Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Ilantad at tutulan ang papataas na antas ng interbensyong militar ng US sa bansa

 Read this article in English

Lansakang paglabag sa pambansang soberanya ang tumitinding interbensyong militar ng US sa bansa, na ngayo'y nakatuon na sa mga balwarte ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Nitong huling bahagi ng Pebrero, aabot sa 700 tropang Amerikano ang planong sumanib sa 12 yunit ng AFP na nakatutok sa 12 lugar sa prubinsya ng Quezon kung saan pinaniniwalaang malakas ang BHB. Ginagamit nila ang "Balikatan joint military exercises" bilang batayan ng kanilang presensya. Sa ngayon, nasa Real, Infanta at Nakar ang mga tropa.

Isinasangkalan ng mga tropang Amerikano ang "humanitarian assistance" sa mga biktima ng kalamidad noong nakaraang Disyembre. Subalit sa katunayan, pakay ng mga pwersang Amerikano na kabisaduhin ang naturang mga lugar, mag-ipon ng datos paniktik at unti-unting sanayin ang opinyong publiko upang tanggapin ang papataas na antas ng panghihimasok ng US sa kontra-rebolusyonaryong digma sa Pilipinas.

Bago ito, sinimulan na rin ng mga tropang militar ng US ang direktang interbensyon sa pamamagitan ng pagtatalaga ng may 40 sundalong Amerikano sa loob mismo ng kampo ng kumand ng AFP na tumutugis sa Moro National Liberation Front (MNLF) sa Sulu. Ang mga upisyal militar ng US ay nagsisilbing tagapayo ng AFP sa mga operasyon nito laban sa MNLF na muling nagsusulong ng armadong paglaban sa rehimeng Arroyo. Tulad ng nagaganap sa Quezon, ginagamit ding sangkalan ang "humanitarian assistance." Dagdag dito, pinalalabas nila na magkasanib ang MNLF at ang bandidong Abu Sayyaf at Jemaah Islamiyah, bagay na mariing itinatanggi ng MNLF.

Nais ng US na likhain ang sitwasyon kung saan malayang nakapag-ooperasyon ang mga tropa nito laban sa mga rebolusyonaryong pwersa ng BHB at mga pwersang Moro alinsunod sa doktrinang Bush ng paglulunsad ng panansalang pag-atake (preemptive strike) at gerang walang hangganan (war without borders).

Sa ambisyon nitong maghari sa buong mundo, walang pakundangan nitong sinasagasaan ang soberanya ng mga bansa at niyuyurakan ang karapatang-tao ng mamamayan.

Kaugnay ng papataas na antas ng interbersyong militar nito ang pagbubuo ng US ng proyektong tinatawag na Strategic Support Branch na maglulunsad ng pinag-ibayong mga lihim na operasyong paniktik maging sa mga bansang may mga gubyernong alyado ng US tulad ng Pilipinas. Mangangahulugan ito ng lihim na operasyon di lamang ng mga espiyang Amerikano kundi gayundin ng aktibong pagrerekrut ng mga Pilipino para maniktik laban sa sarili nilang bansa. Kabilang sa mga balak pakilusin para rito ang mga pusakal na personahe na maaaring "magdulot ng kahihiyan" sa US kung malantad man ang kanilang ugnayan.

Tiyak na magbubunga ang ganitong mga pakana ng US ng mas matinding paglabag sa karapatang-tao at ibayong paggamit ng marurumi at pailalim na mga taktika laban sa anumang pwersang itinuturing na kalaban ng US. Umaalinsunod rito ang ibayong pagtutulak ng rehimeng Arroyo sa National ID System at iba pang hakbanging "anti-terorista" na sisikil sa karapatang sibil ng mamamayan.

Ngayon pa lamang ay nagreresulta na ang ilang linggong operasyong pagtugis sa siyam na bayan ng Sulu sa pwersahang paglikas ng daanlibong sibilyan at ng pagkawasak ng kanilang mga bahay at kabuhayan dulot ng mga pambobomba, harasment sa mga sibilyan at iba pang paglabag sa karapatang-tao.

Sa kabila ng panawagan ng napakaraming sektor para sa tigil-putukan, aroganteng nagdeklara ang ng Malakanyang na hindi nito lulubayan ang mga operasyong militar sa Sulu. Tiyak na pinagkukunan ng lakas ng loob ng rehimen ang mga imperyalistang konsultant na kaulayaw nito.

Sa Quezon, iilang araw pa lang ang Balikatan ay paglabag sa karapatang-tao at perwisyo sa mamamayan na ang hatid nito. Arbitraryong inaresto ng mga elemento ng 76th IB noong Marso 1 sa Sityo Balugbog, Barangay Bataan, Sampaloc, Quezon sina Miralyn Gamba, Leonila Manalo, Nancy Elle at ang nagdadalantaong si Aileen Ramos, pawang mga myembro ng Gabriela Women's Party. Pilit pinararatangan ng AFP na mga gerilya ng BHB ang apat na aktibistang kabababaihan.

Walang ibang dahilan ang arbitraryong pagdakip sa apat na kababaihan kundi ang pagkakandarapa ng papet na AFP na tiyakin ang seguridad ng daan-daang tropang Amerikanong nag-ooperasyon sa hilagang Quezon. Sa baluktot na pangangatwiran ng gubyernong Arroyo, reaksyunaryong militar at amo nilang imperyalista, ang mga progresibong organisasyon ay pawang mga banta sa kanilang seguridad.

Hinding-hindi maaaring palampasin ng mamamayan ang anumang pagyurak sa pambansang soberanya ng Pilipinas, lantad man o lihim.

Dapat gamitin ang lahat ng pagkakataon para puspusang ilantad at tutulan ang imbing pakana ng imperyalismong US na ilatag ang kundisyon para sa papataas na antas ng interbensyong militar at kahit agresyong militar sa hinaharap. Oras na direktang lumahok sa mga opensibang aksyong militar ang mga tropang Amerikano, karapatan ng BHB na ipagtanggol ang sarili at depensahan ang interes ng masa laban sa dayuhang interbensyon at agresyong militar.

 


 Back to topNext article

07 Marso 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ilantad at tutulan ang papataas na antas ng interbensyong militar ng US sa bansa
Karahasan laban sa demokratikong kilusan
Magkakambal na pasista
Dalawang mukha ng pagbubuwis
Pinalulutang ng utang
Pangunahing biktima ng kagutuman ang maralitang kababaihan
Pandaraya sa bilihan ng saging, nilalabanan
Sinu-sino ang kaakbay ng Akbayan?
Sa lahat ng kalaban ng imperyalismo
Sino si John Negroponte?
Matatagumpay na Opensiba ng BHB
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.