Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

Sabwatan ng militar at Abu Sayyaf, ibinunyag ni Burnham

KINUMPIRMA ni Gracia Burnham, isang Amerikanang misyonerong mahigit isang taong naging bihag ng Abu Sayyaf ang malaon nang sabwatan ng mga upisyal ng AFP at ng teroristang grupo. Sa isinulat niyang librong In the Presence of my Enemies (Sa Piling ng Aking mga Kaaway) na inilabas sa US nitong unang linggo ng Mayo, ibinunyag ni Burnham na nakipagtawaran ang isang heneral ng AFP kay Abu Sabaya, isa sa mga lider ng Abu Sayyaf, sa hatian sa ransom ng mga bihag. Lamang ay hindi natuloy ang hatian dahil sa laki ng gustong porsyento ng heneral.

Sinabi rin ni Burnham na ang AFP mismo ang nagsusuplay sa Abu Sayyaf ng gamot, bigas at iba pang pagkain. Iniiwan lang umano ito ng mga sundalo sa tabi ng mga kalsadang dinadaanan ng Abu Sayyaf na malapit sa mga detatsment. Nanggagaling din sa militar ang mga armas at bala ng mga bandido. Namatay sa isang bigong "rescue operation" noong Hunyo 7, 2002 sa Zamboanga ang asawa ni Gracia na si Martin na kasabay niyang nabihag. Natamaan din si Gracia sa paa at namatay ang isa pang Pilipinong bihag.

Dati nang ibinunyag ng iba pang bihag at ni Fr. Cirilo Nacorda, kura paroko sa Lamitan, Basilan ang kutsabahan ng militar at Abu Sayyaf. Ayon kay Fr. Nacorda, sadyang pinatakas ng AFP ang mga bandido nang salakayin ng Abu Sayyaf ang Lamitan noong 2001. Subalit walang nangyari sa imbestigasyon hinggil sa kanilang mga reklamo.

Dahil sa mga ibinunyag ni Burnham, naghain ng resolusyon ang isang kongresista para muling buksan ang imbestigasyon sa insidente sa Lamitan. Samantala, balak ipatawag sa senado ang mga upisyal na sangkot sa nasabing insidente. Kabilang dito sina Maj. Gen. Romeo Dominguez (hepe ngayon ng Northern Luzon Command), Col. Juvenal Narcise at Maj. Eliseo Campued.

Dean Malay, pumanaw na

PUMANAW na sa edad na 89 si Dean Armando J. Malay nitong Mayo 15. Nagtala siya ng maningning na rekord ng anim na dekadang pakikibaka bilang makabayang peryodista, aktibista at tagapagtaguyod ng karapatang-tao.

Nagsimula bilang reporter si Malay noong 1935. Dahil sa paglaban sa diktadurang Marcos, ikinulong siya kasama ang buong patnugutan ng peryodikong WE Forum noong 1982. Pinawalangsala sila sa kasong subersyon pagkatapos ng EDSA I noong 1986.

Kasama ang mga progresibo at rebolusyonaryong pwersa, itinayo ni Malay ang ilang organisasyong pangkarapatang-tao na nagtanggol sa mga karapatan at kagalingan ng mamamayan. Mahaba at mabunga rin ang mahigpit niyang pakikipagkaibigan sa Partido. (Maglalabas ang AB ng mas malawig na artikulo hinggil kay Dean Malay sa susunod nitong isyu.)

Lider magsasaka, sinalbeyds

NATAGPUANG patay ng kanyang mga kamag-anak noong Mayo 9 si Melencio Gloriani, 51, upisyal ng Kalipunan ng mga Magsasaka sa Kabite-KMP, ilang araw lamang matapos siyang dakpin ng Philippine National Police (PNP). Tadtad ng mga bala ang kanyang katawan nang makita ito sa Sityo Kapantayan, Barangay Bucal, bayan ng Maragondon, Cavite.

Samantala, ang dalawa niyang kasamang aktibistang magsasaka na sina Ronilo Pagao, 22, at Gerry Ciacos ay patuloy na ibinibinbin sa Camp Pantaleon, Imus sa paratang na mga kasapi sila ng Bagong Hukbong Bayan.

Sentenaryo ng kamatayan ni Mabini, ginunita

GINUNITA nitong Mayo 13 ang sentenaryo ng kamatayan ni Apolinario Mabini, na kilala bilang "Dakilang Paralitiko". Ipinanganak si Mabini noong 1864 sa Tanauan, Batangas. Bagamat galing sa mahirap na pamilya, nakatapos si Mabini ng abogasya noong 1894 dahil sa kanyang pagsisikap. Di naglaon ay sumapi siya sa Katipunan.

Dahil sa isang karamdaman, nalumpo siya noong Enero 1896. Sa kabila ng kanyang kalagayan, ikinulong siya ng mga kolonyalistang Espanyol mula 1896 hanggang 1897 dahil sa kaugnayan niya sa Katipunan.

Nagsilbi siyang punong ministro ng Unang Republika ng Pilipinas nang ideklara ito noong Hunyo 1898. Nadakip siya ng mga kolonyalistang Amerikano noong 1899 at idinistyero sa Guam.

Pinabalik siya sa Pilipinas noong 1903 at pilit na pinasusumpa sa bandilang Amerikano. Di tulad ng ibang upisyal ng Unang Republika, hindi yumukod si Mabini sa dayuhang mananakop hanggang sa mamatay siya sa sakit na kolera noong Mayo 13, 1903.

Paglabag sa karapatang-tao, lumalala sa Rehiyon 11

INAMIN mismo ng Commission on Human Rights na tumataas ang bilang ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa Rehiyon 11 sa Mindanao. Sa unang kwarto ng taong ito, 67 kaso na ang naisampa�mas mataas nang 116.13% kumpara sa parehong panahon ng nakaraang taon. Mga kaso ito ng tangkang pagpatay (12), pananakit (17) at pananakot (6), at ang iba ay mga kaso ng pamamaril, pambobomba, arson, panggagahasa, panggigipit, pagdukot, iligal na pang-aaresto at iligal na detensyon.

Sabwatang Ba�ez-AGILE, nabunyag

IBINUNYAG ng isang kongresista ang sabwatan ng dating commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na si Rene Ba�ez at ng AGILE, isang institusyong itinayo ng US CIA, na wasakin ang BIR at itayo ang Internal Revenue Management Authority upang itago ang malalaking anomalya ng mga pinuno nito.

Ang pagbigay ni Ba�ez ng bilyun-bilyong pisong tax break sa Metro Pacific Group of Companies, na dati niyang pinagtatrabahuan, ang isa sa mga dahilan ng pagbagsak ng kuleksyon ng BIR noong nakaraang taon, ani Kongresman Aniceto Saludo ng Southern Leyte. Tinatayang aabot sa P38 bilyon ang di nakolektang buwis dahil sa anomalyang ito.

Nasa ilalim ng Metro Pacific ang dambuhalang mga kumpanya tulad ng PLDT, Smart, Piltel, Fort Bonifacio Development Corporation at Negros Navigation.

Ayon sa kongresista, pinalalabas ng rehimen na kasalanan ng ordinaryong mga empleyado ng BIR ang pagbagsak ng kuleksyon upang pagtakpan ang pangungurakot ni Ba�ez.

Kontrata ng PIATCO, pinawalambisa

MATAPOS huthutan at pakinabangan, tuluyan nang pinawalambisa ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang kontrata ng Philippine International Air Terminals Inc. (PIATCO) na inatasang magtayo ng NAIA Terminal 3. Noong nakaraang taon pa nais sipain ni Macapagal-Arroyo ang pamilyang Cheng, ang pangunahing mamumuhunan sa proyekto, bilang pabor kay Lucio Tan na gustong kumontrol sa lahat ng terminal sa internasyunal at lokal na paliparan. Sa pagpapawalambisa ng Korte Suprema sa kontrata nitong Mayo, libreng-libre nang pumasok at makinabang ang grupo ni Lucio Tan sa tapos nang NAIA Terminal 3.

Iginigiit ng PIATCO na bayaran ng gubyerno ang mahigit $500 milyong ginastos nito sa pagpapagawa ng terminal. Tiyak na titiba na naman ng milyun-milyong dolyar si Macapagal-Arroyo at kanyang mga kasapakat sa nakatakdang negosasyon para sa "reimbursement" ng ginastos ng PIATCO.

Saudi Arabia, Chechnya, Morocco binulabog ng mga pambobomba

SUNUD-SUNOD ang pagpapasabog ng mga bomba nitong Mayo sa Saudi Arabia, Chechnya at Morocco na puminsala sa ilandaan katao, bukod pa sa mga pasilidad. Ang mga lugar na binomba ay pawang saklaw ng mga bansang tumutol sa gera ng US laban sa Iraq.

Mabilis na pinaratangan ng US ang al Qaeda sa mga pambobombang ito. Subalit malakas ang hinala na kagagawan ang mga ito ng mga operatibang pangsaywar ng US Central Intelligence Agency. Ito'y upang parusahan ang mga bansang hindi sumang-ayon sa panggegera sa Iraq at mabigyang-dahilan ang patuloy na presensya ng mga tropang Amerikano sa Middle East at Central Asia.

Mahigit 40 katao ang namatay at marami ang nasugatan sa magkakasunod na pambobomba sa apat na lugar sa Casablanca, Morocco gabi ng Mayo 16. Sumabog naman ang dalawang bomba sa Chechnya noong Mayo 13 na ikinamatay ng 54 at ikinasugat ng 110. Noong Mayo 12, tatlong bomba ang sumabog sa Riyadh, Saudi Arabia na ikinamatay ng 34 at ikinasugat ng mahigit 100.

Ang pambobomba sa Saudi Arabia ang pinakaunang atake laban sa mga Amerikano at iba pang dayuhan mula nang sakupin ng mga tropang US ang Iraq. Bago ito, iginigiit na ng gubyernong Saudi ang pagpapaalis sa mga tropang Amerikano sa bansa dahil mitsa ito ng lumalalim at lumalawak na sentimyentong anti-US sa Saudi Arabia.

Samantala, isang malapit na alyado ng US ang Morocco, ngunit naging mahigpit ang pagtutol nito nang salakayin ng US ang Iraq.

Ang Chechnya naman ay isang autonomous na republikang saklaw ng Russia noong nakatayo pa ang Union of Soviet Socialist Republics (USSR). Nagdeklara ito ng kasarinlan pagkatapos malusaw ang USSR ngunit sinakop ito ng Russia noong 1994. Kasalukuyan itong naglulunsad ng digma ng pambansang pagpapalaya laban sa Russia.

Mariin ding tinutulan ng Russia ang gera ng US sa Iraq. Isinasangkalan ngayon ng US ang pambobomba sa Chechnya para tiyakin ang kooperasyon ng Russia sa pandaigdigang gera laban sa "terorismo" na itinutulak ng US.

North Korea, tumiwalag sa kasunduan laban sa mga armas nukleyar

TUMIWALAG nitong Mayo 13 ang North Korea o Democratic People's Republic of Korea (DPRK) sa kasunduan sa pagitan nito at ng South Korea na nagbabawal ng mga armas nukleyar sa buong Korean peninsula. Anang DPRK, pinawalang-saysay na ng US ang naturang kasunduan.

"Sistematiko at ganap nang winasak ng administrasyong Bush ang proseso ng denukleyarisasyon ng Korean peninsula," pahayag ng DPRK. "Kaya naging isa nang patay na dokumento ang deklarasyon ng denukleyarisasyon ng Korean peninsula."

Ilang buwan nang ginigipit ng US ang North Korea upang pilitin itong ibasura ang programang nukleyar ng bansa. Naninindigan ang North Korea na ang pagaarmas nito ay makapipigil sa bantang agresyon ng US.

Indonesia nagdeklara ng batas militar sa Aceh

UMABOT sa 45,000 tropang Indones ang lumusob sa Aceh pagkatapos ideklara rito ng Indonesia ang batas militar nitong Mayo 19.

Ginawa ang deklarasyon pagkatapos bumagsak ang usapan sa pagitan ng Free Aceh Movement (GAM) at ng gubyernong Indones dahil sa patuloy na paninindigan ng GAM para sa kasarinlan sa halip na awtonomya. Isinangkalan ng Indonesia ang diumano'y pagsunog ng GAM sa 30 eskwelahan.

Halos 27 taon nang ipinaglalaban ng GAM ang kasarinlan ng Aceh. Ang prubinsya, na nasa hilagang bahagi ng Indonesia, ay estratehiko para sa Indonesia at mga imperyalistang bansa dahil mayaman ito sa langis at natural gas.

France, pinaralisa ng welga

BUONG araw na paralisado ang France nitong Mayo 13 nang magwelga ang aabot sa dalawang milyong manggagawa laban sa bagong sistemang pensyon ng gubyerno.

Aabot sa 80% ng mga byaheng internasyunal at lokal ang nakansela. Tumigil din ang mga byahe ng mga barko at tren. Nagsara ang maraming ospital at paaralan at ang serbisyong koreo. Tinatayang aabot sa 700,000 ang sumali sa 100 aksyong protesta sa buong bansa.

Nagwelga ang mga manggagawa para tutulan ang bagong rekisito ng pagtatrabaho ng dagdag pang dalawa at kalahating taon bago makapagretiro at makuha nang buo ang kanilang pensyon.

Kumander ng mga tropang US sa Iraq, kinasuhan

KINASUHAN nitong Mayo 14 ng 19 na Iraqi si Gen. Tommy Franks, kumander ng mga pwersang Amerikano sa Iraq, at iba pang upisyal militar ng US ng mga krimen laban sa sangkatauhan. Kabilang sa mga ikinaso sa kanila ang walang habas na pagpatay sa mga sibilyang Iraqi, ang pambobomba sa isang palengke, pagtarget sa mga ambulansya at hindi pagpigil sa malawakan at walang pakundangang nakawan sa mga ospital.

Matibay ang ebidensya na hindi lamang pinabayaan ng US ang laganap na nakawan kundi inengganyo pa ito.

Inihapag ng abugado ng mga Iraqi na si Jan Fermons ang kaso sa Belgium sa ilalim ng batas ng bansa na nagpapahintulot na litisin ng mga korteng Belgian ang sinuman, maging mga dayuhan, para sa mga krimeng pandigma saanmang bahagi ng mundo ito naganap.

Galit na binantaan ng US ang gubyernong Belgian laban sa pagharap sa kaso. Sa ngayon, nanganganib na mabalewala ang kaso dahil sa probisyon sa batas ng Belgium na kung ang mga nakademanda ay mula sa isang "demokratikong" bansa, mas nararapat na doon sa bansang iyon isampa ang kaso.

Pagtatanggal sa CPN(M) sa listahan ng mga terorista, ipinanawagan

APATNAPU'T limang partido at organisasyon mula sa iba't ibang bansa ang nanawagan nitong Mayo 4 na tanggalin ang Communist Party of Nepal (Maoist) o CPN(M) sa listahan ng US ng umano'y mga terorista.

Ang naturang mga organisasyon, kabilang ang NDFP, ay kalahok sa Ika-12 International Communist Seminar na ginanap sa Brussels, Belgium.

Ibinilang ng US ang CPN(M) at ang pinamumunuan nitong United People's Front (UPF) sa listahan ng mga "terorista" noong Abril 30. Layunin ng hakbanging ito ng US na sagkaan ang ginaganap na usapang pangkapayapaan sa Nepal.

Nanawagan din ang 45 organisasyon na palayasin mula sa Nepal ang 48 Amerikanong tagapayong militar ng reaksyunaryong gubyerno. Nagpahayag sila ng pagsuporta sa prosesong pangkapayapaan sa Nepal.

 


Previous articleBack to top 

21 Mayo 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Suportahan ang pakikibaka ng mamamayang Moro laban sa tumitinding atake ng rehimeng US-Arroyo!

Pambobomba sa Mindanao
Pasiklab ng rehimen sa US

Bt corn: nakakalasong mais ng Monsanto
Gubyerno, walang laban sa SARS
Ka Elvira, mapagkalingang rebolusyonaryo
Sa ibayong dagat:
Tagibang na daan tungong kapayapaan sa Palestine

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.