Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Kalagayan ng mga manggagawang bukid sa buong kapuluan

 Read this article in English

May tinatayang 13 milyong manggagawang agrikultural sa buong bansa. Sila ay mga magsasakang lubusang umaasa sa pagbebenta ng lakas-paggawa sa kanayunan para mabuhay.

Kawalan ng lupang masasaka ang pangunahing dahilan ng pagdami ng bilang ng mga manggagawang agrikultural. Ito ang kalagayan ng 75% ng mga magbubukid. Dahil dito, napipilitan silang magbenta ng kanilang lakas paggawa o pumasok sa iba�t ibang uri ng trabaho.

Mayroong dalawang klasipikasyon ng mga manggagawang agrikultural: ang tradisyunal o yaong mga maralitang magsasaka at mababang panggitnang magsasaka na kulang ang kita mula sa pagsasaka kaya nagbebenta ng kanilang lakas paggawa sa mga panginoong maylupa o mayamang magsasaka. Matatagpuan sila sa mga palayan, maisan, niyugan, gulayan, tabakuhan at maging sa mga asyenda at plantasyon ng mga tanim na pang-eksport (tubo, pinya, saging at iba pa) na nagtataglay ng ilang modernong kagamitan.

Ang mga tradisyunal na manggagawang bukid ang bumubuo ng 95% ng mga manggagawang agrikultural sa buong bansa. Ito�y dahil sa kalakhan ay atrasado pa rin ang mga kagamitan sa agrikultura. Hindi namumuhunan ang malalaking kumprador at panginoong maylupa sa mga modernong kagamitan tulad ng harvester combine (makinang pang-ani at panggiik ng butil tulad ng palay) dahil sobra-sobra naman ang bilang ng mga manggagawang bukid na maaari nilang upahan sa napakamurang halaga.

May maliit na bilang (5% ng kabuuan) na matatawag na modernong manggagawang bukid. Konsentrado sila sa malalaking asyenda at mga kapitalistang sakahan tulad ng mga plantasyon ng pinya at saging na kalakha�y pag-aari ng mga dayuhang korporasyon sa agrikultura o mga kasosyo nilang malalaking burgis kumprador at panginoong maylupa.

Sila yaong gumagamit ng mga makabagong kagamitan tulad ng traktora at mga sasakyang panghakot. Nagiging regular din silang manggagawa sa mga iluhan (gilingan ng tubo) at bodega ng mga produktong agrikultural.

Bunga ng lumalalang panlipunang krisis, palaki rin nang palaki ang suliranin ng kawalan ng hanapbuhay sa kanayunan. Kung mayroon mang hanapbuhay, sadyang napakababa ng sahod. Mababa na nga ang itinatakdang arawang sahod ng mga regional wage board para sa mga manggagawang agrikultural (mula P135 sa Western Visayas hanggang P222 sa Northern Mindanao), binabarat pa ito lalo ng mga panginoong maylupa at burges kumprador. Halimbawa, ayon sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura o UMA, sa mga palayan at niyugan ng Mindoro Occidental at iba pang lugar sa Southern Tagalog ay umaabot lamang sa P70 hanggang P80 ang arawang sahod. Sa Cagayan Valley, ang karaniwang arawang sahod ay P70 at sa Samar ay P50 lamang.

Sa mga tubuhan sa Eastern Visayas, P80 ang bayad sa isang pamilya para sa isang araw na pagtatrabaho. Sa Hacienda Luisita, kung saan P190 dapat ang arawang sahod, may mga pagkakataon na P9.50 na lamang ang naiuuwing sahod ng mga manggagawa matapos ang isang linggong pagtatrabaho dahil sa dami ng kinakaltas sa kanila ng kumpanya.

Sarisari rin ang mga instrumento ng panlilinlang ng mga asendero at burges kumprador para lalong pigain ang mga manggagawang bukid at pagkaitan sila ng kanilang mga karapatan.

Sa panahon pa lamang ng diktadurang Marcos, pinataas ang balwasyon ng mga lupa para mahirapan ang benepisyaryo umano ng reporma sa lupa ng rehimen na mabayaran ang hinuhulugang lupa. Ang kinalabasan ay 2% lamang ang nakapagkumpleto ng hulog. Ang kalakhan ay nanatiling walang lupa at baon sa utang.

Mas marami pang binalangkas na paraan ng panloloko sa masang magsasaka ang sumunod na rehimeng Aquino. Nariyan ang huwad na Comprehensive Agrarian Reform Law at ang Stock Distribution Option (SDO) nito kung saan namumudmod ng walang halagang mga sapi sa mga manggagawang bukid ang mga panginoong maylupa at burges kumprador para palabasing kasosyo sa asyenda ang mga manggagawang agrikultural nang gayo�y makaiwas sa reporma sa lupa. Pinahihintulutan din ang lease-back agreement kung saan pag-aari umano ng estado ang malalawak na lupaing tinatamnan ng saging, pinya at iba pa subalit pinauupahan naman at pinakokontrol sa malalaking agro-korporasyong dayuhan nang hanggang 75 taon.

Partikular sa mga tubuhan at pagawaan ng asukal, nariyan ang Sugar Development Fund, kung saan bukod sa paunang kapital na P20 milyon ay nangongolekta ng P5 kada picul mula sa mga asendero para matustusan ang rekrutment ng CAFGU at makapagpatayo ng mga detatsment sa mga asyenda upang supilin ang paglaban ng mga manggagawang bukid. Nariyan ang Sugar Amelioration Act of 1991 (RA 6982) at ang kaakibat nitong Sugar Amelioration Fund na nagbabasura sa usapin ng reporma sa lupa at nag-oobliga na lang sa mga asendero na maglaan ng pondo para umano maibsan ang kahirapan ng mga manggagawang bukid at maralitang magsasaka sa mga tubuhan. Bukod sa ipinagkakait sa kanila ang karapatan nila sa lupa, ang pondong inilalaan sa kanila ay barya-barya lamang kumpara sa bilyun-bilyong pisong kabuuang kita ng mga asendero at may-ari ng mga sentral�at halos hindi pa ipinatutupad.

Sa ilalim ng rehimeng Ramos at mga kasunod pa nitong administrasyon, ni hindi na nag-abala na magbalangkas pa ng kahit pakitang-taong reporma sa lupa. Dito na nagsimula ang malawakang pagpapalit-gamit ng lupa at ang rekonsentrasyon ng lupang dati nang naipamahagi sa mga magsasaka tungo sa mga panginoong maylupa.

Sa ilalim din ni Ramos naibwelo ang �globalisasyon ng malayang pamilihan� sa tulong ng mga patakarang naisabatas ng senador noon na si Gloria Arroyo. Mula noon, todo-larga ang pagtatambak ng mga imported na produktong agrikultural. Naganap ang di pa napapantayang pagkalugi sa sektor ng agrikultura. Kabilang sa may pinakamalalaking pagkalugi ang produksyon ng karaniwang tanim na pang-eksport tulad ng tubo.

Sa lahat ng ito, ang bumabalikat ng pinakamabibigat na pasanin ay ang mga magsasaka at manggagawang bukid. Sila ang dumaranas ng malawakang pagtatanggal sa trabaho. Dinudurog ang kanilang mga unyon at ibayo silang dinadahas. Yaong mga nananatili sa trabaho ay binabarat ang sahod at binabawian ng mga benepisyong natamo bunga ng deka-dekadang pakikibaka ng masang anakpawis.

Nararapat lamang na ipaglaban ng organisadong mga manggagawang bukid ang kagyat nilang interes tulad ng disenteng sahod, makataong kalagayan sa paggawa, seguridad sa trabaho at karapatang mag-unyon at magwelga. Kasabay nito, nararapat nilang palagiang ipaglaban ang reporma sa lupa bilang pangmatagalang tugon sa kanilang suliranin sa lupa. Ang sigaw para sa tunay na reporma sa lupa ay kaakibat ng panawagan para sa pambansang industriyalisasyon, na solusyon sa palagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Pebrero 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang mga pasistang hakbang ng rehimeng US-Arroyo

Matatagumpay na TO:
33 sundalo, napatay sa mga opensiba sa Compostela Valley at Isabela

Matatagumpay na TO:
Sa Southern Luzon

Matatagumpay na TO:
Tatlong tropa ng militar, pinatay ng dating mandirigma ng BHB

NAHRA, RPA-ABB:
Mga tagapagsalita ng pasistang rehimen

Sabwatang Arroyo-Marcos-Akbayan:
Katarungan para sa mga biktima ng batas militar, hinaharang sa kongreso

Sabwatang Arroyo-Marcos-Akbayan:
Maniobra ng mga magnanakaw

Kalagayan ng mga manggagawang bukid sa buong kapuluan
Makauring tunggalian sa Hacienda Luisita
Pakikiramay: Alay ng mga makata sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita:
Pagdamay, pakikiisa, paglaban

Sa Ibayong Dagat:
Imperyalistang agresyon sa Middle East
Iran, isusunod na?

Sa Ibayong Dagat:
�Outposts of tyranny� at iba pang katha ng guniguni ni Bush

Sa Ibayong Dagat:
Deklarasyon ng batas militar sa Nepal, tinututulan

Sa Ibayong Dagat:
Umiigting ang armadong pakikibaka sa Colombia

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.