Pangunahing biktima ng kagutuman ang maralitang kababaihan
Ang kababaihan ang pinakamatinding binibiktima ng laganap na kagutuman ngayon sa bansa. Pangunahing dahilan ang kanilang karalitaan. Salik din ang mas mababang turing ng bulok na lipunan sa mga babae.
Habang ang mga babae ay sangkot din sa produksyon ng pagkain at siyang nagluluto at naghahain, agrabyado sila sa dami at sustansya ng kanilang kinakain.
Sa pagkabata pa lamang ay litaw na ang pagkaagrabyado ng kababaihan. Ayon sa isang Young Adult Fertility and Sexuality Study noong 1994, aabot sa 6% ng mga batang babaeng Pilipino ay anemic kumpara sa 1% lamang ng mga batang lalaki. Karaniwang dahilan ng anemia ay kakulangan sa sustansyang iron.
Walang malaking ipinagbago ang kalagayan ng mga batang babae mula noon. Noong 1998, mas mataas nang 2% ang bilang ng mga batang babae na edad 0-5 taon na namamatay kumpara sa mga batang lalaki. Noong 2001, mas maraming batang babae na edad 0-5 taon din na kulang sa timbang kumpara sa mga batang lalaki. Sa pag-aaral sa isang barangay sa Puerto Princesa, Palawan noong 2002, natuklasan na 35.6% ng mga batang babaeng nasa gayong edad ang malnourished kumpara sa 14.7% ng mga batang lalaki. Karaniwang dahilan nito ang nakagawiang pagbibigay-prayoridad sa pagpapakain nang mas marami sa mga batang lalaki kaysa sa mga babae, lalupa't walang sapat na pagkain para sa buong pamilya. Sa ibang pagkakataon, pinakakain muna ang mga lalaking bata at nasa edad, at pinagtitiyagaan na lamang ng mga babae sa pamilya ang anumang tira nila.
Ito at ang kakulangan ng iba pang sustansya sa pagkabata pa lamang ay nagiging sanhi ng pagiging masasakitin ng malaking bilang ng mga babae pag-edad nila. Dahil dito, sila ay nagbubuntis at nagluluwal ng masasakitin ding mga sanggol. Tatlumpu't anim sa bawat 1,000 sanggol na isinisilang sa Pilipinas ang namamatay bago sila umabot ng isang taong gulang, isa sa pinakamataas na tantos ng infant mortality sa buong mundo.
![](../../angbayan/images/050307/womenpoo.gif)
Napakabulnerable ng kalusugan ng mga babaeng nagdadalantao sa Pilipinas. Noong 2000, may abereyds na sampung babae ang namamatay bawat araw dahil sa iba't ibang dahilang may kaugnayan sa pagbubuntis at panganganak. Ito pa rin ang nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga babae sa bansa. Aabot naman sa 43.9% ng mga buntis at 42.2% ng mga nagpapasusong ina ang may iron deficiency anemia. Ang malalang anemia ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga babaeng nanganganak. Ang anemia naman sa mga nagpapasusong ina ay salik sa pagiging sakitin din ng kanilang pinasususong sanggol.
Sa pangangalaga ng pamilya, kadalasan ang kababaihan ang nagsasakripisyo nang malaki habang pilit nilang pinagkakasya ang kakarampot na kita ng pamilya. Nariyang magtiis na lang sila sa ilang higop ng malabnaw na kape, mapakain man lamang ng instant noodles ang kanilang mga anak. O kaya'y sa taas na rin ng presyo ng instant noodles ngayon, kung minsa'y toyo, bagoong o kahit asin ay ipinauulam na rin nila. Padami nang padami ang ganitong kaso, lalupa't ayon sa isang pag-aaral noong 2001 pa lang ay mahigit 40% na ng mga pamilyang may pinakamabababang kita sa Metro Manila ang nag-uulam ng ganito.
Sa kabila nito, ni wala sa prayoridad ng gubyernong Arroyo ang pag-aalaga sa kalusugan ng maralitang kababaihan at mga bata. Isa ang kalusugan sa tumatanggap ng pinakamababang halaga sa badyet ng gubyerno sa 2005. Pinaglaanan lamang ng P10.3 bilyon ang Department of Health, ikapito sa siyam na departamento ng gubyerno. Kumpara rito, P301.7 bilyon ang inilaan sa bayad-utang.
Ayon din sa isang ulat ng World Bank, 0.6% lamang bawat taon ang ibinababa ng bilang ng mga batang edad 0-5 taon na may malnutrisyon � mas mabagal kaysa sa nagagawa ng Cambodia, Laos at Burma, na ilan sa pinakamahihirap na bansa sa Southeast Asia.
Malala pa rito, sarisari pang pabigat na buwis ang ipinapataw ng rehimen, na makapagpapataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain, at tiyak na makapagpapalala sa suliranin ng kagutuman at malnutrisyon, laluna sa hanay ng maralitang kababaihan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|