Muling paglulunsad ng mga taktikal na opensiba ng BHB sa Negros
Sinalubong ng BHB sa Negros ang bagong milenyo sa pamamagitan ng paglulunsad ng matatagumpay na taktikal na opensiba laban sa mga pasistang tropa at armadong goons ng mga reaksyunaryong kaaway.
Natupad ang kaytagal nang hinahangad ng mamamayan at rebolusyonaryong pwersa mula pa noong 1994-99!
Nitong Pebrero 5, isang sundalo at anim na elemento ng Civilian Armed Auxilliary (CAA) ang inambus ng yunit ng BHB sa Namolo 2, Barangay Santol, Binalbagan, Negros Occidental bandang 5:15 ng hapon. Napaslang si Cpl. Domingo Romero ng 11th IB at dalawang CAA. Isang CAA ang sugatan at tatlo ang hinayaang makatakas.
Nagulantang at hindi nakapanlaban ang kaaway. Lasing sila habang naglalakad mula sa sugalang kunwa'y pinoproteksyunan nila subalit kinikikilan tuwing Sabado. Apat na M14 at mga bala ang nakumpiska mula sa 10- minutong engkwentro.
Ang inambus na yunit ay bahagi ng mga tropa ng detatsment ng mga sundalo sa Tilangkoy na ginagamit ng mga warlord gaya ni Alfredo Montelibano Jr. Ang yunit ay kinakanlong ni Montelibano upang manligalig sa mga magbubukid sa lugar.
Nitong Enero 11, bandang 11:30 ng umaga, matagumpay na dinis-armahan ng isang yunit-gerilya ang pribadong goons ng despotikong mangangamkam ng lupang si Mr. Yap ng Guihulngan, Negros Oriental. Hindi nakapanlaban ang mga maton. Isang de-sabog at apat na .38 ang kinumpiska mula sa kanila.
Ipinapakita ng mga tagumpay na ito na tanging sa armadong pakikibaka epektibong nalalabanan ang pinaiiral na "kapayapaan" ng mga reaksyunaryo. Sa Negros, ang mga reaksyunaryo ay kinakatawan pangunahin ng paksyong Cojuangco. Ang alyansa ng Cojuangco-Maranon-Zayco sa ilalim ng United Negros Alliance (UNA) sa Negros Occidental at ang kasabwat na paksyong Paras sa Negros Oriental ay isang alyansa ng mga kroni ni Marcos, warlord at druglord na naglalayong maghari sa lokal na ekonomya at pulitika. Ang promosyon ng berdugong kumander na si Julius Javier bilang pinuno ng 3rd ID at ang pagbabalik niya sa dating kumand ng kriminal na batalyong 11th IB, ang nagkumpleto sa pasistang makinaryang pulitikomilitar ng mga reaksyunaryong naglalayong pahabain pa ang madugong kasaysayan ng pagsasamantala at pangaapi sa mamamayan ng Negros.
Kayat wasto lamang na ipagdiwang ng malawak na mamamayan ang muling paglulunsad ng mga taktikal na opensiba sa Negros. Panahon na para sa mga pinagsasamantalahan at inaapi na igiit ang kabayaran mula sa mga reaksyunaryong panatiko na may utang na dugo, gaya ni Cojuangco at iba pang mga kumprador at panginoong maylupang kroni ng Marcos.
Ang muling paglulunsad ng mga taktikal na opensiba ay panawagan din sa mga myembro ng CAFGU at mga karaniwang kawal ng AFP-PNP na magbitiw o lihim na umugnay at makipagkaibigan sa BHB upang sekretong makipagtulungan sa armadong rebolusyonaryong kilusan.
Nananawagan din kami sa mga kasapi ng RPM-RPA- ABB na itakwil at iwanan ang bandidong pamunuang Tabara-Calizo-dela Cruz-de los Reyes, mga kainuman ni Estrada. Sapul pa noong 1993 ay inabandona na nila ang armadong pakikibaka at gumagamit lamang ng mga armadong yunit upang pagtakpan ang kanilang pagiging kontra-rebolusyonaryo.
Halaw sa pahayag ni Bayani Obrero ng BHB-"Boy" Gatmaitan Command sa Isla ng Negros, Pebrero 10, 2000
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|