Nagngingitngit na galit laban sa gubyernong US at UK
Nagngingitngit ang galit ng dumaraming Muslim at iba pang mamamayan ng daigdig sa walang patumangga, arogante at ipokritong digmang agresyon na inilulunsad ng US at United Kingdom laban sa mamamayan ng Afghanistan. Sa iba�t ibang bahagi ng daigdig, tuluy-tuloy ang buhos sa lansangan ng malaking bilang ng mamamayan upang kundenahin at tutulan ang digmang agresyong ito. Sa sobrang galit, daan-daan libong Muslim na ang nagpahayag ng kahandaang makipagdigma laban sa US.
Nitong Oktubre 15, sinalubong ng mga nagpuprotesta si Colin Powell, secretary of state ng US, nang bumisita ito sa Pakistan upang "palakasin" ang relasyong US-Pakistan. Sa mga syudad ng Karachi at Quetta, puu-puong libo ang nagprotesta kabilang ang mga estudyante, negosyante at iba pang panggitnang pwersa.
Sa ibang bahagi ng Pakistan, libu-libo ang nagpuprotesta araw-araw upang ipakita ang kanilang galit sa US at sa papet na gubyerno ni Mussharaf. Kadalasan, nauuwi sa madudugong kumprontasyon ang mga demonstrasyon kung saan marami ang namamatay at mas marami pa ang inaaresto. Mayroong direktang utos si Mussharaf na barilin ang sinumang magiging "marahas" sa hanay ng mga nagpuprotesta. Inaresto na rin nito ang lider ng Islamic Party at kinasuhan ng "pagtataksil sa bayan".
Mula sa Indonesia at Bangladesh, hanggang sa Palestine, Egypt, Sudan, at Kenya, bumubuhos sa lansangan ang kabataang Muslim upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa agresyon ng US at kahandaang lumahok sa jihad upang ipagtanggol ang kanilang relihiyon at mga kapatid na Muslim.
Sa Egypt, 20,000 estudyante ang lumabas sa kani-kanilang mga unibersidad dala-dala ang mga plakard na nagsasaad ng kanilang pagkamuhi sa US. Ilandaang estudyante rin ang nagsagawa ng protesta sa harap ng parlamento ng Indonesia. Ang mga nagpuprotesta, na karamihan ay nakabelong kababaihan, ay dinispers ng pulisya sa pamamagitan ng pagpapasabog ng tirgas. Dahil sa matinding protesta, umatras na mula sa todo-suporta sa gera ng US si Megawati Sukarnoputri, presidente ng Indonesia.
Nagsagawa rin ng mga protesta ang mga Muslim sa Malaysia, Pilipinas at Thailand. Sa Bangladesh, pumutok ang mararahas na demonstrasyon sa iba�t ibang bahagi ng bansa. Harapang nagpapahayag ng pagtutol sa agresyon ng US ang ilang myembro ng parlamento. Sa Oman, nagtungo sa lansangan ang mga estudyante upang ipanawagan sa mga bansang Arabo at Islamiko na itigil na nila ang pagbibigay ng tulong sa US.
Sa Africa, inilunsad ang mga anti-US na protesta sa Sudan, Nigeria at Kenya. Naging marahas ang mga demonstrasyon at nagresulta ito ng pagkamatay ng daang katao at pag-aresto ng marami pa.
Sa US at iba pang panig ng mundo
Bago pa man nagsimula ang pambobomba, nagrali na ang mamamayang Amerikano sa Los Angeles (20,000), Washington (20,000) at daan libong mamamayan sa San Francisco sa ilalim ng koalisyong Act Now To Stop War and End Racism (ANSWER). Kabilang sa ANSWER ang Bagong Alyansang Makabayan-USA. Ilang libo rin ang nagrali sa Canada, Australia, UK at iba pang bahagi ng mundo, kabilang ang Pilipinas upang ipanawagan kay Bush na itigil na nito ang kanyang jingoismo.
Sa New York, lugar na pinangyarihan ng mga teroristang atake, nagmartsa ang 10,000 katao noong Oktubre 7, unang araw ng pambobomba ng US sa Afghanistan. Sa araw ding iyon, 5,000 ang nagmartsa sa sentro ng San Francisco at sa loob ng sumunod na 48 oras, ispontanyong nagpahayag ng galit at pagtutol ang libu-libong mamamayang Amerikano sa mga lansangan at unibersidad sa iba�t ibang bahagi ng US. Nitong Oktubre 8, naglunsad ng martsa sa Athens at Thessalonica, Greece ang may 6,000 katao.
Mula Oktubre 11-16, inilunsad ng iba�t ibang grupo sa Florida, Massachussetts at California sa US, Canberra sa Australia, Tokyo at Hiroshima sa Japan ang serye ng mga kilos-protesta laban sa agresyon ng US at pangkalahatang estratehiyang militar nito.
Nitong Oktubre 13, sa London (UK), 50,000 katao ang nagmartsa sa mga lansangan habang 75,000 naman ang nagrali sa Germany sa ilalim ng bandilang "No war�stand up for peace" (Walang digmaan�manindigan para sa kapayapaan).
Nitong Oktubre 14, inilunsad ang pinakamalaking aksyon-protesta sa loob ng isang dekada sa Italy laban sa agresyon ng US at pagsuporta rito ng kanilang presidente. Umabot sa 150,000 mamamayan ang nagmartsa sa kahabaan ng 24-kilometrong lansangan mula sa syudad ng Perugia hanggang Assisi. Dala-dala ang mga anti-gerang plakard, ipinahayag nila ang kanilang pagkundena at pagtutol sa pamamagitan ng mga islogan at kanta.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|