|
Gula-gulanit na lambat pangkaligtasan
Upang mag-astang makamasa at mapatahimik ang mga ngangawangawang repormista't kontra-rebolusyonaryong petiburges, nagpatupad ang gubyernong Estrada ng tinaguriang "safety nets", mga hakbang na umano'y magliligtas sa mamamayan sa "negatibong epekto" ng "globalisasyon".
Isa rito ang batas na nagpapataw ng buwis sa mga inangkat na produktong may subsidyo ng pinagmulang bansa upang umano'y ipagtanggol ang mga lokal na produkto sa kumpetisyon. Kalakhan ng mga ito ay mga produktong agrikultural mula sa Europe at United States. Subalit dahil napakababa naman ng buwis na ipapataw, at sadyang napakababa ng presyo ng mga ito, lalabas na mas mababa pa rin ang halaga ng mga ito kaysa lokal na produkto.
Ang ikalawa'y ang Anti-Dumping Act na nagbabawal umano sa pagtatambak ng murang kalakal sa Pilipinas. Papatawan daw ng taripa ang mga kalakal na napatunayang itinatambak sa bansa. Pero bago maideklarang lumalabag ang isang bansa o kumpanya sa batas na ito, aabutin muna ito nang siyamsiyam bago mapatunayang nanganganib ang mga katumbas na lokal na produkto sa itinambak na import.
Mayroon ding mga akademiko at mga nag-aastang progresibo na nananawagan para sa "pantay na kalakalan" o di kaya'y "ekstensyon" ng mga nakatakdang target para sa ganap na liberalisasyon. Nagmumula ito sa hibang na paniniwalang magiging "pantay" ang kalakalan sa pagitan ng mga imperyalista at mga malakolonya kung bibigyan lamang ng panahong "lumago" ang kathang-isip na mga industriya ng huli. Nangangarap silang babangon mula sa palagiang krisis ang Pilipinas nang hindi na dadaan sa rebolusyonaryong pagbabago. Sila'y sadyang nagbibigay ng espesyal na serbisyo sa imperyalismo.
|
|
06 Mayo 2000 Edisyong Pilipino
|
|
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.
AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.
Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here. |
|