Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal: Isang taon ng pagpapahirap at pagmamalupit sa mamamayan

 Read this article in English

Ang unang taon ng rehimeng Macapagal-Arroyo ay kinatampukan ng matarik na pagdausdos ng ekonomya at ibayong paghihirap ng mamamayan, pagsingaw ng malalaking kaso ng korapsyon, papatinding militarisasyon sa maraming lugar sa kanayunan, malalalang paglabag sa karapatang-tao at paglaganap ng matinding disgusto ng mamamayan.

Itinambol ni Macapagal-Arroyo nitong Disyembre na maganda pa rin ang kalagayan ng pambansang ekonomya at na nasa landas ito ng higit pang pagsulong sa susunod na taon. Sa ipinatawag niyang National Socio-Economic Summit nitong Disyembre 10, nilayon niyang pagkaisahin ang mga naghaharing uri para sa higit pang pagpapabwelo ng patakarang "globalisasyon" at bigyang-matwid at ilagay sa unahan ang mga hakbanging militarista sa harap ng nagpapatuloy at papalalang krisis sa bansa.

Subalit hindi mapagtakpan ng walang batayang optimismo ni Macapagal-Arroyo ang tunay na kalagayan ng ekonomya ng Pilipinas. Kinatatampukan ito ng ibayong pagtumal ng produksyong nakatuon sa eksport bunsod ng paglala ng pandaigdigang krisis ng sobrang produksyon. Bagsak ngayon ang pandaigdigang pamilihan ng mga produktong elektronik at pangkompyuter, mga produktong pangunahing inieeksport ng Pilipinas mula sa mga special economic zone (SEZ). Bunsod nito, matarik na bumulusok ang pamumuhunan sa mga SEZ nitong taong 2001 at nagdulot ito ng maramihang pagtatanggal ng mga manggagawa.

Ang malawakang tanggalan sa trabaho ay lalong nagsasadlak sa daan-daang libong manggagawa at kanilang mga pamilya sa mas malalang kahirapan at desperasyon. Samantala, di hamak na kulang ang iniuuwing sahod ng mga manggagawa upang sila at ang kanilang pamilya ay mabuhay nang disente, laluna sa harap ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Dahil dito, malaganap ang panawagan at pakikibaka ng mga manggagawa para sa P125 pangkalahatang dagdag na arawang sahod. Sa kabila ng kakagyatan ng makatarungang kahilingang ito, patuloy na nagmamatigas si Macapagal-Arroyo laban dito. Sa halip na itaas ang sahod, ipinatupad ang P30 palamuting Emergency Cost of Living Allowance, na animo'y nangungutya sa mga manggagawa.

Ipinagmamalaki ng mga ekonomista ng rehimen na malaki ang iniusad ng agrikultura nitong 2001. Subalit ang paglaking ito ng produksyon ay pawang relatibo lamang sa tuluy-tuloy na pagsadsad ng sektor ng agrikultura sa loob ng nakaraang dalawang taon bunsod ng masamang panahon.

Kung tutuusin, ang anumang tinutukoy na pagsulong ng agrikultura nitong 2001 ay mas nasa balangkas ng produksyong pang-eksport at di tumutugon sa mga pangangailangan ng mamamayan, laluna sa usapin ng pagkain. Dahil sa walang-awat na liberalisasyon sa agrikultura alinsunod sa mga dikta ng WTO, papabagsak ang produksyon ng mga esensyal na pangkonsumong produktong agrikultural. Lalong nanganganib ang kaseguruhan sa pagkain ng mamamayang Pilipino. Sa mga nakaraang taon, dumoble ang lawak ng mga lupaing tinatamnan ng mangga, asparagus, saging, pinya at iba pang produktong pang-eksport. Samantala, palaki nang palaki ang kakulangan sa bigas at ang importasyon nito, bunsod ng pagliit ng produksyon nito at liberalisasyon sa importasyon ng mga produktong agrikultural. Minamadali ngayon ang pribatisasyon ng NFA at ng pag-angkat ng bigas. Pati mga magsasaka ng palay ay ineengganyo pa ngayon ng rehimen na mag-import ng bigas! Kaalinsabay nito ang pagbaha sa bansa ng iba't iba pang imported na produktong agrikultural.

Walang isinagawang hakbangin ang gubyerno upang ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. Sa kabilang banda, kasabwat ni Danding Cojuangco ang rehimen sa kanyang malawakang pangangamkam at sapilitang pagpapalit-gamit ng mga sakahang ikinabubuhay ng daan-libong mga magsasaka mula Isabela, Negros at Mindanao. Sa halip na tulungan ang masang magsasaka na palakihin ang kanilang kita, wala ring isinagawang hakbangin ang rehimen tungo sa pagkakamit ng makatarungang pagtataas ng farm gate price (presyo sa bukid) ng mga produktong agrikultural.

Sa harap ng walang kaparis na paghihikahos ng mamamayan, lantaran ang pangungurakot at pagpapakasasa sa karangyaan ng pinakamatataas na upisyal ng gubyerno, kabilang ang pinakamalalapit sa pangulo. Libu-libong kaso ng korapsyon ang nakasampa na laban sa iba't ibang ahensya ng gubyerno. Mismong si Miguel Arroyo, asawa ng presidente, at ang mga myembro ng gabinete na pinakamalalapit sa presidente, tulad ni Sec. Hernando Perez, at mga tagapayo ng presidente, tulad ni Norberto Gonzales, ay sangkot sa mga maa-nomalyang kontrata, panggigipit at mga maniobra sa negosyo, sikretong aregluhan at iba pang kasong kinasasangkutan ng bilyun-bilyong piso.

Malawakang disgusto ang ibinubunga ng krisis pang-ekonomya, ng pagsidhi ng paghihikahos ng mamamayan at ng patuloy na pagyurak ng naghaharing rehimen sa interes ng sambayanan. Patuloy na lumalakas kapwa ang mga pakikibaka ng mga manggagawa at iba pang demokratikong sektor sa kalunsuran; gayundin ang armadong pakikibaka at mga antipyudal na pakikibaka sa kanayunan. Mabilis na sumusulong at lumalakas ang rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa.

Mababagsik na operasyong militar at malaganap na paglabag sa mga karapatang-tao ang tugon dito ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Paghaharing militar ang pinairal sa maraming lugar sa kanayunan sa pamamagitan ng malalaking konsentrasyon a ngt operasyong militar kagyat pagkatapos ng eleksyon noong Mayo. Walang-patid ang militaristang pananalanta mula noon.

Sa lawak, tindi at kalupitan ng pananalasa sa kanayunan, walang pag-aalinlangang nahigitan na ng bagong luklok na rehimeng Macapagal-Arroyo ang pinatalsik na rehimeng Estrada. Ang 544 na naitalang kaso ng paglabag ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa karapatang-tao sa unang 11 buwan nito, kalakhan bunga ng militarisasyon sa kanayunan, ay mahigit sa naitalang 436 na kaso sa huling 11 buwan ng rehimeng Estrada kung kailan lumarga ang todong digma nito sa Mindanao.

Kasunod ng Basilan, natatangi ang tindi ng konsentrasyon ng mga tropa ng AFP at PNP sa Timog Katagalugan, laluna sa Mindoro Oriental, at iba pang lugar na malakas ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Sa mga lugar na ito, walang patumangga ang pananalanta sa masang magsasaka at mamamayang minorya ng walang-rendang hagupit ng hubad na militarisasyon.

Matapos palayain sa Mindoro ang bihag ng BHB na si Army Maj. Noel Buan, pinahirapan ng rehimen ang mamamayan doon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng malawakan, malakihan at tuluy-tuloy na mga search-and-destroy operation, na pinasahol pa ng malaganap na pandudukot, pamamaslang at panliligalig sa mga komunidad ng pinaghihinalaang base ng rebolusyonaryong kilusan. Sa Isabela, inilulunsad ngayon ang pinakamatinding operasyon mula pa noong 1995.

Lalong nakapangyayari ang militaristang patakaran at mga hakbangin ng rehimen sa asal-aliping pagtalima nito sa panawagan at paglulunsad ng US ng imperyalistang gera ng agresyon at terorismo sa Afghanistan. Ang "anti-teroristang" pandirigma ng US ay itinuturing ng papet na rehimen na ginintuang pagkakataon para gawing instrumento ang Pilipinas ng agresyong imperyalista kapalit ng daglingang ito, patudag na ayudang militar at pinansyal.

Todong pagpapakapapet sa imperyalismo at paghahasik ng pasismo sa loob ng bansa ang sagot ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa kalagayang binabayo ang bansa at mamamayan ng napangkatinding krisis. Ang pasistang pagsupil sa mamamayang nag-aalsa dulot ng kahirapan ay ibayong pinagtibay kamakailan nang tukuyin sa Economic Summit na "susi" diumano sa pagbawi ng ekonomya ang pagpapairal ng "kapayapaan at kaayusan".

Patuloy na ginagamit ng naghaharing rehimen ang kontra-rebolusyonaryong dalawahang taktika ng todo-largang mga kampanyang militar laban sa mga erya ng rebolusyonaryoagrikultung pwersa at matinding militarisasyon sa mga rebolusyonaryong baseng masa kasabay ng pag-atras-abante sa usapang pangkapayapaan.

Ang malawak na hanay ng mamamayan, mga panggitnang pwersa, mga taong-simbahan at iba pang nagtataguyod ng kapayapaan ay naggigiit sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan. Tulad ng lumabas sa sarbey ng Social Weather Station noong Nobyembre, malawak ang disgusto ng mamamayan sa pagmamatigas ng rehimen sa usapang pangkapayapaan.

Mainam ang pag-anunsyo ng mga panel ng NDFP at GRP na magpapatuloy na rin ang usapang pangkapayapaan sa Enero 7, 2002.

Upang sumulong ang usapang pangkapayapaan, kinakailangang buuin ang Joint Monitoring Committee para subaybayan ang pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Kagyat na mauumpisahan na ang negosasyon para sa mga sosyo-ekonomikong reporma at mabubuo ang mga kasunduan tungo sa paglutas ng mga saligang suliraning sosyo-ekonomiko ng bansa.

Gayunman, patuloy na nalalagay sa alanganin ang usapang pangkapayapaan dahil sa pangingibabaw ng kapasyahan ng militaristang pangkating pinamumunuan ni Gen. Angelo Reyes. Kinakandili ni Macapagal-Arroyo ang mga militaristang pangkating ito at puspusang sinusuportahan ang pag-iibayo ng mga konsentradong operasyong militar laban sa rebolusyon at mamamayan.

Hinahadlangan ng mga militarista ang pagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng paggigiit ng mga di makatarungang prekundisyon at iba pang sagka. Isinasangkalan nila ngayon ang "gera laban sa terorismo" ng US at pagsali sa BHB ng bagong listahan ng mga itinuturing ng US na mga terorista, samantalang ang BHB ay isang rebolusyonaryo at mapagpalayang hukbong kalaban ng terorismo at ang US pa nga ang siyang numero uno sa lahat ng mga terorista sa daigdig.

May usapang pangkapayapaan man o wala, patuloy na isusulong ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ang buhay-at-kamatayang pakikibaka para pawiin ang ugat ng malawakang paghihikahos at kawalang-katarungan at itatag ang lipunang malaya, makatarungan, maunlad, masagana at nagtatamasa ng tunay at pangmatagalang kapayapaan.

 


 Back to topNext article

Disyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal: Isang taon ng pagpapahirap at pagmamalupit sa mamamayan
National Socio-Economic Summit: Higit pang pasismo at pagtatali ng Pilipinas sa neokolonyalismo [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Special Purpose Assets Vehicle: Pagsagad sa neokolonyal na katayuan ng Pilipinas [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Pambansang badyet para sa 2002: Pondo para sa pasismo at pagpapakatuta [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Krisis sa ekonomya: Ilang mahahalagang datos [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Ang salamangka sa datos sa disempleyo [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Resesyon sa US, Japan at Germany: Krisis sa mga sentro ng kapitalismo [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Danding Cojuangco namamayagpag pa rin: Nakapamamayagpag pa rin si Danding sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Kasunduang SMC-Kirin: Maniobra para konsolidahin ang kontrol ni Danding sa SMC
Pinakamalaki sa kasaysayan ng papet na republika: Danding, nangangamkam ng lupa sa Isabela
Mga Ulat Koresponsal: Rebolusyong agraryo, umaani ng tagumpay sa Isabela
Mga Ulat Koresponsal: Ka Haren at Ka Baste: Rebolusyonaryong kagitingan sa harap ng kaaway
Mga Ulat Koresponsal: Paglilinaw hinggil sa kalagayan ng mga bihag ng digma sa Dulong Timog Mindanao
Pananalanta ng pasistang estado: Labing-isang buwang kalbaryo ng militarisasyon sa kanayunan
Sa suporta ng imperyalismong US: Pinaiigting ang pananalakay ng Israel sa mamamayang Palestino
Bunsod ng napakalubhang krisis: Pag-aalsa, sumiklab sa Argentina
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.