![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Panahon na naman ng reaksyunaryong eleksyon. Muling nasasaksihan ang walang habas na oportunismo, lubos na kawalang-prinsipyo at lansakang kabulukang ibayong tumitingkad tuwing mag-eeleksyon. Walang kaabug-abog na naglilipatan ng partido ang mga kandidato at yumayakap ng mga bagong kaalyado at koalisyon. Pati mga dati'y mahigpit na magkakalaban ay nagsasama-sama. Walang ibang nagtutulak sa kanila para gawin ito kundi ang lantarang pagsusulong sa personal na interes, ambisyon sa pulitika at kahayukan sa kapangyarihan. Walang hangganan ang mga alitan, kutsabahan at maniobrahan sa hanay ng mga reaksyunaryong naghaharing uri. Sa totoo, pare-pareho lamang naman ang mga partido at koalisyong pulitikal ng mga reaksyunaryo. Kaya naman walang tigil din ang pagbabago ng hugis at laman ng mga reaksyunaryong alyansa. Walang tigil, walang-hangganan at walang-kahihiyan ang pagka-oportunista ni Gloria Macapagal-Arroyo. Pinili niyang katambal ang senador, brodkaster at bata ng mga Lopez na si Noli de Castro para mapasakanya ang suportang pampulitika at pampinansya ng makapangyarihang burges-kumprador na pamilya. Umaasa rin siyang maisasalba ng popularidad ni de Castro ang kanyang sadsad nang reputasyon. Kapalit nito ang maraming pangakong konsesyon sa MERALCO, Maynilad Water Services, Benpres Holdings at iba pang malalaking negosyo ng mga Lopez. Pinag-ibayo pa ni Arroyo ang kanyang oportunismo sa klase ng mga taong pinili niya para tumakbong senador sa ilalim ng kanyang partido. Kabilang sa kanila ang mga pangunahing alyado ni Estrada�sina Miriam Defensor-Santiago, John Osme�a at Orlando Mercado, dating kalihim sa depensa ni Estrada. Ang pagkuha ni Arroyo sa tatlong ito ay bahagi ng aregluhan niya at ni Estrada. Nasa likod pa rin daw ni Defensor ang People's Movement Against Poverty ni Estrada.
Maging ang mga grupong sosyal-demokrata at repormista na sumuporta sa pagkakaluklok ni Arroyo sa poder ay nababahala sa pakikiapid niya sa mga taong galing sa kinasusuklamang mga kampo nina Marcos at Estrada. Wala ring malaking pinagkaiba ang pangunahing karibal na kandidato ni Arroyo, ang artistang si Fernando Poe Jr. Bukod sa anak ni Estrada na si Jinggoy at kina Juan Ponce Enrile, Ernesto Maceda, Francisco Tatad, Jamby Madrigal at Didagen Dilangalen, na pawang nasa kampo at masusugid na tagapagtanggol ni Estrada, kabilang sa mga kandidato ni Poe sa senado si Imee Marcos, anak ng diktador na si Ferdinand Marcos. Si Carlos Padilla naman na mahigpit na tagasuporta ni Panfilo Lacson ay kandidato rin sa koalisyon ni Poe. Magsisilbi raw siyang tagapamagitan nina Poe at Lacson. Katambal ni Poe si Loren Legarda, na walang paghuhunos-diling sumanib sa isang partidong hitik sa mga personaheng malapit kay Estrada. Walang naniniwala sa pangangatwiran nilang lahat na ang kanilang ginagawa ay para sa "pagkakaisa," "rekonsilyasyon" at "paghihilom ng mga sugat." Sa katunayan, walang kaseryosohan at nagiging katawa-tawa na lamang ang mga reaksyunaryong pulitiko, mga partido pulitikal at koalisyon nila at ang buong takbo ng reaksyunaryong eleksyon sa Pilipinas. Kasabay nito ang iba pang mukha ng reaksyunaryong eleksyon at reaksyunaryong pulitika sa bansa. Naririyan ang grabeng dayaan, bilihan ng boto, panlilinlang at ang matinding karahasan hindi na lamang sa pagitan ng mga magkakalabang reaksyunaryong pulitiko at mga tagasuporta kundi mas masahol pa, laban sa mga progresibong partido at pwersa at iba pang mamamayan. Sa likod ng lahat ng ito ang esensyal na katangian ng mga reaksyunaryong eleksyon. Nagsisilbi itong paraan ng mga reaksyunaryong naghaharing uri para linlangin ang mamamayan na kunwa'y may demokrasya habang nireresolbahan sa pamamagitan nito kung sinu-sino sa kanila ang mangangasiwa sa pasistang estadong mangangalaga sa komun na mga reaksyunaryong interes nila at sa pag-iibayo pa ng kanilang pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan at pagsupil sa paglaban ng mamamayan. ![]()
| ||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|