Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Pananalanta sa panahon ng mga base militar ng US sa Pilipinas

 Read this article in English

Naging mapait na karugtong ng naunang madugong kasaysayan ng pagsaklot ng US sa Pilipinas ang inilagi ng mga base militar ng US dito mula 1947 hanggang 1991. Dulot ito ng pwersahang pagpataw ng imperyalistang hegemonya sa rehiyong Asia-Pacific at pagsupil sa anti-imperyalista at antipasistang kilusan.

Sa 55 taong pamamalagi ng mga base militar ng US sa Pilipinas, nagkaroon ng mahabang listahan ng mga krimen ang mga tropang Amerikano laban sa mamamayan. Mula 1980 hanggang 1987 lamang, 3,211 na ang naitalang kaso ng pang-aabuso ng mga sundalong Amerikano laban sa mga Pilipino.


"Kontra-insurhensya". Ang pananatili ng mga base militar ng US sa Pilipinas ay mahigpit na nakakawing sa mga pakanang kontra-rebolusyonaryo. Sa huling bahagi ng dekada 1940, ginamit ang mga tropang militar ng US sa pagtugis sa Hukbong Bayan Laban sa Hapon at Hukbong Mapagpalaya ng Bayan.

Mula 1950-79, may 16,370 Pilipinong upisyal na sinanay sa ilalim ng International Military Education and Training ng Joint U.S. Military Advisory Group. Bahagi ito ng pagsubok sa Pilipinas ng doktrinang "kontra-insurhensya" na ginamit ng US sa Vietnam. May malaking kinalaman ito sa pagsasanay ng lokal na reaksyunaryong hukbo sa panunupil sa mga rebolusyonaryong pwersa at lumalabang mamamayan.

Ginabayan at idinirihe rin ng US ang mga operasyong militar ng lokal na mga sandatahang pwersa laban sa mga pwersang rebolusyonaryo. Alinsunod sa direksyon ng mga Amerikanong upisyal mula sa Clark Air Field, binomba ng Philippine Air Force noong 1972 ang maraming lugar sa prubinsya ng Isabela na pinagsuspetsahang binabasehan at ginagalawan ng Bagong Hukbong Bayan. Regular din noong nagsasama at nagkokoordina ang mga lokal at dayuhang tropa sa paniniktik, pag-iimbestiga at pagpapatrulya sa labas ng Clark Field at iba pang base militar ng US sa bansa.


Arbitraryong pagpatay. Sa unang sampung taon sapul nang malagdaan ang kasunduan sa pananatili ng mga base militar ng US sa bansa, 20 mamamayang Pilipino ang naitalang pinatay ng mga tropa ng US na nakaistasyon sa mga base militar. Sadalawang magkasunod na buwan noong 1964, isang mangingisda at isang Aeta ang pinatay ng mga tropang Amerikano sa pag-aakalang "baboy-ramo" ang mga ito. Wala ni isa sa mga nakapatay ang naparusahan at wala ni isang biktima ang nabigyan ng katarungan.


Pang-aabuso sa kababaihan at mga bata. Napakabulnerable ng kababaihang nagtatrabaho sa mga negosyong tagapagbigay-aliw sa mga tropa ng US. Marami ang nagkasakit ng gonorrhea, syphilis, herpes at AIDS. Marami rin ang di planadong nabuntis, napilitang magpalaglag at nalulong sa alak at droga, at nabiktima ng pisikal at sekswal na pandarahas at iba pang pang-aabuso.

Naunsyami ang mahigit 200 kaso ng panggagahasa at iba pang anyo ng pang-aabuso sa kababaihan na isinampa sa lunsod ng Olongapo laban sa mga tropang US mula 1947-91. Mula 1981-88 lamang, 15 kaso ng pang-aabusong sekswal laban sa mga batang may edad 11-16 ang napawalambisa. Karamihan sa kanila ay mga abandonadong anak ng mga sundalong Amerikano at lumaking api at biktima ng diskriminasyon. Di iilan sa kanila ang ibinugaw bilang mga prostityut sa edad na 4 hanggang 6 pa lamang.


Iniwang mga lason. Iniwan ng mga tropang Amerikano sa mahigit 47 eryang dating base militar ang katakut-takot na dumi at lasong kemikal. Di bababa sa 300 mamamayang nakatira noon sa loob ng dating base ang namatay, isinilang na may depekto o nagkaroon ng kanser, sakit sa atay at iba pang karamdaman dahil sa asbestos, lead, nitrate, dieldrin, mercury, benzene, polychlorinated biphenyl, pentachlorophenol at iba pang nakalalasong kemikal sa kanilang tubig at kapaligiran. Sa halip na linisin ang mga dating base at bayaran ang mga biktima, pinangakuan lamang ng US ang papet na rehimen ng higit pang ayudang militar. Matigas na itinatanggi ng US ang responsabilidad sa mga ito.

Magpahanggang ngayon, patuloy pang dinadanas ng mamamayan ang mga pinsalang idinulot ng ilang dekadang pananatili ng mga base militar sa bansa.

 


Previous articleBack to topNext article

Pebrero 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal: Pagbayarin nang mahal ang sukdulang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo
Ang panunumbalik:
Armadong panghihimasok ng US sa Pilipinas

Ibayong pagyurak sa soberanya ng mga bansa: Doktrinang Bush
Pinalaking badyet pandigma ng US
Pagbatikos sa doktrinang Bush
Ang kapangyarihang militar ng US sa Asia-Pacific
North Korea handang lumaban sa agresyong US
Pagpapaalis sa mga Amerikanong "tagapayong militar" sa Colombia, iginiit ng FARC
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Sa mga nagdaang Balikatan: Mga paglabag sa karapatan ng mamamayan
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Pananalanta sa panahon ng mga base militar ng US sa Pilipinas
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Digmaang Pilipino-Amerikano (1899-1913): Noong unang nanghimasok ang imperyalismong US sa bansa
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Mga alingawngaw ng armadong panghihimasok ng US sa Vietnam
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.