Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga balita

 Read this article in English


1 SUNDALO PATAY, 4 SUGATAN SA AMBUS SA SURIGAO SUR

Isang sundalo ng 62nd IB ang napatay at tatlo pa ang nasugatan nang tambangan sila ng mga Pulang mandirigma sa Hatuan, Surigao del Sur nitong Nobyembre 24. Isa pang sundalo, si Cpl. Alex Nuvillo, ang dinakip at pinakawalan din nitong Nobyembre 27. Ipinasa siya sa mga kinatawan ng International Committee of the Red Cross.

Ang mga sundalo ay inambus nang atasan ang mga itong tugisin ang mga Pulang mandirigmang naglunsad ng operasyong pagparusa laban sa Paper Industries Corp. of the Philippines (PICOP) noong araw ding iyon. Sinunog ng BHB ang dalawang dump truck na pag-aari ng kumpanya. Ito'y parusa sa kalupitan ng PICOP sa mga manggagawa nito at sa mga magsasakang nakatira sa loob ng kunsesyon nito. Anang BHB, daan-daang manggagawa ang pinatalsik ng PICOP. Dinedemolis din nito ang mga bahay ng mga magsasaka, binubunot ang kanilang mga pananim at sinisira ang kanilang mga sakahan.


2 SUNDALO, PATAY SA AMBUS NG BHB SA ILOCOS SUR

Dalawang sundalo ng 50th IB ang napatay at dalawa pa ang nasugatan sa ambus na inilunsad ng BHB nitong Nobyembre 19 sa Barangay Maratodo, Magsingal, Ilocos Sur. Nagpapatrulya ang mga sundalo nang tambangan ng mga Pulang mandirigma.


ISTASYON NG PNP SA WESTERN SAMAR, NIREYD NG BHB

Madaling-araw na sinalakay ng BHB ang istasyon ng Philippine National Police (PNP) sa munisipyo ng San Jose de Buan, Western Samar nitong Nobyembre 17.

Kaagad na dinisarmahan at pansamantalang dinakip ng BHB ang dalawang pulis na gumugwardya sa istasyon. Nasamsam ng mga gerilya ang tatlong M16, isang .38, anim na rifle grenade, 15 maiikling magasin ng M16 at 1,880 pang bala para rito.

Kaagad ring pinalaya ang dalawang pulis pagkatapos silang mapaliwanagan ng mga Pulang mandirigma. Samantala, pinarusahan ng BHB ang dalawang sagadsaring operatiba sa paniktik ng PNP noong araw ding iyon.


MATATAGUMPAY NA TAKTIKAL NA OPENSIBA, INILUNSAD SA TIMOG MINDANAO

Sunud-sunod na pumutok ang matatagumpay na mga aksyong militar sa Timog Mindanao ngayong Nobyembre. Di bababa sa 27 matataas na kalibreng armas ang nasamsam at 19 reaksyunaryong pwersa ang napatay sa magkakahiwalay na taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan sa prubinsya sa loob lamang ng buwang ito:

Ambus sa Cateel. Labinwalong sundalo ang napatay nitong Nobyembre 10 at 21 matataas na kalibreng armas ang nasamsam ng BHB nang ambusin nito ang mga tropa ng 27th Special Forces Company ng AFP sa Spar Dos, Aliwagwag, Cateel, Davao Oriental. Labing-isa pang sundalo ang nasugatan sa naturang pananambang.Pinasabugan ng BHB ng land mine bandang 12:30 ng hapon ang trak na sinasakyan ng isang platun ng naturang mga tropa. Magrereimpors sana ang mga tropa sa mga kasamahan nilang may nakasagupang mga Pulang mandirigma.

Pagdis-arma sa Pantukan.Noong Nobyembre 3, matagumpay na nadisarmahan ng mga Pulang mandirigma ang pulisya at CAFGU sa detatsment ng PNP sa Panganason, Pantukan.

Madaling-araw nilusob ng BHB ang naturang detatsment. Napasuko ang kaaway at nasamsam ng mga gerilya ang limang M16, isang karbin, isang hand-held radio, isang VHF base radio at tatlong cellular phone. Nagtangka subalit bigo sa pagsaklolo ang mga elemento ng Pantukan Police, 1102nd Police Mobile Group at 60th IB ng AFP sapagkat kagyat at ligtas nang nakaatras ang BHB.

Pagpaparusa sa mga kumpanya sa telekomunikasyon. Apat na pasilidad sa komunikasyon ang sinunog ng BHB sa Timog Mindanao noong Nobyembre 12, bandang 6:30 nang gabi. Winasak ng mga Pulang mandirigma ang mga pasilidad ng Philippine Long Distance Telephone Co., Philcom, Liberty Telecoms at Dole Philippines. Pinarusahan siltlea dahil sa di pagbabayad ng rebolusyonaryong buwis.

Ang mga pasilidad ay pawang nasa Barangay Tuburan, Mawab, Compostela Valley. Isa o dalawang kilometro lamang ang layo nito sa kampo ng 701st Army Brigade subalit hindi nakasaklolo ang naturang tropa sa mga kumpanya.

Pagpaparusa sa masamang elemento. Dahil sa kanyang mahabang rekord ng aktibong pakikipagkutsabahan sa gubyerno at iba pang masasamang elemento laban sa rebolusyonaryong kilusan, pinarusahan ng BHB ang barangay konsehal na si Mario Capillan ng Barangay Panangalan, Davao Oriental. Ginawa ang pagpaparusa sa Sityo Languan, Barangay San Roque, New Bataan, Compostela Valley nitong Nobyembre 4.


MGA CELL SITE, WINASAK NG BHB SA GITNANG LUZON

Winasak ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mga cell site sa apat na prubinsya ng Gitnang Luzon nitong Nobyembre 10 at 11. Isinagawa ito bilang pagparusa sa pagmamatigas ng mga kumpanyang Globe at Smart na hindi magbayad ng buwis sa rebolusyonaryong kilusan.

Sinunog ng mga Pulang mandirigma ang mga cell site sa Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga at Bataan. Umabot sa P100 milyon ang halaga ng pasilidad na nawasak.

Ang cell site ng Globe sa Abucay, Bataan ay winasak bandang alas 5:30 ng hapon; ang sa Smart sa Mu�oz, Nueva Ecija ay inatake bandang 8:55 ng gabi. Sinundan ito ng pagsunog ng cell site ng Piltel sa Lubao, Pampanga. Lampas hatinggabi ng Nobyembre 11 naman inatake ang itinatayong cell site ng Smart sa Barangay Tibag, Tarlac City. Walang nasaktan sa mga naturang pag-atake.


DATING PULIS SA RIZAL, PINARUSAHAN NG BHB

Pinarusahan ng Narciso Antazo Aramil Command ng BHB si Leonardo Santos, dating kagawad ng Philippine Constabulary, nitong Nobyembre 14.

Bandang alas-10 ng umaga nang harangin ng mga Pulang mandirigma ang kotse ni Santos sa Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal. Pagkapataw ng parusa, ang mga gerilya ay nag-iwan ng pahayag na nagbaybay sa mga kasalanan ni Santos laban sa kilusan at mamamayan.

Mangangamkam siya ng mga lupaing ninuno ng mga grupong minorya at kalahok sa maraming operasyong pagpatay sa mga lider ng mga militanteng grupo. Masugid rin siyang ahente ng 2nd ID ng AFP na nakabase sa Tanay, Rizal.


MGA AKSYONG PAGPAPARUSA SA NORTH COTABATO, INILUNSAD

Pinarusahan ng Magtanggol Roque Command (MRC) ng Bagong Hukbong Bayan - North Cotabato sina Binao Amolo, Zaldy Loma at Nonoy Ani�on, pawang taga-Makilala, sa magkakahiwalay na pagkakataon nitong Oktubre at Nobyembre.

Ani Ka Ricardo Benjamin, tagapagsalita bg MRC, ang tatlo ay napatunayan ng hukumang bayan na nanggahasa, pumatay at nagnakaw.

Si Amolo, taga-Barangay Malasila, ay pinarusahan noong Oktubre 7. Si Loma, taga-Barangay New Bulatukan, ay ginawaran ng parusa noong Nobyembre 8. Noong Nobyembre 11 naman pinarusahan si Ani�on, na taga-Barangay Malasila rin.


OPERASYON SA PAGMIMINA, NAPIGIL NG MGA MAGSASAKA SA ZAMBOANGA

Matagumpay na napigil ng mga magsasaka ng Barangay Dalapan, San Miguel, Zamboanga del Sur, ang operasyong pagmimina ng A Dynasty Multipurpose Cooperative noong Oktubre 3.

Dahil balak ng kumpanya na huthutan ng reserba ng marmol at bentonite ang mahigit 2,000 ektarya o siyam na barangay sa mga bayan ng San Miguel at Guipos, mahigit isang buwang nagkampo ang lagpas 100 magsasaka sa lugar na pagmiminahan upang pigilan ang takdang pag-uumpisa ng operasyong pagmimina.

Nagbunga ng maraming sektoral at multisektoral na alyansa laban sa pagmimina ang tuluy-tuloy na pagpoprotesta ng mga magsasaka. Noong Oktubre 3, nabigo ang balak ng A Dynasty na magsimula sa operasyong pagbubutas (drilling operations) sapagkat napigil ng mga nagpoprotesta ang pagpasok ng makinang pambutas (drilling machine) ng A Dynasty.


TRIBAL FILIPINO WEEK, IPINAGDIWANG

Ipinagdiwang sa dalawang magkahiwalay na okasyon ang Tribal Filipino Week noong Oktubre.

Noong Oktubre 14, ang Araw ng mga Magbubukid at Tribal Filipino Week ay sabay na ipinagdiwang ng mahigit 100 magsasaka, estudyante, taong-simbahan at propesyunal mula sa mga kabundukan at kapatagan ng Abra. Pinangunahan ito ng Kakailyan Salakniban Tay Amin a Nagtaudan (Ipagtanggol Nating Lahat ang Ating Tinubuan o KASTAN), isang alyansa ng iba't ibang organisasyong masa ng mamamayan sa Abra.

Tinutulan sa okasyon ang agresibong pagpapatupad ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa mga mapanalantang proyekto sa Abra at sa kabuuan ng mga rehiyon ng Ilokos at Kordilyera. Tinuligsa ang 503rd Brigade sa pagigingb instrumento nito sa pasista at mapanlinlang na disenyong para maipatupad ang mga mapanirang proyekto.

Noong Oktubre 5, nagtipon ang may 150 taga-Kordilyera at kanilang mga tagasuporta sa Maynila upang "pagtibayin ang pakikibaka ng mamamayan ng Kordilyera para sa pagpapasya-sa-sarili at ang pakikiisa sa adhikain ng sambayanang Pilipino para sa kalayaan, katarungan at kapayapaan." Ang pagdiriwang ay kinatampukan ng pagtatanghal ng katutubong kultura. Nagbalik-tanaw sa mahabang kasaysayan ng magiting na mga pakikibaka ng mga taga-Kordilyera. Kabilang rito ang paglaban ng mga Tingguian sa Cellophil Resources Company noong dekada 1970 at ang pagtutol ng mga Bontoc at Kalinga sa imperyalistang proyektong Chico Dam na pinagbuwisan ng buhay ng bayaning si Macli-ing Dulag.

Tinalakay din ang kalagayan sa nagpapatuloy na pakikibaka ng mamamayan sa Kordilyera laban sa mga mapaminsalang proyekto tulad ng mga megadam at malaking minahan at mga mapanlinlang na iskema tulad ng Indigenous Peoples Rights Act at National Integrated Protected Areas System.


REHIYUNAL NA ALYANSANG MAGSASAKA, INILUNSAD SA KORDILYERA

Inilunsad noong Oktubre 15-17 sa La Trinidad, kapitolyo ng Benguet, ang kongreso ng pagbubuo ng Alyansa dagiti Pesante iti Taeng Kordilyera (APIT Kordilyera), ang alyansa ng mga magsasaka sa Kordilyera. Ang APIT Kordilyera ang pinakabago ngayong tsapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Dinaluhan ito ng 217 delegadong kumatawan sa 116 na organisasyon ng mga magsasaka mula sa lahat ng anim na prubinsya ng Kordilyera-Apayao, Kalinga, Abra, Mt. Province, Ifugao at Benguet. May 49 na kinatawan din mula sa limang non-government organization na nakatuon sa pagtataguyod sa mga isyu at laban ng mga magsasaka at anim na tagapagmasid mula sa Cordillera Peoples Alliance. Nagsilbing punong-abala sa kongreso ang Itogon Inter-Barangay Alliance (IIB-A), isang alyansa ng mama mayan na mahigpit na lumalaban sa pagtatayo ng mapaminsalang San Roque Multi-Purpose Dam sa Itogon, Benguet.

Nagbuo ang kongreso ng 13-puntong programa ng paglaban sa pang-aapi at pagsasamantala sa mga magsasaka at pambansang minorya sa Kordilyera at pagtataguyod sa mga saligan at kagyat na interes ng mga magsasaka at pambansang minorya sa Kordilyera.


UNANG KUMPERENSYA NG MGA MIGRANTE, IDINAOS

Idinaos sa Maynila nitong Nobyembre 5-7, ang pinakaunang kumperensya ng mga migrante. Ang pamagat ng kumperensya ay "International Migrants Conaference on Forced Labor Export and Forced Migration Amidst Globalization" (Internasyunal na Kumperensya ng mga Migrante Hinggil sa Pwersadong Eksport ng Paggawa at Pwersadong Pangingibang-bansa sa Gitna ng Globalisasyon). Inisponsor ito ng Migrante, Gabriela, Contak Philippines at Asia-Pacific Mission for Migrant Filipinos.

Dumalo sa kumperensya ang mga kinatawan mula sa hanay ng mga migranteng manggagawa, mga nangibang-bansa, mga political refugee at iba pang nasyunalidad na pwersadong nagsilikas mula sa kani-kanilang mga bansa. Bukod sa Pilipinas, ang Pakistan, Turkey, Bangladesh, Nepal at Indonesia ay ilan lamang sa mga bansang may delegado sa kumperensya.

Inilunsad ang kumperensya sa layuning tipunin ang mga mayor na pormasyon ng mga migrante mula sa iba't ibang bansa. Tinalakay ng mga susing tagapagsalita gaya nina Prof. Jose Maria Sison, pangkalahatang tagapayo ng International League of Peoples' Struggles, Atty. Romeo Capulong, pinuno ng komite sa usaping migrante ng Integrated Bar of the Philippines, at Antonio Tujan, executive director ng IBON Databank, ang mga suliraning kinakaharap ng mga ito. Ilan sa mga paksang tinalakay ang sumusunod: pagkaltas sa sahod at iba pang anyo ng pagsasamantala -laban sa mga migranteng manggano gawa, pag-angkat ng murang paggawa sa pamamagitan ng human smuggling, ang digmang agresyon ng US laban sa Central Asia at Middle East at mga suliraning kumukumpronta sa mga mandadagat at political refugees.


KUMPERENSYA NG KABATAAN SA KALAKHANG MAYNILA, INILUNSAD

Inilunsad noong Oktubre 20 ang Kumperensya ng Kabataan sa Kalakhang Maynila. Tinalakay rito ang kalagayan ng kabataan sa bansa at ang kanilang bahagi sa pagbubuo ng isang progresibong lipunan. Dinaluhan ito ng daan-daang kabataan mula sa iba't ibang organisasyon, kolehiyo, unibersidad, parokya at komunidad sa Kamaynilaan.

Sa kumperensya, nagpalabas ng progresibong video at mga pangkulturang pagtatanghal. Pinakatampok na bahagi ang pagpirma ng lahat sa "Pahayag ng Pagkakaisa at Paninindigan". Inilarawan dito ang pinakamatitingkad na palatandaan ng kahirapan sa Kamaynilaan. Inilantad ang tahasang pagtalikod ng rehimen sa usapin ng makatarungang umento sa sahod ng mga manggagawa at kawani ng pamahalaan. Kinundena ang todo-todong pagsuporta ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa digmang pinangungunahan ng US laban sa Afghanistan.

Batay rito, ipinihayag nilang susuportahan ang paggiit para sa P125 pangkalahatang karagdagan sa sahod ng mga manggagawa sa buong bansa at P3,000 pangkalahatang karagdagan sa sweldo ng mga guro at kawaning pampubliko; igigiit ang pagbubuwag sa mga regional wage board; at tutulan ang todo-suporta ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa "kontra-teroristang digma". Susuportahan nila ang mga kampanya ng maralitang lunsod laban sa demolisyon.


PAGTAAS NG MGA BAYARIN SA PGH, TINUTULAN

Humigit-kumulang 250 doktor, manggagawang pangkalusugan at estudyante sa medisina ang naglunsad ng dalawang-oras na piket at noise barrage nitong Nobyembre 12 sa tapat ng Philippine General Hospital para tutulan ang pagtataas ng mga bayarin sa pampublikong ospital.

Tinuligsa ng mga nagprotesta ang PGH Memorandum No. 01-13 na nagbabago at nagpapataas ng mga bayarin sa mahigit 40 laboratory procedures (mga eksamen at iba pang proseso sa laboratoryo) at suplay ng ospital. Anang isang doktor, "Lalo lamang nitong pasasahulin ang kalunus-lunos nang kalagayang pangkalusugan ng aming mga pasyente."

Nagsunog ang mga nagpoprotesta ng simbolikong sako ng salapi na puno ng mga bomba upang idiin ang malaking pagkakamali ng gubyerno sa pagbibigay ng prayoridad sa militar sa pagbabadyet habang isinasaisantabi naman ang kapakanan ng naghihirap na mamamayan at ipinapasa sa kanila ang matataas na bayarin.�


ANTI-IMPERYALISTANG MGA PROTESTA SA CLARK AT NEW YORK, INILUNSAD

Sinalubong ng protesta nitong Nobyembre 14 ang pagdating ng anim na F-18 bomber jet ng US na nagpakarga ng langis sa Clark Special Economic Zone bago dumiretso sa Afghanistan sa ngalan ng digmang "kontra-terorismo". Umpisa ito ng serye ng mga kontra-digmang protesta na ilulunsad ng mga militanteng grupo hanggang Disyembre 10.

Mahigit 400 raliyista sa pangunguna ng Promotion of Church People's Response ang nagtipon sa bukana ng Clark. Mariin nilang tinutulan ang partisipasyon ng rehimeng Arroyo sa digmang pinangungunahan ng US. "Paglahok na rin sa teroristang aktibidad ang paglahok sa digmang ito," anila.

Mula nitong Nobyembre 4, umabot na sa 23 ang bilang ng mga eroplanong pangmilitar ng US na nagpakarga ng langis sa Clark para sa digmang pananalakay ng US.

Samantala, puu-puong Pilipino at mga Amerikano ang naglunsad ng kilos-protesta sa Philippine Consulate sa New York nitong Nobyembre 18. Itinaon ang aksyong-masa sa pagpunta ni Gloria Macapagal-Arroyo sa US upang makipag-aregluhan sa amo nito kaugnay ng mga terorista at anti-mamamayang mga patakaran.


TUTULANG ANG WTO! - ILPS

Nakiisa ang International League of People's Struggles sa mamamayang Pilipino sa sigaw na "Paigtingin ang paglaban sa imperyalistang pandarambong! Ibasura ang World Trade Organization (WTO)!"

Inihayag ng ILPS ang pakikiisa nang maglunsad ng mga kilos protesta sa Pilipinas laban sa pagpupulong ng WTO na ginanap sa Qatar nitong Nobyembre 9-13. Anang ILPS, ang tanging hatid ng WTO sa loob ng nakaraang limang taon ay pangwawasak ng ekonomya ng mga aping bansa, paglipol ng mga lokal na industriya, pagsira sa agrikultura at seguridad sa pagkain, pagdisloka ng milyun-milyong mga magsasaka at manggagawang bukid at pagpapatindi ng paghihikahos ng masang anakpawis.

Nagpanata ng buong suporta ang ILPS sa itinuring nitong positibong palatandaan ng tumataas na kamulatan ng mamamayan ng daigdig--ang lumalakas na pagtutol sa imperyalistang globalisasyon sa iba't ibang dako ng mundo, gaya ng namalas na reaksyon ng iba't ibang nasyunalidad sa inilunsad ng US na digmang agresyon laban sa Afghanistan.


PAGPAPALAYA KAY DONATO CONTINENTE, IGINIGIIT

Iginigiit ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao at maraming iba pang tagasuporta ang kagyat na pagpapalaya kay Donato Continente. Siya at si Juanito Itaas ay maling pinaratangan at pwersahang pinaaamin sa pagpatay noong 1989 kay Col. James Rowe, upisyal ng Joint US RP Military Advisory Group (JUSMAG).

Sinentensyahan ng habambuhay na pagkabilanggo sina Continente at Itaas noong Pebrero 1991 at natapos na ang kanilang minimum na sentensya noong Oktubre 2001. Subalit nananatili silang nakapiit ayon sa dikta ng imperyalistang US. Mismong si Thomas Hubbard, US Assistant Secretary of State for Asia and the Pacific, ang dumiretso kay Macapagal-Arroyo noong Marso 2001 upang iutos na alisin ang mga pangalan nina Continente at Itaas sa listahan ng mga bilanggong pulitikal na palalayain.


USAPANG PANGKAPAYAPAAN NG NDFP AT GRP, PATULOY NA HINAHADLANGAN NI MACAPAGAL-ARROYO

Patuloy na hinahadlangan ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang muling pagdaraos ng usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng NDFP. Ito'y sa kabila ng nauna nang kasunduan ng NDFP at GRP na idaos ang susunod na usapan sa Disyembre 10-14, ilunsad ang unang pulong ng Joint Monitoring Committee, ipagpatuloy ang talakayan hinggil sa mga repormang panlipunan at pang-ekonomya at magkaroon ng mga hakbang ng kabutihang-loob ang magkabilang panig, tulad ng pagpapalaya ng GRP ng mga bilanggong pulitikal at pagpapalaya naman ng NDFP ng mga bihag nito. Ang mga kasunduang ito ay narating sa pamamagitan ng mga back-channel na pag-uusap.

Iginigiit ni Macapagal-Arroyo bilang dahilan ang aniya'y pagtanggi ng NDFP na itigil ang binabansagan ng GRP na mga "political assassination". Subalit ayon kay Luis Jalandoni, tagapangulo ng panel ng NDFP, ang ipinapatupad ng NDFP ay mga "arrest order na inilalabas ng mga demokratikong organo ng kapangyarihang pampulitika para sa mga sinampahan ng mga kriminal na kaso laban sa mamamayan, at nasa ilalim ng pag-uusig sa mga hukumang bayan sang-ayon sa mga prosesong panghustisya at ligal ng rebolusyonaryong kilusan at alinsunod sa internasyunal na makataong batas." Ani Jalandoni, ang mas pangunahin pang dahilan ay ang kagustuhan ni Macapagal-Arroyo at ng mga militaristang nasa likod niya na bigyang prayoridad ang pagpupursige ng mga konsen-tradong operasyong militar laban sa BHB.


BAGONG KASUNDUANG MILITAR SA PAGITAN NG RP AT U.S., BINUO

Nabunyag nitong Nobyembre na may binubuong bagong kasunduan sa pagitan ng US at Pilipinas. Lihim na pinag-uusapan ng gubyernong Bush at Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng mga upisyal militar ang Mutual Logistics Sharing Agreement (MLSA). Layunin nitong umano'y magkaroon ng "inter-operability" o koordinasyon sa operasyon ng pwersang militar ng US at AFP. Nais ng rehimen na pirmahan ito bilang isang kasunduang ehekutibo upang hindi na ito idutulaaan sa ratipikasyon ng senado.

Ayon sa mga ulat, sa pamamagitan ng MLSA, bibigyan ang US ng access o karapatang gumamit ng mga base militar. Pahihintulutan din ang transit o pagdaan at pananatili ng mga pwersang militar ng US sa bansa. Sa esensya, ito ay isang tusong kasunduang magbabalik ng dating Military Bases Agreement na ibinasura noong 1991. Magsisilbi ito sa pandaigdigang estratehiyang militar ng US na ipwesto ang mga pwersang militar nito sa Asia-Pacific at iba pang lugar para sa mabilisang deployment.


KATIWALIAN NI MACAPAGAL-ARROYO, PATULOY NA NALALANTAD

Patuloy na nalalantad ang mga katiwalian ng rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo.

Umani ng kabi-kabilang batikos mula sa mamamayan ang aregluhan ni Macapagal-Arroyo at kroni ni Marcos na si Eduardo "Danding" Cojuangco kaugnay ng pondong coco levy. Kabilang sa mga bumabatikos ngayon kay Macapagal-Arroyo ay mga organisasyon at grupong nakaalyado nito sa Edsa 2. Napagkaisahan nina Macapagal-Arroyo at Cojuangco na ang P130 bilyong kabuuan ng pondong coco levy (buwis sa pagbebenta ng kopra ng niyog) ay panatiliing pribado at nasa kamay nina Cojuangco at Maria Clara Lobregat (pangulo ng Philippine Coconut Producers' Federation o COCOFED). Dahil naipon ang pondong ito mula sa buwis na ibinayad ng mga magsasaka sa niyugan mula 1973 hanggang 1982, inaangkin ng mga ito ang pag-aari sa naturang pondo. Bilang pampalubag-loob, mula sa pondong ito, maglalaan na lamang daw ng P50 bilyung ilalagay sa trust fund (seguro sa bangko) para diumano sa rehabilitasyon ng agrikultura ng niyog. Hahawakan ito ng COCOFED. Ayon sa People's Consultative Assembly, kikita diumano ng P20 bilyon si Macapagal-Arroyo mula sa kasunduang ito. Ayon din sa PCA, kumita si Macapagal-RArroyo ng may P3 bilyon, kapalit ng hindi pagtutuloy ng mga kaso laban kay Lucio Tan. Kumita rin umano si Macapagal-Arroyo ng $16 milyon sa kontrobersyal na aregluhang IMPSA na kinasangkutan ni Sec. Hernani Perez ng Department of Justice.

Ang People's ConsultatiVe Assembly ay isa sa mga grupong aktibong sumuporta kay Macapagal-Arroyo noong panahon ng Edsa 2. Umpisa ng pagbatikos ng PCA sa rehimen ang pagsiwalat sa umano'y katiwalian ng unang ginoo na si Miguel Arroyo.

Samantala, ibinunyag naman ng negosyanteng si Pacifico Marcelo na naggiit si Macapagal-Arroyo ng kontrol sa mayoryang interes (51%) ng kanyang kumpanyang Philippine Communications Clearinghouse Inc. (PCCI). Batay sa konsepgto nito, ang PCCI ay isang sentro na dinadaanan ng lahat ng mga tawag mula sa iba't ibang lambat pangkomunikasyon. Tinatayang aabot sa $1.1 bilyon taun-taon ang kikitain nito sa 20% lamang ng lahat ng dumadaang tawag. Ani Marcelo, matapos ipilit ni Arroyo na hindi ang PCCI, kundi ang kampo ni Arroyo, ang magtatayo ng ganitong sentro (clearinghouse), ay nakansela na ang lahat ng kanyang mga kontrata.


BATAS SA PANDARAMBONG, PINAGTIBAY NG KORTE SUPREMA

Parang nabunutan ng malaking tinik ang nababahalang demokratikong pwersa at mamamayan nang tanggihan ng Korte Suprema nitong Nobyembre 19 ang panukalang isinampa rito nindea Estrada na kumwestyon sa batas sa pandarambong. Ayon sa mga abugado nina Estrada, hindi malinaw ang batas at hindi ito umaayon sa konstitusyon ng gubyerno, kayat lumalabag sa karapatan sa makatarungang proseso.

Sa botong 10 na tumanggi sa mosyon, apat na sumang-ayon at isang di bumoto, kinilala ng Korte Suprema ang pag-ayon ng batas sa konstitusyon. Sa gayon, mananatiling nakakulong at hindi maaaring magpyansa ang mag-amang Joseph at Jinggoy Estrada at, kung mapatutunayan ngang maysala sa pandarambong nang P50 milyon o mahigit na halaga, maaari pa silang mahatulan ng parusang kamatayan.

Samantala, patuloy pa rin ang mabagal, magulo at puno-ng-intriga na takbo ng paglilitis sa mga Estrada. Kabi-kabila at sari-sari pang mga kahilingan, drama, gimik at maniobra ang ginagawa ng mga Estrada upang lalo pang maantala at mabarahan ang paglilitis sa layuning maabutan nito ang pagbabago sa kalaga3yang pampulitikang mas paborable para sa kanila. Pinalalaki nilang problema ang kung anu-anong minor na sakit ng mag-amang Estrada. Paulit-ulit ang paggigiit nilang sa US ipagamot ang sakit sa tuhod ni Estrada dahil sa US lamang ito diumano maaaring magamot nang mahusay. Gayundin, iginigiit nilang sa US ipaopera ni Estrada ang katarata sa mata niya. Ayon naman sa mga dalubhasa sa medisina sa bansa, may kakayahan silang gamutin ang simpleng sakit niya sa tuhod, ang katarata sa mata niya at lahat ng iba pang inaangal niyang sakit.


KUTSABAHANG MARCOS-TAN, KINUMPIRMA NI IMELDA

Sa kauna-unahang pagkakataon, naibunyag ni Imelda Marcos na ang kanyang asawang diktador na si Ferdinand Marcos ang tunay na nagmamay-ari ng karamihan sa mga kumpanyang nasa pangalan ni Lucio Tan, kabilang ang Foremost Farms Inc., Asia Brewery Inc., Fortune Tobacco Corp. at ang Himmel Industries, ang pinakapuno ng lahat ng mga kumpanyang ito.

Bago nito, inamin lamang ni Imelda na nakabili si Marcos ng bahagi ng mga kumpanya ni Tan. Sa bagong impormasyong kanyang ibinunyag, sinabi ni Imelda na nagkutsabahan si Marcos at si Tan sa paghahatian ng kanilang yaman.

Ayon kay Imelda, bandang huli ng dekadang 1980 ay nagkasundo ang diktador at si Tan na ikonsolida ang kanilang mga interes sa iba't ibang negosyo sa ilalim ng iisang kumpanyang pinangalanang Shareholdings, Inc. Ayon pa sa kasunduan, naghatian nang 60-40 pabor sa mga Marcos. Nagbuo ng tatlong holding companies (kumpanyang nangangasiwa sa samutsaring interes ng may-ari nito sa iba't ibang kumpanya): dalawang mangangasiwa sa mga interes ni Marcos, at isa, kay Tan.


PNB, INIHAIN NG GUBYERNO KAY LUCIO TAN

Binibigyan ng gubyerno si Lucio Tan ng unang prayoridad upang ibayong makapagpalaki ng porsyento ng pag-aari niya sa Philippine National Bank sa panibagong plano para sa lubusang pribatisasyon ng bangko.

Noong taong 2000, napasakamay ni Tan ang 46% pag-aari sa PNB sa pamamagitan ng nilutong murang bentahan ng sapi ng gubyerno. Noong nakaraang taon, nagbuhos ang gubyerno ng P25 bilyong pautang sa bangko upang lutasin ang mga problemang pampinansya ng bangko, tulad ng mga di nababayarang pautang nito. Noong katapusan ng Setyembre, umabot na ito sa 53% o P51.6 bilyon. Nananatili pa rin ang mga problemang ito, kayat tinatayang kailangan ng bangko ng rehabilitasyon upang gawing mas kaaya-ayang ibenta.

Sa panimulang programa para sa rehabilitasyon ng bangko, papawiin ang P25 bilyung utang nito sa gubyerno sa pamamagitan ng pagtatransporma ng mga utang sa mga sapi sa bangko. Sa gayon, ang dating 16% na pag-aari ng gubyerno sa bangko ay aakyat sa 44.95%. Magreresulta ito sa relatibong pagbaba sa 44.95% ng pag-aari ni Tan sa bangko mula sa kasalukuyang 46%. Sa pagpantay ng pag-aari ng gubyerno at ni Tan, maaari nang magpasok sa bangko ng mga tauhan at karagdagang tulong ng gubyerno para sa pangangasiwa at rehabilitasyon ng bangko. Upang malubos ang programang ito, tinatayang kakailanganin pa ang karagdagang P10 bilyon.. Manggagaling ito sa pagbebenta ng mga sapi ng gubyerno ayon sa programa para sa lubusang pribatisasyon ng bangko.

Nais ng gubyerno na ibenta ang kabuuang sapi nito sa PNB alinsunod sa dikta ng IMF. Pinaplantsa nito ngayon ang kasunduan upang maialok kay Tan ang pagkakataong mauna sa lahat na makabili ng mga sapi ng gubyerno at magkaroon ng super-mayoryang kontrol sa bangko. Interesado si Tan na lubusang kontrolin ang PNB sapagkat ang Philippine Airlines at iba pang kumpanyang pag-aari niya ay kabilang sa pinakamalalaking may-utang sa bangko.


RPA, UMAMING PRIVATE ARMY NI COJUANGCO

Inamin ng Revolutiona