Pang-uupat ni Bush ng gera sa Iraq, umaani ng batikos
Hindi maituluy-tuloy ni Pres. George W. Bush ng US ang kagyat na pag-atake sa Iraq, isa sa mga bansang itinuturing nitong bahagi ng "axis of evil". Dulot ng kabi-kabilang batikos, napilitan si Bush na magdeklara nitong Agosto 10 na wala itong "napipintong planong pandigma".
Gayunpaman, hindi tumitigil ang pang-uupat at pagpopostura ng mga militarista sa kanyang gabinete � ang paksyong pinakamalapit sa kanya at nagtataguyod ng kanyang mga patakaran. Hindi rin nito iniaatras ang posibilidad ng paglulunsad ng US ng digmang agresyon laban sa Iraq sa hinaharap. Sa loob mismo ng US, hindi sumasang-ayon ang ilang mga mambabatas sa kongreso at senado at maging ang ilang mga tauhan sa loob ng gabineteng Bush. |
Walang maibigay na sapat na dahilan ang US upang digmain ang Iraq. Noong 1991, ginamit ng US ang pagsalakay ng Iraq sa Kuwait upang bigyang-katwiran ang inilunsad nitong digma. Ngayon, kung anu-ano nang dahilan ang inimbento ni Bush at mga kapwa militarista upang bigyang-katwiran ang binabalak na panibagong pagsalakay sa Iraq. Nariyan ang pagsasabing gumagawa at nagpaparami ang Iraq ng weapons of mass destruction (mga armas na may kakayahang pumuksa ng malaking bilang ng tao), ang "demonyong" katauhan ni Pres. Saddam Hussein ng Iraq at ang paulit-ulit na pag-uugnay ng Iraq sa al Qaida. Nitong huli, pinalalaganap ng militar ng US ang balitang itinatago at kinakanlong umano ng Iraq ang ilang myembro ng al Qaida.
Sa harap nito, patuloy na tumatangging magbigay ng suporta ang pinakamahahalagang alyado ng US sa Middle East. Tumatanggi ang Saudi Arabia na gamitin ng US ang kanilang lupain bilang lunsaran ng digma. Mas aktibo naman ang Jordan sa paghimok ng pagtutol sa mga planong militar ng US.
Gayundin, umaalma ang mga alyado nito sa Europe. Pinakamaingay si Chancellor Gerard Schroeder ng Germany. Direktang nagbabala si Schroeder na wawasakin ng mga planong pandigma ng US ang internasyunal na koalisyong "kontra-terorismo" at magdudulot lamang ito ng walang kapantay na kaguluhan sa Middle East. Hindi man maingay si Prime Minister Tony Blair ng United Kingdom na siyang pinakatapat na tagasunod ni Bush, hindi nito maiwasan ang pagbatikos at presyur mula sa sariling parlamento. Sa loob mismo ng US, hindi sumasang-ayon ang ilang mga mambabatas sa kongreso at senado at maging ang ilang mga tauhan sa loob ng gabineteng Bush. Binabatikos at tinututulan rin ito ng United Nations.
Ang lahat ng direkta at di direktang banta ng US ay matatag na hinaharap ng Iraq. Tinitiyak ng mamamayang Iraqi na puspusan nilang lalabanan ang digmang agresyon ng US at tiyak itong mabibigo, katulad ng pagkabigo ng Operation Desert Storm noong 1991. Ayon kay Saddam Hussein, kung sasalakayin ng US ang Iraq, "papasanin ng mga pwersa ng kasamaan ang kanilang mga kabaong tungo sa kahiya-hiyang kabiguan."
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|