Balita
Amerikanong upisyal, namataan sa Bikol
Namataang umiikot sa mga sonang gerilya sa Bikol si US Army Maj. Jeffrey D. Antonio. Bahagi ito ng paghahanda sa Bikol bilang eryang pagsusubukan ng mga konsepto at taktikang kontra-gerilya na gustong ipatupad ng US sa Pilipinas.
Tiniyak ng mga pwersa ng 203rd, 901st at 902nd Brigade ang seguridad ni Maj. Antonio sa pag-ikot sa mga lugar na balak pagdausan ng inihahanda umano niyang �US-RP humanitarian assistance" sa rehiyon. Kaugnay nito, naglunsad ng malawakang clearing operations ang mga naturang tropa ng AFP.
Dalawang araw matapos ang naturang �pagbisita�, inilunsad ang unang Regional Area Coordinating Center ng KALAHI (Kapit Bisig Laban Sa Kahirapan). Taliwas sa pangalan ng programang ito, ang pangunahing layunin at kabuuang nilalaman nito ay ang pagkokoordina at pagkukumbina ng militar, pulis at burukratikong makinarya gayundin ang inisyatibang pampropaganda at diplomatiko para sa isang kumprehensibong programang �kontra-insurhensya�. Bahagi ito ng National Internal Security Plan na binuo ng Cabinet Oversight Committee on Internal Security ng Malakanyang. Kabilang sa �diplomatikong� inisyatiba ang itinatayo sa Bikol na �US-RP humanitarian assistance.�
Welga sa Central Azucarera de Tarlac, tagumpay
Naipanalo ng 661 welgista noong Pebrero 27 ang halos lahat ng kanilang hinihiling sa nagmamay-ari ng Hacienda Luisita at Central Azucarera de Tarlac (CAT) pagkatapos ng anim na araw na welga.
Pangunahin sa mga nakamit ng mga manggagawa ang pagbabalik ng mga benepisyong medikal para sa mga kasapi ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (CATLU); kagyat na pagtatalaga ng mga regular na empleyado sa mga nabakanteng pusisyon; at pagpaparegular sa mga seasonal na manggagawang nakapagtrabaho na nang anim na buwan.
Sinuportahan ang CATLU ng mga kasapi ng Kilusang Mayo Uno-Nagkakaisang Manggagawa ng Tarlac (KMU-NMT).
Ang Hacienda Luisita at CAT ay pag-aari ng magkakapatid na Cojuangco, kabilang si dating Presidente Corazon Aguino at dating Cong. Jose Cojuangco, Jr., na ngayon ay isa sa mga tagapayo ni Macapagal-Arroyo.
Pakikibaka sa Lepanto Mines, panalo
Nagtagumpay ang welga ng mga manggagawa sa Lepanto Consolidated Mining Company (LCMC) nitong Marso 2 nang pumayag ang maneydsment na pabalikin sa trabaho ang 24 sa 42 lider ng unyon na pinatalsik ng LCMC (ang natitirang 18 ay kusa nang umalis sa LCMC pagkatapos makatanggap ng separation pay at iba pang benepisyo).
Bago ito, ilang beses na inatake ng mga pulis ang piketlayn sa tangkang buwagin ang welga. Dalawampu't anim na welgista ang inaresto, isa ang inatake sa puso at namatay dahil sa gitgitan sa piketlayn at marami ang pinagbubugbog nang salakayin ng mga pulis ang hanay ng mga welgista noong Pebrero 8, 18 at 19.
Inilunsad ng mga manggagawa ang welga noong Pebrero 1 para labanan ang sapilitang pagpapatrabaho kahit Pasko, ang mas mahabang araw ng paggawa at pagdaragdag ng mga manggagawang kontraktwal. Ang welga ay sinuportahan ng Cordillera Peoples Alliance, Kilusang Mayo Uno at Dinteg-Cordillera Human Rights Organization.
Ang LCMC ang isa sa pinakamalalaking prodyuser ng ginto at tanso sa bansa at may 2,586 na pwersa sa paggawa. Kumikita ito ng $47 milyon (mahigit P2.54 bilyon) bawat taon sa pag-eeksport ng mga mineral.
Transportasyon sa Pampanga, Bulacan at Negros, paralisado sa mga welga
Paralisado ang pampublikong transportasyon sa Pampanga nitong Marso 4 at sa Bulacan noong Pebrero 24 dahil sa malawakang welga ng ilang libong drayber ng dyip at traysikel upang tutulan ang sobrang taas ng singil para sa pagpapasuri ng kanilang mga sasakyan sa ilalim ng Clean Air Act. Tinutulan din nila ang patuloy na pagtaas sa presyo ng langis.
Sa Pampanga, paralisado ang 90% ng transportasyon sa buong Angeles City at mula sa syudad patungong Mabalacat at Tarlac. Paralisado rin ang 70% ng transportasyon sa San Fernando.
Sa Bulacan, nagbarikada ang mga drayber sa Malolos City, Meycauayan, Baliuag, Plaridel, Pulilan at Sta. Maria.
Natigil din ang halos 95% ng transportasyon sa Negros Occidental at ilang bahagi ng Negros Oriental noong Pebrero 20-21 nang magwelga ang mga kasapi ng United Drivers-Operators Center (UNDOC) sa Bacolod City para tutulan ang Clean Air Act.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|