Mga Ulat Koresponsal: Paglilinaw hinggil sa kalagayan ng mga bihag ng digma sa Dulong Timog Mindanao
Tiniyak ng Valentin Palamine Command (VPC) ng BHB-Dulong Timog Mindanao na mahusay ang kalagayan ng mga bihag ng digmang sina Sgt. Jeremias Rosete Jr., Pepito Simbulan, Wilfredo Maldecir at Herminia Sorongon Maldecir. Ang mga ito ay inaresto noong Setyembre 4 sa Barangay Lam-alis, Columbio, Sultan Kudarat sa aktong pang-eespiya laban sa rebolusyonaryong kilusan.
Ayon kay Ka Dencio Madrigal, kumander ng VPC, ang apat na bihag ay may hinaharap na kasong paglabag sa mga pandaigdigang alituntunin ng digma.
Tinitiyak ng VPC na ang proseso ng paglilitis sa mga bihag ay naaayon sa mga ligal at hudisyal na sistema't proseso ng Demokratikong Gubyernong Bayan at mga probisyon ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Tinatamasa nila ang makataong pagtrato at dumadaan sa karampatang proseso ng paglilitis. Pinagsisikapan din ng mga kasama na bigyang-atensyon ang mga partikular na pangangailangang medikal ni Sgt. Rosete.
Sa kasalukuyan, pinaghahandaan na ng NDFP negotiating panel ang pagpapalaya sa apat na bihag matapos makatanggap ng kahilingan para rito mula sa GRP noong Nobyembre.
Inilantad rin ng VPC ang pag-igting ng mga operasyong militar ng AFP sa Dulong Timog Mindanao, laluna sa walong bayang sakop ng Western Mining Corporation na kinikilusan din ng rebolusyonaryong pwersa. Dahil dito, dalawang beses nang napaengkwentro ang pwersang nangangalaga sa mga bihag. Iginiit ni Ka Madrigal ang pagpapatigil ng mga ito upang di malagay sa peligro ang buhay ng mga bihag ng digma at iwasang maulit ang sinapit ng dating bihag ng digma na si P/CI Abelardo Martin noong Marso 8 sa Timog Katagalugan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|