Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

San Roque Multipurpose Dam Project:
Dambuhalang pahirap sa mamamayan

 Read this article in English

Milyong mamamayan ang malalagay sa panganib sa konstruksyon ng San Roque Multipurpose Dam Project (SRMDP). Mahigit 2,300 pamilya, na karamiha'y mga minoryang Ibaloi, ang kagyat na palalayasin at mawawalan ng kabuhayan at tahanan bunga ng proyekto. Humigit-kumulang 18% na sa mga pamilyang ito ang sapilitang itinulak ng gubyerno sa katayuang pulubi noong isang taon. Wawasakin ng proyekto ang 39,504 ektarya ng watershed areas na pinagkukunan ng kabuhayan ng 150,000 katao sa San Nicolas at San Manuel sa Pangasinan at Tuba at Itogon sa Benguet. Proyekto itong ibayong nagbabaon sa Pilipinas sa pagkakautang.
Ilan lamang ito sa epekto ng SRMDP na siyang itinuturing ngayon ng rehimeng Estrada bilang monumento ng bagong milenyo sa Pilipinas.

Ang SRMDP

Mayroong 718 dam na balak itayo sa Pilipinas. Sampu rito ay sa Cordillera, kabilang ang SRMDP na siyang pinakamalaking proyektong pang-imprastruktura sa Pilipinas sa ngayon. Itinatayo ito sa hangganan ng Pangasinan at Benguet. Ito ang ikatlong dam sa Ilog Agno matapos ang Ambuklao Dam (1956) at Binga Dam (1960). Aabot sa 200 metro ang taas ng SRMDP (pinakamataas sa buong Asia) na may mahigit isang kilometro ang haba at lawak na 13 kilometro-kwadrado. Ika-11 pinakamalaking dam ito sa buong daigdig at ikatlo sa buong Asia. Ito ngayon ang pinakamalaking pribadong hydroelectric power project sa buong mundo.

Noong Disyembre 1997 pormal na sinimulan ang proyekto nang mabuo ang kasunduan sa pagitan ng National Power Corporation (NAPOCOR) at ng San Roque Power Corporation (SRPC), ang korporasyong nangangasiwa sa konstruksyon at sa pag-opereyt ng dam.

Isang malaking konsorsyum ang SRPC. Binubuo ito ng Marubeni Corporation ng Japan, Sithe Philippines Holdings (isang dibisyon ng Sithe Energies ng US, kung saan 29% ng stocks ay pag-aari rin ng Marubeni Corp.) at ng Kansai Electric Power Company ng Japan din.

Ang Raytheon Engineers and Contractors ng US ang nakakuha ng $700 milyon na kontrata para sa konstruksyon ng proyekto na may kabuuang halagang $1.9 bilyon. Tulad ng bisyo ng reaksyunaryong gubyerno, utang sa dayuhan ang pondo sa proyektong ito. Nakapangutang na ng mahigit $1.5 bilyon mula sa iba't ibang monopolyong bangko at may negosasyon na ring ginawa ang gubyerno para sa pagkumpleto sa pondong kailangan.

Noong Mayo, 40% na ang tapos sa proyekto. Tinatarget na tapusin ito sa 2004, ang huling taon sa panunungkulan ni Estrada.

Maanomalya ang kontratang pinasok ng gubyerno sa SRPC. Maaaring abandunahin ng SRPC ang proyekto oras na matantyang hindi ito tutubo ng limpaklimpak na salapi sa kontrata. Mayroon o walang malikhang elektrisidad, pwersadong magbayad ang gubyerno ng $10 milyon buwan-buwan.

Malaking pinsala rin ang idudulot sa kapaligiran ng Pangasinan na siyang paghuhukayan ng buhangin at graba para sa konstruksyon ng dam.

Kung pangangailangan sa elektrisidad ang usapin, hindi na kailangan pa ang konstruksyon ng dam. Ayon sa NAPOCOR Employees & Workers Union sa Hilagang Luzon, mayroon pang 2,000 megawatts na reserbang kapasidad ang NAPOCOR para sa Luzon grid o halos sangkatlo ng pambansang pangangailangan sa elektrisidad. Bukod pa rito, makalikha man ng elektrisidad ang dam, masyadong magiging napakataas ng halaga nito kumpara sa kasalukuyang ibinabayad ng NAPOCOR sa mga independent power producer.

Para kanino?

Noong Pebrero 1998, sinimulang palayasin ang mamamayan sa paligid ng lugar ng konstruksyon. Biktimang muli ang mga minoryang Ibaloi sa Benguet na tinakot at nilinlang para mapalayas sa lupang malaon na nilang binubungkal. Bago matapos ang proyekto, tinatayang 61,700 katao ang mapalalayas sa lugar. Samantala, 1.5 milyong mamamayan ang lulunurin ng dam sa mga prubinsya ng Pangasinan, Nueva Ecija at Tarlac sakaling magkaroon ng butas, biyak o pagawas ang dam, kabilang ang 61,400 mamamayan sa munisipalidad ng San Manuel at San Nicolas sa Pangasinan.

Mahina rin ang pundasyon ng SRMDP dahil itinatayo ito sa saklaw ng Digdig at San Manuel Fault Lines. Napakataas ng posibilidad ng malawakang pagguho ng lupa bunga nito. Hindi rin makakayang pigilin ng dam na ito ang malakas na pagbaha.

Malinaw na isinasakripisyo ng gubyerno ang buhay, ari-arian at kabuhayan ng mamamayan matuloy lamang ang proyekto. Ang SRMDP ay proyekto para sa interes ng mga dayuhang korporasyon sa pagmimina, sa SRPC para sa pagkakamal ng milyun-milyong tubo, sa mga dayuhang bangkong tumutubo sa pagpapautang, sa mga special economic zone, sa mga agro-industrial estate at sa mga ahente ng naghaharing uri na tumatabo ng limpak-limpak na salapi sa pagsasara ng multimilyong kontratang pang-imprastruktura.

May partikular na halaga ang SRMDP para sa mga multinasyunal na korporasyon sa pagmimina. Bukod sa pakinabang sa elektrisidad, sa dam na ito padadaluyin ang basura sa pagmimina (mine tailings) ng mga korporasyon upang makaligtas sa malaking gastos. Isa na sa mga kumpanyang ito ang Western Mining Corporation ng Australia na kasalukuyang may proyekto sa pagmimina sa Tubo, Abra. May aplikasyon na rin ang Newmont Mining Co. para sa pagmimina ng ginto sa hangganan ng Benguet, Nueva Vizcaya at Pangasinan. Mayroon itong aplikasyon para sa 100,000 ektaryang lupain na kagyat na kanugnog ng itinatayong dam. Ang Newmont ang pinakamalaking kumpanya sa pagmimina ng ginto sa US.

Tuloy ang laban

Noong 1970, matagumpay na ipinahinto ng mga pambansang minoryang Ibaloi ang pagtatayo ng Agno III na kalauna'y tinawag na Tabu Dam. Iniatras ni Marcos ang proyekto dahil sa lakas ng paglabang ipinakita ng mamamayan sa dam. Noong 1980, mariin ding tinutulan ng tribung Butbut sa Kalinga, sa pamumuno ni Macli-ing Dulag, ang pagtatayo ng Chico Dam.

Sa kasalukuyan, 20,000 organisadong Ibaloi ang tumututol sa pagtatayo ng SRMDP. Sinusuportahan sila ng mga progresibong organisasyon at indibidwal sa loob at labas ng bansa. Kabilang sila sa libu-libong mamamayang nagmartsa sa Lunsod ng Baguio at Makati noong Marso 14. Kaalinsabay nito ang paghahapag sa gubyerno ng Japan ng isang petisyong nilagdaan ng 77 grupo ng mamamayan at 12 myembro ng parlamento ng Japan at 500 indibidwal mula sa 26 na bansa, bilang pagsuporta sa mamamayang Pilipinong tutol sa pagtatayo ng dam.

Pansamantalang itinigil ng Japan ang paglalabas ng pondong inuutang ng gubyerno ng Pilipinas para sa proyekto. Subalit ang rehimeng US-Estrada ay nagdeklara na itutuloy ang proyekto anuman ang mangyari bilang pagsunod sa kapritso ng mga dayuhang amo nito.

Kaisa ng mamamayan ang Partido, Bagong Hukbong Bayan at buong rebolusyonaryong kilusan sa paglaban sa SRMDP. Hawak natin ang mga aral ng tagumpay ng pakikibaka laban sa Tabu at Chico Dam. Kung buong panggigigil na iniaanunsyo ni Estrada na itutuloy ang proyekto sa kahit ano pang paraan, lalong dapat panghawakan ng mamamayan ang armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng paglaban. Sa pagsusulong lamang nito makakamit ang dambuhalang tagumpay ng bayan at maitatayo ang tunay na monumento ng kasaysayan.

 


Previous articleBack to topNext article

Hulyo 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ang pagsidhi ng mga pasistang atake ay tanda ng lalong pagkabulok ng rehimeng US-Estrada

Panukalang "emergency powers" ni Estrada:
Salamin ng lumulubhang krisis sa paghahari ng rehimen

Tumitinding pasismo sa Metro Manila
Pasismo laban sa mga manggagawa ng LRT
Malisyoso ang SOMO ng Hulyo 22
502th Brigade Salot!
Pagdukot at iligal na pagbimbin kina Nomer Kuan at Romeo Sanchez
Programang pabahay ng rehimeng US-Estrada:
Panlilinlang at pandarahas sa mga maralita sa Metro Manila

Katarungan para sa mga biktima ng Payatas!
San Roque Multipurpose Dam Project:
Dambuhalang pahirap sa mamamayan
Mga aral ng pakikibaka sa Hacienda Looc
Ang iskwad-pangkultura ng Timog Katagalugan:
Tagapamandila ng rebolusyonaryong sining

Sa panahon ng "walang kaparis na kasaganaan" sa US:
Kaapihan at pagkadusta ng mga manggagawa at mamamayang Amerikano

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.