Macapagal-Arroyo, hayagan nang pumabor sa cha-cha
Hindi rin nagtagal ang pagkukunwari ni Gloria Macapagal-Arroyo na wala siyang interes na manatili sa poder lampas sa 2004 sa pamamagitan ng eleksyon o pakanang pagbabago ng konstitusyon (charter change o cha-cha). Iilan din lamang naman ang kanyang nabola sa astang "angat sa pulitika". Simula�t sapul, malinaw na nagmamaniobra lamang siya para pansamantalang pahupain ang lumalawak na disgusto at pagkamuhi sa kanyang rehimen at buksan ang iba�t ibang opsyon para sa pananatili niya sa poder.
Noong Enero 18, matapos ang matagal na pagpapakipot, hayagan nang idineklara ni Macapagal-Arroyo na pabor siya sa cha-cha. Nagpahayag siya ng kagustuhang buuin ang isang kumbensyong konstitusyunal bilang paraan ng pagbabago ng konstitusyon dahil hindi umano ito masyadong mapanghati. Pinalalabas ni Macapagal-Arroyo na mas kinakatigan niya ang kumbensyong konstitusyunal dahil sa binitiwan niyang pangakong itutuloy ang eleksyon sa 2004. Gayunpaman, hindi siya tumututol sa mas malakas na kahilingan para sa isang constituent assembly at sa katunayan ay pinakikilos niya ang kanyang mga kapartido sa senado at kongreso para kagyat itong mabuo.
Kumpara sa pagbubuo ng kumbensyong konstitusyonal, mas madali para sa rehimeng Macapagal-Arroyo ang pagbubuo ng constituent assembly dahil itatransporma lamang ang kasalukuyang senado at kongreso tungo rito. Mas nakatitiyak sila sa komposisyon ng mga magsasaayos ng bagong konstitusyon.
Katulad ng mga nagdaang papet na presidente at mga nasa poder, litaw na litaw ang kagustuhan ni Macapagal-Arroyo na gamitin ang cha-cha para sa mahinahong pagbabahaginan sa kapangyarihan at pagpapanatili sa poder.
Ngunit nasa interes din ng buong reaksyunaryong naghaharing uri na maisulong ito sa pag-asang mabawasan ang matinding krisis at laganap na disgusto ng mamamayan sa umiiral na kalagayan at sistemang panlipunan. Kasabay nito, patuloy na naghahanap ang mga reaksyunaryo ng mas mabisang mga paraan para sa higit pang pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan sa pamamagitan ng pagbabago ng konstitusyon.
Inilalako ng mga repormista ang hakahakang maidaraan sa "pagpapahusay" sa konstitusyon ang mga kinakailangang pagbabago. Sinasakyan naman ito ng mga kontra-rebolusyonaryong elemento para mabuhusan ng malamig na tubig ang tumitinding galit ng masa sa umiiral na mapagsamantala at mapang-aping sistema sa lipunan at ilihis sila mula sa landas ng militanteng pagpuprotesta, pag-aalsa at pagrerebolusyon.
Higit sa lahat, nangunguna sa pagtutulak ng pagbabago sa konstitusyon ang US. Nais nitong maalis na sa konstitusyon ng Pilipinas ang mga sagka sa globalisasyon at neoliberalisasyon. Mismong si US Ambassador Francis Ricciardone ang umamin nito. Ipinanakot niya na kung hindi ito matutupad, mahuhuli ang Pilipinas sa pag-unlad. Dagdag dito, nais din ng US na tanggalin na ang mga probisyong nagbabawal sa pagbabase ng pwersang militar ng US at pagpasok ng mga armas nukleyar sa bansa.
|