Umiigting at humahantong sa kaguluhan at karahasan ang alitan ng mga reaksyunaryo
Ang mga pihit sa mga pangyayari mula noong huling linggo ng Pebrero, kaakibat ng pagsisikap nina Estrada na makaiwas sa pananagutan sa kasong pandarambong at makabalik sa poder, ay tanda ng bumibilis na pag-igting at paghantong sa kaguluhan at karahasan ng nagbabanggaang kampo ng mga reaksyunaryo.
Sa pamamagitan ng taktikang pagsasagad sa ligal, gamit ang lahat ng maisip na malalaki't maliliit na pagdadahilan, sadyang inaantala ng depensa ang proseso ng paglilitis sa kasong pandarambong laban sa mga Estrada, batay sa pagtatayang maaaring magtagal pa bago makamit ang paborableng pampulitikang kalagayan para sa kanila. Kasabay nito, gumagamit sila ng pailalim na mga taktikang lampas sa ligal at may kaakibat na panggugulo. Pinabibilis at pinahahantong nila sa mas matinding antas at karahasan ang alitan sa pagitan nila at ng kampong Macapagal-Arroyo.
Nais sakyan ng kampong Estrada ang mga salik na mabilis na naghihiwalay sa rehimeng Macapagal-Arroyo: ang paglala ng krisis pangkabuhayan at pampulitika; ang paglakas ng mga protesta laban sa mga patakaran at aksyon ng rehimen; ang pagputok ng mga isyu ng korapsyon at iba pang isyu laban sa rehimen, kay Macapagal-Arroyo at sa mga taong malapit sa kanya at ang pagtaas ng antas ng karahasan sa pagitan ng magkalabang mga kampo nila.
Ginawang malaking isyu nina Estrada ang kahilingan niyang magpagamot ng tuhod sa US. Ayaw ni Estrada na mahatulan siya ng isang korteng hindi niya kontrolado at sa ilalim ng isang gubyernong hindi niya hawak. Nagbanta na ang kampong Estrada na magkakagulo sa lansangan kapag hindi papayagang makapunta si Estrada sa US. Nakuha nina Estrada ang pagsang-ayon ng karamihan ng mga senador at kongresman, kabilang ang mga nasa naghaharing koalisyon at lihim na sinuportahan din ito ni Macapagal-Arroyo, sa maling pag-aakala na kapag nasa labas na ng bansa si Estrada, hindi na ito gaanong makapanggugulo sa gubyerno.
Dati nang hindi lubusang umaasa sina Estrada na mananalo sila sa korte habang wala sila sa poder. Sa tantyang mapapabilis ang mga pagdinig sa kaso, umaangal sila sa pagbubuo ng Korte Suprema ng isang espesyal na korte ng Sandiganbayan para sa paglilitis ng kaso, na pangangasiwaan ng mga hukom na pawang hindi pabor sa kanila.
Dulot nito, sa kagustuhang pasidhiin ang "krisis", inamin ni Estrada na siya nga ang pumirma sa mga dokumento ng bangko sa pangalang Jose Velarde, at pagkatapos ay "binitiwan" niya ang kanyang mga abugado, tumanggi na sa anumang pakikipagkooperasyon sa korte at itinuon na ang atensyon niya sa pagsisikap na kunin ang simpatiya ng madla. Sinabi ni Estrada na wala siyang tiwala sa mga taong bumubuo ng Sandiganbayan at Korte Suprema, hindi na niya ipagtatanggol ang sarili, at ipinauubaya na lamang ang paghusga sa kanyang kaso sa "kapasyahan ng lansangan". Nagpataw si Estrada ng mga imposibleng kundisyon, tulad ng pagbibitiw ni Supreme Court Chief Justice Hilario Davide at ng dalawa pang hukom ng Korte Suprema, sina Artemio Panganiban at Antonio Carpio (dahil antimano'y may mga husga na silang siya ay maysala). Iginiit din niya ang pagbubuwag sa espesyal na korte ng Sandiganbayan na binuo para sa kaso niyang pandarambong.
Kabilang sa hanay ng mga senaryong pinahihinog at nais abutin ng mga taktika ng kampong Estrada ang pagtalo kay Macapagal-Arroyo ng isang kandidatong maka-Estrada sa halalan sa 2004, o kaya ang pagpapatalsik kay Macapagal-Arroyo mula sa pwesto bago pa ang halalan sa pamamagitan ng isa pang tipong-EDSA na pagkilos ng mamamayan, kudeta o iba pang pamamaraan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|