Balita
Reyd sa Pampanga, tagumpay
NAGULANTANG si SPO4 Pedro David nang salakayin ng 10-kataong yunit ng BHB ang mag-isa niyang binabantayang detatsment ng PNP sa Bulaon Resettlement Site sa City of San Fernando, Pampanga noong Mayo 26. Hindi na siya nakapanlaban. Nasamsam sa himpilan ang limang ripleng M16 at isang pistolang 9mm. Naganap ang buong pangyayari sa loob lamang ng sampung minuto.
Nang dumating ang panaklolong pwersa na pinangunahan ni Supt. Nicanor Targa, hepe ng pulisya ng San Fernando, sabay-sabay na pinatay ng mga residente ang mga ilaw sa kanilang mga bahay. Dahil sa pangambang matambangan, napilitang umatras ang mga kaaway. Ang lugar ay komunidad ng 2,000 pamilyang napalikas sa kanilang lugar nang pumutok ang Mt. Pinatubo sa Zambales noong 1991.
Noong Mayo 21 naman, tinambangan ng BHB ang ilang elemento ng PNP sa Porac, Pampanga. Napatay ang isang ahente sa paniktik habang sugatan ang isa pa.
Militar, utak sa pagdukot sa isang upisyal ng DENR
kinundena ni Jorge �Ka Oris� Madlos, tagapagsalita ng National Democratic Front-Mindanao, ang mga yunit ng AFP sa Agusan del Norte bilang utak sa pagdukot kay Cristopher Kuizon, regional technical director for operations ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Caraga noong Mayo 29. Si Kuizon ay dinukot ng Bungkatol Liberation Front (BLF), sa Buenavista, Agusan del Norte. Ayon kay Ka Oris, hindi nagustuhan ng AFP ang seryosong pagpapatupad ni Kuizon sa kampanya ng DENR laban sa illegal logging.
Ang BLF ay isang grupong paramilitar nag-oopereyt sa hanay ng mga Lumad sa Caraga.
Napilitan ang BLF na palayain si Kuizon matapos atasan ni Ka Oris ang BHB na maglunsad ng operasyong panaklolo sa kanya.
Matrikula sa kolehiyo, tataas nang 15%
Nakatakdang itaas nang mahigit 15% ang matrikula sa mga kolehiyo at unibersidad ngayong pasukan. Aabot sa 214 kolehiyo ang magtataas ng kanilang mga singil. Sa kasalukuyan, aabot na sa P313.20 kada yunit ang abereyds na matrikula.
Pinakamatarik ang pagtaas ng matrikula sa Metro Manila. Sa 83 kolehiyo at unibersidad rito, tataas nang abereyds na P60 ang kasalukuyang P614.50 kada yunit. Pumapangalawa rito ang Region 7 (P34.40 kada yunit). Pangatlo naman ang Region 11 kung saan itataas nang abereyds na P33.35 kada yunit ang matrikula.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|