Kulang na kulang ang pagbaba ng presyo ng langis
SADYANG KULANG NA KULANG ANG 30 SENTIMOS na ibinaba ng presyo ng bawat litro ng gasolina at 20 sentimos ng diesel nitong Nobyembre. Pangatlo na sa loob ng dalawang buwan ang rolbak na ito. Nagpatupad ng 21 sentimo hanggang 35 sentimong pagrolbak ang mga kumpanya ng langis noong Oktubre 11. Muli nitong ibinaba ang presyo ng petrolyo noong Oktubre 25 nang 20 sentimos hanggang 35 sentimo. Sa kabila nito, malayo ang barya-baryang pagbababa na ito sa aktwal na ibinababa ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. Kung pagsasamahin, kulang sa 3% lamang ito sa pagkabuuang presyo ng mga produktong petrolyo.
Bumaba ang presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan bunsod ng pagbagal ng pandaigdigang produksyong industriyal at pagkitid ng mga pamilihan. Mula Setyembre, halos sangkatlo ang ibinagsak ng presyo nito. Mula $25 bawat bariles, $17 na lamang ito ngayon. Kung ihahambing sa nakaraang taon, 34% ang ibinagsak ng halaga nito at 50% naman kung ang pagbabatayan ay ang halaga nito noong Mayo 2001, kung kailan ipinatupad ng Organization of Petroleum Exporting Countries ang pinakahuli nitong pagbabawas ng produksyon.
Ayon sa sukatang ginagamit ngayon ng mga konsumerista, tulad ng Oil Price Watch, na halaw mula sa dating ginagamit ng ERB, ang bawat dolyar na ibinababa o itinataas ng presyo ng bawat bariles ng krudong langis sa Dubai ay may kaukulang 27 sentimos na pagbaba o pagtaas sa presyo ng bawat litro ng mga produktong petrolyo sa bansa. Ayon din dito, ang bawat pisong ibinababa o itinataas ng palitan ng piso sa dolyar ay magbababa o magtataas nang 12 sentimos kada litro ng produktong petrolyo.
Kung gagamitin ang pormulang ito, hindi bababa sa 60 sentimos bawat litro ang dapat na ibinaba ng presyo ng mga produktong langis nitong Nobyembre. Mula Setyembre, dapat ay inirolbak na ang presyo ng langis nang mahigit P2! Gayunpaman, 12% lamang ito ng pangkabuuang presyo ng langis at malayo sa sangkatlong ibinaba ng krudong langis.
Dulot ng deregulasyon ng industriya ng langis at tanda ng kahayukan sa tubo ng mga kumpanya ng langis, arbitraryong itinatakda ng mga ito ang mga pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo. Kung gaano sila kabilis magtaas ng presyo kailanma't naisin ay siya naman nilang kupad sa pagbababa nito. Idinadahilan nila sa pabarya-barya at mabagal na pagbababa ng presyo ang inaantabayan nilang muling pagtaas ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. Magbaba man sila ng presyo, ito ay para lamang umilag sa mga batikos at maiiwas sa atake ang pagpapatuloy ng batas sa deregulasyon. Ni bahagya ay hindi nito nahahatak ang sumisirit na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|