|
|
Lubhang nahihiwalay na ang AFP sa mamamayan. Ipinakita ito nang magdaos ng isang matagumpay na medical at fact-finding mission (MM-FFM) noong Setyembre 19-22 sa Caruppian, Baggao, Cagayan ang CAGIMUNGAN, ang inter-munisipal na samahan ng mga magsasaka sa prubinsya. Ang MM-FFM na isinagawa ng mahigit 10 propesyunal sa kalusugan, mga kabataang aktibista, taong simbahan at mga myembro ng mga progresibong institusyon ay tinangkilik ng mahigit 1,000 katao. Pakay nito na maghatid ng serbisyong medikal sa mamamayan at imbestigahan ang mga naiulat na karahasang militar laban sa mga magsasaka sa tatlong barangay ng Caruppian, Ibulo at Bunugan. Sa kabilang banda, nilangaw naman ang civic action (CIVAC)na inilunsad ng 5th ID sa Caruppian din noong Setyembre 15. Kasabay ng MM-FFM, isang petisyon ang inilabas ng mamamayan sa tatlong barangay na tumututol sa pagrerekluta ng CAFGU at naglalantad sa karahasan at pananalanta ng 41st IB sa mga taumbaryo. Kabilang sa mga pumirma sa petisyon ang lahat ng upisyal ng Barangay Caruppian. Sa huling araw ng aktibidad ay nagdaos ng Araw ng Pagkakaisa sa isang eskwelahan sa Caruppian na dinaluhan ng humigit-kumulang 300 katao. Nasa tabi ito mismo ng barangay hall, na hinihimpilan ng Bravo Company ng 41st IB. Pinapunta rito ang militar subalit iilan lamang ang nanood sa may labas ng bakod ng eskwelahan. Ang kumander ng kumpanya na si Lieutenant Gaffud ay nagtakip pa ng mukha sa sobrang kahihiyan nang magsalita na ang mga biktima ng karahasang militar mula sa panahon ng batas militar hanggang sa kasalukuyan at nag-iyakan ang masang nakikinig. Ang ilang sundalong nanonood sa labas ay unti-unting lumayo. Damang-dama nila ang pagkamuhi ng mamamayan. Isang ordinaryong sundalong lumapit sa lugar ng pagtitipon ang pinaligiran at pinaliwanagan ng mga kabataang aktibista. Pagkatapos siyang paliwanagan, sinabi niyang umaayon siya sa ipinaglalaban ng mga magsasaka dahil interes ito ng kanyang pamilyang mula rin sa uring magbubukid. Galit na galit ang 5th ID sa pagkaboykot ng kanilang CIVAC. Kahit sa mismong purok ng barangay na kinalalagyan ng himpilang militar, iilang taumbaryo lamang ang nagpunta, sa kabila ng pag-imbita ng AFP sa iba't ibang baryo. Kahit ang dinalang kombo at idinaos na sayawan ay hindi nakaengganyo sa taumbaryo. Ang ilang dumalo rito ay nagmadaling umuwi dahil naglasingan ang mga militar. Di na rin nakapagtataka kung boykotin ng mga taumbaryo ang CIVAC. Sa kanilang karanasan, pawang mga expired na gamot ang ipinamimigay tuwing nagdaraos ng CIVAC ang AFP. May mga insidente pang hindi angkop ang mga gamot na ibinigay para sa ilang sakit, at lalong sumama ang pakiramdam ng mga uminom nito. Isang araw pagkatapos ng MM-FFM, nagdaos ng press conference ang mga lider-magsasaka ng CAGIMUNGAN para isiwalat ang mga paglabag sa karapatang-tao na isinadokumento ng fact-finding mission at ang petisyon ng mga taumbaryo na patalsikin ang 41st IB. Walang maisagot ang militar sa mga kaso ng pang-aabuso na inilantad ng misyon.
| ||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|