagabayan ng Partido at BHB ang pagbubuo ng mga bodong. Inaangkupan ang umiiral pang labi ng mga sinaunang porma at proseso ng mga bodong at pinauunlad ang mga ito tungo sa pagiging bagong-tipo ng bodong. Ito ay ibayong progresibo, demokratiko at makabayan.

Sa halip na maglaban-laban, hinihikayat nitong ibaling ng mga tribo ang kanilang paglaban sa komun na kaaway ng mga pambansang minorya, at gayundin ng buong sambayanan...

Itinataguyod ng bagong-tipo ng bodong ang interes ng mga pinagsasamantalahan at inaaping masa ng sambayanan at binubuklod nito ang mga tribo tungo sa makauring pagkakaisa ng mga api at napagsasamantalahan, laban sa mga kaaway ng mamamayang Pilipino. Kasabay ng pakikibaka para sa pagpapasya-sa-sarili, isinusulong ng bagong-tipo ng bodong ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Hindi na ito nalilimita sa dadalawa o iilang tribong binodngan kundi sa pinakamalawak na hanay ng mga tribo. Maunlad ang pagpapairal nito ng demokrasya — hindi nalilimita sa iilang pangat (lider ng tribo) ang pagpapasya kundi pinalalahok ang nakararami sa tribo. Sa partikular, malakas ang tinig ng mga napagsasamantalahan at api, gayundin ng kababaihan at kabataan, at nabibigyan ng pinakamabigat na timbang ang interes nila. Mahigpit itong nakaugnay sa kanilang paglahok at pagsusulong ng digmang bayan.

Mayaman sa aral ang pagpapahigpit at pagpapalawak pa ng pagkakaisang naabot na at naipagtagumpay ng mga tribo sa tulong ng bagong-tipo ng bodong, gaya ng maramihang-panig at malawakang bodong ng iba't ibang tribong Kalinga at tribong Bontoc laban sa Chico Dam Project noong panahon ng diktadurang Marcos.

Nabibigkis din ng mga malawakang bodong ang pagkakaisa ng mamamayan laban sa pagpasok ng mga dayuhang korporasyon sa pagmimina, komersyal na pagtrotroso at iba pang negosyong mapang-agaw at mapanira sa lupa, mga likas na yaman, kabuhayan at kapakanan ng mga pambansang minorya. Sa higit na pagkakaisa ng mamamayang binodngan, ang kanilang mga armas ay naitututok sa mga kaaway sa uri at sa reaksyunaryong estado at hindi sa kapwa nilang mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Oktubre 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Gloria Macapagal-Arroyo, numero unong ipokrita

Igiit at ipagtanggol ang ligal at demokratikong pakikibaka ng mamamayan
Pagmasaker sa apat na aktibista sa Compostela Valley, mariing kinundena
Sa Ilocos-Cordillera
Mga kasinungalingan ng AFP, binatikos ng BHB

Milyun-milyong pisong nakawan sa PAGCOR
Lumalakas, lumalawak ang rebolusyonaryong unyonismo
Gera ng mga tribo at ang bodong sa Cordillera
Sa Ibayong Dagat:
Tunggalian sa Middle East

US at Israel, umaani ng malawak na pagkundena

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.