Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Dagdag na mga pahirap sa bayan

 Read this article in English

Sa loob ng tatlong taong panunungkulan ni GMA, sumahol ang krisis ng ekonomya at lipunan at lumala ang kahirapan at kaapihan ng bayan. Sa susunod na anim o higit pang taon, lalo pa itong palulubhain ng mga planong inilatag ni Arroyo sa kanyang SONA noong Hulyo 26 na pawang naaayon sa kagustuhan ng International Monetary Fund (IMF).

Alinsunod sa dikta ng IMF, pipilitin ni Arroyo na burahin ang depisit, mabalanse ang badyet ng gubyerno at mabayaran ang mga utang nito at ng bayan upang makapangutang pa rin sa mga pandaigdigang bangko.

Pinakasentro ng talumpati ni Arroyo ang sampung hakbang kaugnay ng pagbubuwis na kanyang ipatutupad para makalikom ng mahigit daan bilyong pisong kailangan upang malutas umano ng Pilipinas ang napakalaki nitong depisit at pagkakautang.

Subalit ibayong pabigat ang mga "solusyong" inihahain ng rehimen. Isa na rito ang dagdag na mga buwis na ipapataw sa limpak-limpak na salaping kinikita ng mga kumpanya ng langis at kumpanya ng telekomunikasyon, gayundin ang dagdag na buwis sa benta ng lahat ng mga produkto at serbisyo. Kunwa'y manggagaling sa mga higanteng korporasyon ang ibang buwis, tulad ng buwis sa prankisa para sa pagseserbisyo ng mga cellphone, dagdag na taripa sa pag-aangkat ng mga produktong petrolyo at buwis sa kabuuang kita ng mga kumpanya. Subalit ang totoo, sa kahuli-hulihan ay mga ordinaryong mamamayan din lamang ang papasan ng anumang karagdagang buwis sa anyo ng mas mataas na presyo ng mga produktong petrolyo, mas mataas na singil sa paggamit ng mga cellphone, at mas mataas na presyo ng iba't iba pang mga produkto at serbisyong kailangan ng mamamayan.

Isa pang napakabigat na "solusyon" para maibsan umano ang depisit sa badyet ang pagpapaliit sa burukrasya at kaakibat na pagtatanggal ng daan-daang libong karaniwang kawani ng gubyerno sa pamamagitan ng pagpapaaga ng kanilang pagreretiro. Sila ang pangunahing target sa pagbabawas sa gastos ng gubyerno dahil sa P286.5 bilyong taunang sweldo nila na bumubuo ng 33.1% ng kabuuang badyet ng gubyerno.

Plano ng rehimen na kagyat nang patalsikin ang 30,000 kawani mula sa unang bubuwaging 80 ahensya ng gubyerno. Kasunod nito, bubuwagin ang 30 pang ahensya. Sinasabi rin ng Malakanyang na nakaprograma ang pagtatanggal ng dagdag na 100,000 sa susunod na taon dahil di na umano kailangan ang mga ito. Gayunpaman, ayon sa COURAGE, aabot sa 420,000 o 38% ng mga kawani sa gubyerno ang nakatakdang sisantehin ng rehimeng Arroyo.

Para iwasan ang matinding galit at pagtutol ng mga kawani, kapalit ng pagkakatanggal nila sa trabaho ay nangako ang rehimen na tulungan silang magtayo ng sarili nilang mga negosyo�isang katawa-tawa at lubhang di kapani-paniwalang panukala.

Hindi mapapaliit ang depisit sa badyet sa pamamagitan ng maramihang pagtatanggal ng mga kawani. Hindi nito mapapawi ang laganap at grabeng burukratikong korapsyon at maling mga prayoridad, na pinakamalaking sanhi ng pagkawaldas ng mga rekurso ng gubyerno. Hindi lamang nito lalong itataas ang tantos ng disempleyo, ibayo rin nitong pahihinain ang dati nang kulang na kulang na mga ahensyang pampubliko na nagbibigay ng mga batayang serbisyo. Dagdag dito, laksa-laksa pa ang sisisantehin kaakibat ng pagsasapribado ng mga korporasyong pag-aari ng gubyerno.

Isa sa mga isasapribado ay ang National Power Corporation (NAPOCOR). Sa kanyang SONA, pinili ni Arroyo na diinan ang pangangailangan umano ng sapat, episyente at murang suplay ng kuryente sa pamamagitan ng pagsasapribado ng serbisyo rito. Ito'y tugmang-tugma sa linya ng IMF na dapat daw ipaubaya sa pribadong negosyo ang pagsusuplay at pagtatakda ng presyo ng serbisyo sa kuryente para iligtas ito sa katiwalian, kainutilan at kabulukan ng gubyerno.

Subalit taliwas sa pangako na mas bababa ang mga bayarin bunga ng pribatisasyon, malinaw sa karanasan ng bansa sa pribatisasyon na lalo pang sumirit ang dati na ngang nakalululang mga bayarin sa kuryente at iba pang serbisyo nang ipaubaya na ang mga ito sa kasakiman ng pribadong negosyo. Walang batayan para isiping maiiba ang magiging karanasan sa pribatisasyon ng NAPOCOR. Tiyak na itataas nito ang presyo ng kuryenteng isinusuplay nito sa mga distribyutor, at tiyak na babawiin ng mga distribyutor ang dagdag na halaga sa pamamagitan ng pagtataas ng singil sa kuryenteng ginagamit ng mga konsyumer.

Inulit ni Arroyo sa kanyang SONA ang pangakong lilikha siya ng mga bagong trabaho. Para rito, inilinaw niya na ang "umuunlad na mga sektor sa industriya, serbisyo at maliliit na negosyo" ang magpaparami ng empleyo sa kalunsuran at ang sektor ng agribisnes naman ang bahala sa pagpaparami ng empleyo sa kanayunan at pagpigil ng pagdayo ng mga magsasaka tungo sa kalunsuran.

Ngunit habang binibigkas ito ni Arroyo, tuloy ang pagbagsak ng sektor ng manupaktura. Walang anumang sinabi si Arroyo kung papaano mapauunlad ang industriya na siyang tunay na lilikha ng mga trabaho para sa mga manggagawa. Bagkus, ipagpapatuloy lamang ng kanyang rehimen ang imperyalistang "globalisasyon" at iba pang neokolonyal na patakarang sumasagka sa anumang pag-unlad ng pambansang industriyalisasyon. Patuloy na lalala ang disempleyo habang walang tunay na industriya sa bansa.

Patuloy ding lalala ang disempleyo hangga�t hindi nalulutas ang mahigit dantaon nang suliranin sa lupa ng mga magsasaka. Walang binanggit si Arroyo na anuman kaugnay ng repormang agraryo bukod sa pinagdiinan niyang panukala na gamitin ang lupang sakahan bilang kolateral sa bangko, kabilang ang mga lupang naipamahagi na sa ilalim ng huwad na programa ng gubyerno sa reporma sa lupa. Ito ay panukala para lalong mawalan ng lupang masasaka ang mga magsasaka.

Wala nang duda ang magiging larawan ng susunod na anim na taon sa ilalim ng rehimen ni Arroyo: ibayong pahirap at mga sakripisyo para sa dati nang naghihirap at nagsasakripisyong mamamayan, laluna ang masang anakpawis.

Ibayo nitong pinatatampok ang kahungkagan at kabiguan ng pinalalabas ng gubyerno na programa nito para sa reporma sa lupa. Dahil laganap ang pagkalugi ng mga magsasaka, tiyak na marami sa kanilang hindi makapagbabayad ng utang at maiilitan ng lupa. Gagampanan na rin ng iba pang mga pribadong bangko ang dati nang pinapapel ng Land Bank of the Philippines sa pag-iilit ng mga lupa ng mga magsasaka at pagbebenta nito sa sinumang makakakayang bayaran ang halagang itinatakda ng bangko. Isa itong sistematiko at ligal na paraan ng pang-aagaw ng lupa mula sa mga magsasaka at muling pagkokonsentra nito sa kamay ng mga panginoong maylupa, mga asendero at malalaking korporasyong agribisnes.

Panukala rin ni Arroyo na simulan na sa pagpasok ng 2005 ang "cha-cha" o ang planong baguhin ang reaksyunaryong konstitusyon. Ito ay imbing pakana upang burahin mula rito ang anumang nalalabing pormal na sagka sa ibayong paglapastangan ng mga imperyalista sa pambansang soberanya at panghihimasok nila sa mga panloob na usapin ng Pilipinas. Papawiin na rin ang anumang sagka sa ibayong pagkontrol at pag-abuso ng mga imperyalista at mga lokal na galamay nila sa ekonomya. Lalong hihigpitan ang pagkilos ng mamamayan, susupilin ang kanilang paglaban at sasagasaan ang kanilang mga karapatang sibil sa ngalan ng "gerang anti-terorismo" ng US.

Bahagi rin ng "cha-cha" ang pagpapalit ng sistema ng gubyerno mula presidensyal tungong parlamentaryo, bagay na inaasam-asam ni Arroyo at ng kanyang mga kapanalig sa kongreso. Halatang-halata ang kasigasigan nilang itulak ang "cha-cha" dahil sa personal na kapakinabangan, pangunahin na sa pamamagitan ng pagpapahaba ng kanilang mga termino.

Sa harap ng lahat ng ito, kapansin-pansin ang maraming iba pang napakalaking usaping hindi man lamang binanggit ni Arroyo sa kanyang SONA. Wala siyang tugon sa iginigiit na P155 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa para matanggap nila ang minimum na kailangang kita upang mabuhay nang disente ang kanilang mga pamilya. Wala rin siyang imik sa hinihinging P3,000 dagdag na sweldo ng mga kawani, sa hinihiling na pagpapababa sa presyo ng mga bilihin at serbisyo at iba pang kahilingan para sa kahit kagyat na kaluwagan ng mamamayan.

Wala nang duda ang magiging larawan ng susunod na anim na taon o mahigit pa sa ilalim ng rehimen ni Arroyo. Ibayo itong pahirap at mga sakripisyo para sa dati nang naghihirap at nagsasakripisyong mamamayan, laluna ang masang anakpawis.

"Mamamayan muna!" ang susing islogan na ipinanawagan ni Arroyo sa kanyang SONA. Ngunit lubos na kabaligtaran nito ang tunay na nasa likod ng lahat ng mga pinamarali niya.

 


 Back to topNext article

07 Agosto 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Dagdag na mga pahirap sa bayan
Korapsyon, pagwawaldas at maling mga prayoridad ang tunay na nasa likod ng dambuhalang depisit sa pambansang badyet ng gubyerno
Karagdagang buwis sa langis, ipapapasan sa mamamayan
Alyansa laban sa pagtataas ng buwis, binuo sa kongreso
10 hakbangin sa pagbubuwis ng rehimeng Arroyo
Mga ulat koresponsal:
Panibagong lakas ng armadong pakikibaka sa Negros

Bigong pagsalakay sa kampo ng BHB
CPLA at AFP, magkakumpitensya sa iligal na pagtotroso sa Apayao
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.