Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Ibayong inaarmasan ng US ang rehimeng Arroyo

 Read this article in English

Ibayong inuudyukan ng imperyalismong US ang militarismo ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Sa pamamagitan ng $357 milyong kabuuang halaga ng ayudang militar na ipinangakong ibibigay ng gubyernong US, nais nitong lalo pang paigtingin ng reaksyunaryong rehimen ang todong digma sa Mindanao, Mindoro, at iba pang bahagi ng bansa.

Sa pagdalaw nitong Mayo ni Gloria Arroyo sa kanyang among si Presidente George W. Bush ng US, tumanggap siya ng regalo para sa kanyang walang pasubaling pagkapapet sa imperyalismong US. Nagpahayag ng lubos na kagalakan si Bush sa todo-todong pagsuporta ni Arroyo sa "pandaigdigang gerang anti-terorista" at sa pagsalakay at pagsaklot ng US sa Iraq. Pinalakpakan din ni Bush ang deklarasyon ni Arroyo ng pagsusulong ng todong digma sa Pilipinas laban sa mga rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng PKP at MILF.

Bilang pabuya sa kanyang napakatapat na tuta, tinagurian ni Bush na isa na umanong mayor na alyado ng US sa labas ng North Atlantic Treaty Organization ang Pilipinas sa Asia-Pacific, kahanay ng Japan at Australia. Dinagdagan din ni Bush ang mga instrumento ng panunupil ng gubyernong Arroyo. Ito na ang pinakamalaking limos na natanggap ng sinumang papet na presidente mula nang patalsikin ang mga base militar ng US noong 1992.

Aabot sa $47 milyon ang subsidyo ng gubyernong Bush sa rehimeng Arroyo para sa paglulunsad ng Balikatan 03-1 sa Sulu ngayong Hunyo o Hulyo. Dalawang milyong dolyar ($2 milyon) naman ang nakalaan sa "rehabilitasyon ng Sulu," o ang sangkap na pansaywar pagkatapos manalasa ang mga tropa ng US at AFP sa lalawigan.

Dagdag pa rin sa arsenal ng panunupil na iniregalo ni Bush ang 15,000 ripleng M16, bukod pa sa 15,000 nauna nang ipinadala noong Abril; $30 milyon para sa pagsasanay at pag-aarmas ng mga light reaction company, light reaction battalion at SEALS (mga tropang kumando) ng Philippine Navy; 33 helikopter na pangkombat; perang pangkumpuni sa mga ito at sa mga eroplano, trak at barkong panggerang dati nang ipinangako ng US; at $10 milyon para sa mga pagsasanay at kagamitan sa "gera kontra-terorismo" � ibig sabihin, sa paniniktik at panunupil sa mga lumalaban sa estado.

Walang ibang pakay ang gayong ayuda kundi bigyan ng dagdag na kakayahan ang rehimeng Arroyo para maglunsad ng mababangis na operasyong militar na kinatatangian ng walang habas na pambobomba, panganganyon at pag-atake sa mamamayan laluna sa kanayunan. Mangangahulugan ito ng pagpapatindi sa pananalbeyds sa mga lider at aktibistang masa, at paniniktik at panunupil sa mga militanteng organisasyon.

Noong bisperas ng pagtungo niya sa US, ibinando ni Arroyo ang utos niyang bombahin at kanyunin ang mga lugar na pinaghihinalaang binabasehan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mindanao. Sampung araw na binugbog ng malawakang operasyong militar ang apat na prubinsya sa Mindanao, na nagbunsod ng sapilitang paglikas ng mahigit 400,000 sibilyan. Mahigit 60 sa mga nagsilikas ang nangamatay sa masisikip at maruruming evacuation center, karamihan mga bata.

Walang ibang pakay ang gayong ayuda kundi bigyan ng dagdag na kakayahan ang rehimeng Arroyo para maglunsad ng mababangis na operasyong militar na kinatatangian ng walang habas na pambobomba, panganganyon at pag-atake sa mamamayan laluna sa kanayunan.

Buong galak namang tinutupad ng papet na si Arroyo ang lahat ng iniuutos ng kanyang amo dahil nakuha rin niya ang pinakaaasam na basbas para magpatuloy sa poder. Pinakahuli sa mga hakbang niya ang pakikipagkasundo sa gubyerno ng US noong Mayo 13 na hindi ipaiilalim ng Pilipinas ang sinumang Amerikano sa pag-uusig ng International Criminal Court.

Paborable para sa US na manatili si Arroyo sa poder upang tuluy-tuloy na mapatindi ang armadong panghihimasok ng US sa Pilipinas.

Anumang araw ay maaaring ideklara na ni Arroyo na "nagbago na ang kanyang pasya," na "hindi niya matatalikuran ang hamon ng panahon" o ang "tawag ng tungkulin," at siya'y tatakbo na sa pagka-presidente sa 2004. Gayunman, inihahanda rin ng US si Defense Sec. Angelo Reyes bilang reserbang kabayo sakaling wala na talagang pag-asang maipanalo si Arroyo sa eleksyon.

Maling-mali sina Arroyo at Bush sa pag-aakalang masusupil ang paglaban ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng dagdag na bala't baril. Hinding-hindi natatakot ang Bagong Hukbong Bayan sa pagtanggap ng AFP ng mas maraming armas mula sa US. Marami sa mga ito ay tiyak na mapapasakamay din ng mga Pulang mandirigma sa pamamagitan ng mga ilulunsad na taktikal na opensiba laban sa mga pasistang tropa.

Nagkakamali rin sila kung inaakala nilang mapapawi sa isipan ng sambayanan ang malalang pampulitika at sosyo-ekonomikong krisis sa pamamagitan ng mumong "ayudang pangkaunlaran." Ibayo pa ngang pinag-aalab ng teroristang kampanya ng US at ng rehimen ang gera sibil sa Pilipinas at ang patriyotikong diwa ng malawak na masa ng sambayanan.

Walang anumang mapapala si Gloria Arroyo sa kanyang kahiyahiyang pangangayupapa sa among imperyalista kundi ang pagtatakwil sa kanya ng mamamayan at ang paglalagay sa kanya sa di mapasusubaliang lugar bilang isa sa pinakamasasahol na tuta ng imperyalismong US sa kasaysayan ng papet na republika.

 


 Back to topNext article

07 Hunyo 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ibayong inaarmasan ng US ang rehimeng Arroyo
Mas malaking palagiang presensyang militar, itinutulak ng US
Sa kabila ng tigil-putukan:
Patuloy ang atake ng AFP sa MILF

Mga Ulat Koresponsal:
Mga tagumpay sa rebolusyong agraryo, inaani sa Samar

Sa Ibayong Dagat:
Kasinungalingan sa likod ng gera sa Iraq

Sa Ibayong Dagat:
Bagong planong nukleyar ni Bush

Sa Ibayong Dagat:
Dambuhalang propagandista ng imperyalismo

Sa Ibayong Dagat:
Mga sundalong British, nantortyur ng mga Iraqi

Sa Ibayong Dagat:
Parang pelikulang Rambo

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.