![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Nasa napakahusay na katayuan ang rebolusyonaryong kilusan upang anihin ang mga tagumpay sa pagbabagsak sa rehimeng Estrada sa larangan ng pagpapalawak at pagpapalakas ng organisadong hanay, nagkakaisang prente at armadong pakikibaka. Walang ilusyon ang Partido at rebolusyonaryong kilusan na magkakaroon ng pundamental na mga pagbabago sa bulok na malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa ilalim ng rehimeng Macapagal- Arroyo. Magpapatuloy ang imperyalistang dominasyon at pandarambong, ang pang-aapi ng mga lokal na naghaharing uri, ang busabos na katayuan ng mamamayan at ang pasistang pandarahas at panlilinlang ng estado. Gayunpaman, laluna sa maagang bahagi ng paghahari ni Macapagal-Arroyo, patuloy na kinakailangang igiit ang adyenda ng mamamayan at igiit kay Macapagal-Arroyo na ilagay ito sa sentro ng kanyang programa. Upang maipagtanggol ang interes ng mamamayan, kung gayon, kinakailangang patuloy na magpunyagi sa rebolusyonaryong daan, sa lahat ng larangan ng pakikibaka, laluna sa larangan ng armadong pakikibaka. Ang esensya at pinatutunguhan ng rehimeng Macapagal-ArroyoSi Gloria Macapagal-Arroyo ang kasalukuyang hepe ng neokolonyal na papet na gubyerno. Kinakatawan niya at ng kanyang rehimen ang interes ng dayuhang monopolyong kapitalismo at ng mga lokal na mapagsamantalang uring malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa. Gayundin, si Macapagal-Arroyo ay kumakatawan pangunahin sa paksyunal na interes ng pangkating Ramos at kontra sa interes ng pangkating Estrada-Marcos at Aquino-Cojuangco. Gayunpaman, natatangi ang rehimeng Macapagal-Arroyo dahil iniluwal ito ng isang demokratikong kilusang masa na nagpabagsak sa kinamumuhiang bulok na gubyernong Estrada. Nasa gulugod ng kilusang masang ito ang nagkakaisang prente ng masang anakpawis, petiburgesya at pambansang burgesya at mga anti-Estradang reaksyunaryo. Subalit, sa pagmamadaling kagyat na isiguro ang kanilang paksyunal na interes, unang inasikaso ni Macapagal-Arroyo ang pagluluklok ng tauhang maka-Ramos, laluna ang mga dating heneral at mga maka-imperyalistang teknokrata. Samantala, magpasahanggang-ngayon, wala pang mga hakbangin si Macapagal-Arroyo na tumutugon sa mga kagyat na hinaing ng mamamayan. Ipinagmamalaki ng bagong gubyerno na sa pagbagsak ni Estrada ay may "panunumbalik ng kumpyansa" ng mga dayuhang mamumuhunan. Subalit ang tunay at pundamental na mga suliranin ng ekonomya ng Pilipinas ay ang dominasyon at pandarambong ng mga dayuhang monopolyong kapitalista at ng kanilang mga lokal na kasosyong malalaking kapitalista at ang pagpigil nila sa pag-unlad ng mga batayang industriya at pagsasakatuparan ng tunay na reporma sa lupa. Upang tugunan ang pang-ekonomikong interes ng mamamayan, kailangang isagawa ang mga radikal na hakbangin, kabilang ang pagbabaligtad sa patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, at denasyunalisasyon, na mahigpit na itinaguyod ni Macapagal-Arroyo sa nakaraan.
Kapuna-puna na ang gabinete ni Macapagal-Arroyo ay puno ng mga pasistang dating upisyal ng AFP na eksperto sa psywar kabilang na si Hen. Fidel Ramos. Ang mga ito ay kilala sa paggamit ng tabing ng "kapayapaan" upang pagtakpan ang mas saligang patakaran ng paggamit ng pasistang karahasan sa balangkas ng pagsusulong ng kontra-rebolusyonaryong digma laban sa mamamayan. Habang patuloy na tumatanggi si Macapagal-Arroyo na tugunan ang interes ng mamamayan, napapawi ang batayan para sa posibleng kritikal na alyansa sa pagitan ng mga progresibo, makabayan at demokratikong pwersa sa isang panig, at ng rehimeng Macapagal-Arroyo, sa kabilang panig. Laluna sa harap ng mga banta sa istabilidad ng kanyang gubyerno, makabubuti kay Macapagal-Arroyo na positibong tumugon sa mga demokratikong kahilingan ng nagkakaisang prenteng nagluklok sa kanya sa poder at himukin ang suporta at tulong nito para sa kanyang rehimen. Kinakailangan niyang maagap na tugunan ang mga isinisigaw ng mamamayan na kinabibilangan ng pag-usig kay Estrada; puspusang kampanya laban sa korupsyon at katiwalian sa gubyerno; kagyat na remedyo at matagalang pagpapabuti sa hanapbuhay, sahod, pabahay; tunay na reporma sa lupa para sa masang magsasaka; pagtatakwil sa patakaran ng denasyunalisasyon, deregulasyon, liberalisasyon, kontraktwalisasyon, kaswalisasyon at iba pang anyo ng pambubusabos; pagtatakwil sa militarisasyon, militarismo at total war; paggawad ng katarungan sa mga biktima nito; at pagsasaisantabi ng VFA at paglaban sa panghihimasok ng US sa panloob na usapin ng bansa. Mga tungkulin ng rebolusyonaryong kilusanNasa mahusay na katayuan ang rebolusyonaryong kilusan upang umani ng malaki mula sa pakikibaka sa pagbabagsak ng rehimeng Estrada. Ang wastong pagpupunyagi sa pagsusulong ng kilusang masa at pagpapalapad at pagpapatatag sa nagkakaisang prente ay naglagay sa mga rebolusyonaryong pwersa sa napakahusay na pusisyon upang samantalahin ang paborableng sitwasyon at ibayong makapagpalakas at lahatang-panig na sumulong. Kailangang panatilihing mataas ang militansya ng mamamayang Pilipino sa pamamagitan pangunahin ng solidong pag-oorganisa sa malawak na mamamayang lumahok sa mga demonstrasyong anti-Estrada, laluna ang mga estudyante, manggagawa, maralitang lunsod, mga propesyunal at taong simbahan. Kinakailangang puspusang isagawa ang pampulitikang edukasyon at rebolusyonaryong propaganda upang malagom ang kanilang karanasan sa pakikibakang anti-Estrada, ilinaw ang sitwasyon at mga tungkulin sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo, itaas ang kanilang kamulatan hinggil sa kasaysayan at lipunang Pilipino at himukin sila sa rebolusyonaryong landas. Kailangan ding kabigin ang mga maralitang lunsod na nilinlang ni Estrada at itaguyod ang kanilang interes kaisa ng mamamayan sa pangkalahatan. Kaalinsabay nito, kailangang patuloy na palakasin at palawakin ang nabuong nagkakaisang prenteng anti-Estrada tungo sa pagtataguyod ng tunay na panlipunan at pambansang pagbabago. Pangalagaan ang mga relasyong nabuo at napalawak sa proseso ng pagsusulong ng kilusang protesta. Maaari itong gawin sa antas pambansa, pamprubinsya o panrehiyon at sa mga lokalidad. Kailangang gamitin ang mga ugnayang ito hindi lamang para sa pagsusulong ng mga pampulitikang pakikibaka kundi pati sa pag-abot sa malawak na masa at pagbubuo ng solidong organisadong lakas sa batayang antas. Kailangan ding tuluy-tuloy na ilantad ang mga kontra-rebolusyonaryong pwersang nagpapanggap na "Kaliwa". Sa partikular, kailangang ilantad ang kanilang naging pagtatangkang hatiin ang nagkakaisang prenteng anti-Estrada sa pamamagitan ng mga buhul-buhol na islogan at paghahalu-halo ng mga usaping estratehiko at taktikal. Kailangan ding ilantad ang bulok na gawain ng mga ito, laluna ang pagbebenta ng Sanlakas-BMP sa interes ng mga manggagawa at maralitang lunsod. Higit sa lahat, kinakailangang patuloy na paigtingin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan. Kinakailangang patuloy na palakasin at paramihin ang mga larangang gerilya, isulong ang mga pakikibakang antipyudal ng masang magsasaka, ilunsad ang paparami at papalaking mga taktikal na opensiba at palawakin at patatagin ang rebolusyonaryong baseng masa. Ang mga pwersa sa kalunsuran ay kailangang patuloy na himukin na magtungo sa kanayunan at sumanib sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Ang pagbubukas ng NDFP sa muling pagdaraos ng usapang pangkapayapaan ay alinsunod sa mga rebolusyonaryong prinsipyo at programa ng demokratikong rebolusyong bayan. Ito ay karagdagang larangan ng pakikibaka upang isulong ang interes ng mamamayan, palaganapin ang programa ng pambansa-demokratikong rebolusyon at ilantad ang kawalang interes ng reaksyunaryong estado na itaguyod ang kagalingan ng mamamayan. Ang pagkilos ng daan-daan libong mamamayan sa EDSA at sa buong bansa na nagpatalsik kay Estrada ay babala kay Macapagal-Arroyo na ang bawat kilos at ilalabas nitong patakaran at mga batas ay masugid na babantayan ng mamamayan. Anumang pagyurak sa interes ng masang anakpawis, ang bawat paglabag sa mga demokratikong karapatan, lahat ng pagtataksil sa pambansang interes at pangangayupapa sa interes ng mga dayuhan ay mag-uudyok sa muling pag-aalsa ng mamamayan. ![]()
|
| |||||||||||||||||||||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|