Malawak ang pandaigdigang pagtutol sa pananalakay sa Iraq
Sa halos dalawang taong panunuhol, pambabraso at aktibong pangangampanya ng US, nananatiling manipis ang suporta para sa planong pagsalakay at pagsakop ng imperyalismong US sa bansang Iraq. Sa halip, lalo lamang umigting at lumawak ang kilusan laban sa mapangwasak at mapandambong na patakarang pandigma ng imperyalismong US at lumakas din ang oposisyon maging ng mga alyado nitong gubyerno.
Nagkakandapilipit ang dila ng mga upisyal ng US na bigyang-katwiran ang balak nitong paggera sa Iraq. Pilit ipinawawasak sa Iraq ang di-makita-kita at itinatanggi ng Iraq na mga sandatang may kakayahang pumuksa sa malaking bilang ng mamamayan o weapons of mass destruction. Matapos mabigo ang weapons inspection team ng United Nations na patunayang ang Iraq ay mayroong sandata para sa maramihang pamiminsala, ipinipilit ngayon ng US na ipatanggap ang mga "ebidensya" ng weapons of mass destruction na diumano'y nakuha ng "intelligence" nito bilang "solidong batayan" para sa nais nitong ilunsad na gera.
Malinaw na gumagawa lamang ang US ng mga usapin sa layuning bigyang-katwiran ang pagsalakay nito sa Iraq upang itayo rito ang isang papet na rehimen, kontrolin ang reserbang langis dito at pag-ibayuhin ang kapangyarihan bilang nagsosolong pandaigdigang superpower.
Ipinagmamayabang ng US na hindi nakabatay ang kanyang mga aksyon sa pagsang-ayon ng ibang bansa. Ayon kay Bush, isasagawa ng US ang pagsalakay sa Iraq kahit magsolo ito at anuman ang sabihin ng iba. Tuluy-tuloy nang nag-iipon ang US ng pwersa sa Persian Gulf at sa Kuwait. Sa kasalukuyan, mahigit 70,000 tropang Amerikano na ang naroroon.
Sa harap nito, palawak nang palawak ang pandaigdigang oposisyon ng mga mamamayan at gubyerno sa aroganteng pananagasa ng US sa mga prinsipyo at proseso ng ugnayan ng mga bansa at sa karapatan sa pagpapasya sa sarili ng mamamayang Iraqi. Parami nang parami ang naniniwala na ang US, at hindi ang Iraq, ang nangungunang banta sa seguridad ng mundo at kailangang magdisarma ng sariling weapons of mass destruction.
Dumaraming bansa ang hayagang dumidistansya sa patakarang pandigma ng US at sa walang pag-aatubiling paggamit nito ng kapangyarihang pang-ekonomya, pampulitika at militar upang tiyakin ang mas mahigpit na kontrol sa daigdig bilang nagsosolong superpower. Kabilang sa may malalakas na pagtutol sa paggera sa Iraq ang malalaking bansang myembro ng Security Council ng United Nations, katulad ng Russia, China, France at Germany. Ang mga bansang ito ay may kani-kanya ring interes sa Middle East at nangangambang mapaiilalim sa kapangyarihan ng US ang malaking suplay ng langis na nasa Iraq. Binabalaan ng karamihan ng mga bansa ang US na huwag itong manguna sa UN at unilateral na magdeklara ng gera.
Sa galit sa malakas na pagtutol ng Germany, ihinanay na ito ng US sa anti-imperyalistang Cuba at Libya, bilang mga bansang "di-maaasahan sa gera laban sa Iraq" at nagbanta ang US na pagbabayarin ang mga ito pagkatapos ng gera. Para sa US, ang panibagong hanayang ito ay pumapangalawa sa "Axis of Evil" (o "Sentro ng Kasamaan") na kinabibilangan ng Iraq, Iran at North Korea.
Liban sa Pilipinas at Australia, walang ibang lantaran at masugid na sumusuporta kahit sa hanay ng mga papet at malalapit na alyadong bansa ng US sa Asia-Pacific at Middle East. Iilang gubyerno lamang sa iba pang bahagi ng daigdig ang masugid na sumusuporta sa US. Isa rito ang gubyerno ni Tony Blair sa United Kingdom na mabilis na nahihiwalay sa mamamayang British dahil sa kanyang pakikipagkutsabahan sa US para gerahin ang Iraq.
Sa loob ng US, dumarami ang mga Amerikanong tumututol sa mapandigmang patakarang panlabas ng kanilang gubyerno. Tuluy-tuloy silang naglulunsad ng malalaking demonstrasyon na pumapantay sa mga dambuhalang rali laban sa digmang agresyon ng US laban sa mamamayang Vietnamese noong dekada 1960 hanggang kalagitnaan ng dekada 1970. Aktibo ang iba�t ibang organisasyon at sektor sa pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa ng mamamayang Amerikano laban sa pinakabagong pakana ng US. Tinatapatan nila ang bawat kibot ng mapandigma at mapanupil na patakaran ng gubyernong Bush ng masisigla at buhay na buhay na mga kilos protesta.
Sa iba�t ibang panig ng mundo, mula sa mga lansangan ng Europe hanggang sa Latin America at Asia, milyun-milyong mamamayan ang lumalahok sa mga dambuhalang demonstrasyon upang tutulan ang balak na pananalakay ng US sa bansang Iraq.
Patuloy na lumalawak ang pandaigdigang nagkakaisang prente laban sa arogante at unilateral na pag-aamba ng US ng gera sa Iraq. Nasa gulugod ng mga pagkakaisang ito ang mga proletaryong rebolusyonaryong pwersa na pinakapuspusan sa paninindigang anti-imperyalista at pagtatanggol ng soberanya ng Iraq.
Tahasang kinukundena ng mga anti-imperyalista at rebolusyonaryong pwersa at iba pang mga nagpuprotesta ang mapandigmang patakaran at katangian ng imperyalismong US. Isinisigaw nila hindi lamang ang kanilang pagtutol sa planong pagsalakay sa Iraq kundi pati na ang pagtigil sa lahat ng mga digmang agresyon ng imperyalismong US sa iba�t ibang bahagi ng mundo.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|