Armadong pakikibaka, umaani ng tagumpay sa buong bansa
Detatsment ng 74th IB, nireyd ng BHB sa Quezon
Matagumpay na nireyd ng Maria Theresa de Leon Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa dulong timog Quezon ang detatsment ng 74th IB sa Barangay Abuyon, San Narciso, Quezon noong Oktubre 4.
Taliwas sa iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP), hindi lamang isang elemento ng CAFGU ang namatay sa reyd. Labing-isang sundalo ang namatay at lima ang nasugatan sa 18 pwersa ng detatsment.
Sa isang bukas na liham noong Oktubre 6, nilinaw ng BHB na taliwas sa iniulat ng militar sa midya, hindi target ng reyd ang kalapit na Keangnam Construction Company. Anang BHB, walang dahilan para parusahan ang naturang kumpanya.
Wala ni anumang pinsalang tinamo ang BHB at wala ring nadamay na sibilyan.
Ayon sa BHB, matagal nang hinihingi ng mamamayan na parusahan ang 74th IB dahil sa mga krimen nito laban sa mamamayan ng Bondoc Peninsula.
Chief of Police, pinarusahan sa Occidental Mindoro
Pinarusahan noong Oktubre 17 ng anim-kataong tim ng BHB si SPO4 Christopher Pacaul, hepe ng Philippine National Police (PNP) sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro. Dito nagwakas ang kanyang mahabang rekord sa mga paglabag sa karapatang-tao. Nakumpiska kay Pacaul ang kanyang 9 mm na pistola.
BHB, tagumpay sa kontra-ambus laban sa RHB
Anim na tauhan ng bandidong Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB) ang patay sa isang kontra-ambus ng BHB noong gabi ng Oktubre 17 sa Kalagiman, Samal, Bataan. Naunang pumusisyon ang 15 kataong yunit ng RHB sa isang kubong dadaanan ng sasakyan ng mga kasamang nagmula sa pakikipagpulong sa masa sa baryo. Bilang hakbanging kontra-ambus, hindi kaagad sumakay ang mga kasama at sa halip ay tumawid sa pilapil patungo sa likod ng kubong pinusisyonan ng RHB.
Bagamat naunang nakapamutok ang RHB, mabilis na nakakontra ang mga kasama. Walang nasaktan sa panig ng BHB. Tumagal ang labanan nang 30 minuto.
Kinabukasan, muling nanindak ang RHB sa mga tagabaryo. Subalit harapan silang itinakwil ng masa na nagsabing ang Partido at BHB lamang ang tangi nilang susuportahan.
Aksyon laban sa mapaminsalang pagku-quarry sa Bulacan
Kumilos ang BHB laban mga mapaminsalang negosyong sand quarry (paghahakot ng buhangin at graba mula ilog) sa Ilog Angat sa silangang Bulacan noong Setyembre 25. Winasak ng mga Pulang Mandirigma ang malalaking kagamitan sa pagku-quarry, kabilang ang mga buldoser at crane.
Mahigpit na tinututulan ng mamamayan ng Angat ang pagku-quarry. Ito ay dahil sa pagkatuyo ng pinanggagalingan ng tubig para sa libong ektaryang mga sakahan at para sa inumin ng libu-libong pamilya sa lugar.
Hindi inihinto ang pagku-quarry sa kabila ng paulit-ulit na mga petisyon at kilos protesta ng masa.
Kasabwat ng mga kapitalista ng quarry ang lokal na mga upisyal ng gubyerno. Wala nang ibang masulingan ang masa kundi ang BHB na maagap namang tumugon sa kanilang panawagan.
Samantala, matagumpay na sinalakay ng BHB ang himpilan ng 306th Provincial Mobile Group (PMG) sa Sampaloc, San Rafael, Bulacan noong Setyembre 30.
Maghahating-gabi nang sorpresahin ng mga Pulang mandirigma ang mga nagsusugal na tauhan ng PMG. Hindi bababa sa anim na pulis ang sugatan sa reyd.
Isinagawa ang pagsalakay bilang kaparusahan sa mahabang listahan ng karahasan at pamiminsala sa mamamayan ng naturang tropa ng pulisya sa pamumuno ng sabwatang Col. Fernando Villanueva at Gob. Josie dela Cruz.
7 Armas, nakumpiska sa Samar
Nakumpiska ng BHB ang dalawang M16, limang .45 pistola, mga magasin at bala sa tatlong magkakahiwalay na opensibang inilunsad sa Samar noong Agosto at Setyembre. Tinarget ng mga operasyong ito ang PNP at Engineering Battalion ng Philippine Army.
Ang naturang mga opensiba ay inilunsad ng Sergio Lobina Command sa Barangay Natividad, San Policarpio, Eastern Samar; sa Bugtong, Tinambacan District, Calbayog City; at Barangay Dolores, Las Navas, Northern Samar.
Kampo ng kriminal na meyor sa Abra, sinunog
Sinunog ng mga mandirigma ng BHB-Agustin Begnalen Command, ang kampo ni Meyor Clarence "Boyet" Benwaren, isang kilalang kriminal na warlord sa Tineg, Abra. Isinagawa ang pagsunog ng dalawang maliit na gusali at tatlong kubo noong Setyembre 12 bilang pagparusa sa labis na pagmamalupit ng pamilyang Benwaren sa taumbayan.
Ang kampong Ben's Vera ay nagsisilbing taguan ng mga armadong tauhan ng mga Benwaren, ng mga tropa ng Philippine Army at ng mga military intelligence agent. Ginagamit din ito sa iligal na pagtotroso ng pamilyang Benwaren at mga elemento ng 17th IB.
Si Benwaren ay pinatay nitong Oktubre 29 sa Calauan, Laguna ng mga lalaking pinaniniwalaang inutusan at binayaran ng mga kalaban niya sa pulitika.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|