|
|
Mariing kinundena ng Benito Tesorio Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Isabela ang karahasan at pandaraya ng pamilyang Dy sa prubinsya kaugnay ng eleksyon. Noong Mayo 11, sinunog ng armadong kalalakihan ang mga balota at iba pang gamit-eleksyon sa bayan ng Jones at San Mariano. Malisyoso itong ibinintang ng mga Dy sa BHB. Umaga pa lamang ng Mayo 11, nagbanta na si Alexander Dy laban sa mga poll watcher at mga myembro ng COMELEC na nagbibilang ng mga boto sa munisipyo ng San Mariano. Bandang alas-10 ng gabi, biglang nilusob ng kalalakihang sakay sa dalawang van ang munisipyo. Pinaulanan ng putok ang munisipyo sa loob ng halos 30 minuto. Bago umalis, tinangay nila ang anim na ballot box. Samantala, bandang alas-10 din sa parehong gabi, pinasok ng 16 na lalaki ang munisipyo ng Jones habang nagaganap ang bilangan. Pinadapa ang mga naroon, kinunan ng mga cellphone at sinunog ang upisina at lahat ng pumasok na talaan ng mga boto mula sa iba't ibang presinto. Umabot sa 40% ng mga balota ang nasunog. Ayon sa datos na nakalap ng National Democratic Front sa Northeastern Luzon, noong araw ng halalan ay nagpabaha ng pera at pagkain ang pangkat ni Dy sa buong Isabela. Nagtambak din sila ng mga tropa ng AFP sa mga barangay ng Benito Soliven, Ueg, Casala, Macayucayu, Alidabad, San Mariano at sa mga barangay na saklaw ng Forest Region, Jones at Echague upang takutin ang mga botante. Muli ring ipinasara ng pamilyang Dy ang Bombo Radyo DZNC sa mismong araw ng eleksyon dahil sa madalas nitong pagbatikos sa mga anti-mamamayang patakaran ng angkan. Ang panununog sa Jones at San Mariano ay bahagi ng pakana ng mga Dy na lumikha ng malaking kaguluhan upang magdeklara ng failure of elections (kabiguan ng eleksyon) sa prubinsya at mabalewala ang resulta ng botohan. Nang hindi magbunga ang kanilang pakana, tuluy-tuloy na naglunsad ng kampanyang pananakot ang pangkating Dy laban sa mga tauhan ng COMELEC sa antas prubinsya. Dahil dito, nagbitiw ang board of canvassers at napilitang isuspinde ang bilangan hanggang makapagpadala ang COMELEC ng hahalili sa kanila. Sa upisyal na pagbibilang ng COMELEC at di upisyal na pagbibilang ng NAMFREL, ang progresibo at popular na dating brodkaster na si Gracia Padaca ay lumalamang nang malaki kay Gov. Dy sa eleksyon para sa gubernador ng Isabela. Mahigpit at madugo ang kontrol ng pamilyang Dy kapwa sa pulitika at ekonomya ng Isabela sa nakaraang 40 taon. Napanatili at napalawak ng angkan ang dinastiya nito sa pamamagitan ng paggamit sa kanilang kapangyarihang burukrata-kapitalista. Epektibo rin nitong nagamit bilang pribadong hukbo ang militar at pulisya bukod sa goons at mga kriminal na elemento sa prubinsya. Mula pa noong dekada 1960, walang pakundangan ang pandarahas ng mga Dy sa sinumang humahamon sa kanilang paghahari. Mahaba at madugo rin ang talaan ng kanilang mga paglabag sa mga karapatang-tao ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya. Mahalagang salik sa paghina ng ilang dekadang dominasyon ng pamilyang Dy sa reaksyunaryong pulitika sa Isabela ang malakas na paglaban ng mamamayan at mga gitnang pwersa, ang tapang ng mga humahamon sa kontrol ng mga Dy at ang masiglang pagsusulong ng armadong pakikibaka, kilusang masa at progresibong pulitika sa prubinsya. Dahil dito, natalo ang apat sa pitong myembro ng angkan na kumandidato para sa iba't ibang pusisyon. Bukod kina Faustino Jr. at Alexander, tiyak din ang pagkatalo nina Benjamin Dy Jr. sa pagkaalkalde ng Angadanan at Eloisa Dy-Valle sa pagkakonsehal ng Cauayan City.
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|