Pagmimina sa Mt. Diwalwal kinontrol na ng Malakanyang
Pormal na kinontrol ng gubyerno noong Agosto ang pagmimina sa 8,100 ektaryang "Diwalwal Gold Rush Area" sa Monkayo, Compostela Valley. Nasa Mt. Diwalwal ang isa sa pinakamayayamang deposito ng ginto sa bansa kaya malaon na itong pinag-aagawan ng mga lokal na kumpanya sa pagmimina at mga burukrata kapitalista. Sa ngayon ay may 20,000 kataong nakatira sa loob ng humigit-kumulang 700-ektaryang mines and settlement site sa loob ng "Diwalwal Gold Rush Area."
Sa pormal na pag-atas ng pambansang gubyerno sa Department of Environment and Natural Resources na kontrolin ang pagmimina sa Diwalwal, mahahawakan na ng Malakanyang at mga alipures nito ang lahat ng rekurso sa lugar. Kasabay nito, iniutos na rin ng AFP ang pagpapakat ng dagdag na mga tropang militar sa Mt. Diwalwal. Ang pagmonopolisa na ngayon ng Malakanyang sa rekurso at milyun-milyong kita mula sa Diwalwal ay bahagi ng paghahanda ni Macapagal-Arroyo para sa eleksyong presidensyal sa 2004.
Inilabas ng Malakanyang ang kautusan matapos umigting ang karahasan sa lugar bunga ng matinding alitan sa pagitan ng dalawang burukrata na nagmamay-ari sa pinakamalalaking lokal na kumapanya sa pagmimina. Ito�y sina Rey Chiong Uy (may-ari ng Blucor Mineral Corp. at Bullex Mining Corp., at dating meyor ng Tagum City) at Joel Brillantes (may-ari ng JB Mining Management Corp. at kasalukuyang meyor ng Monkayo). Bukod sa kanila, may ilampung libo pang maliliit na minero ang naggigiit ng kanilang karapatang maghanap-buhay sa Diwalwal at ginigipit din ng malalaking kumpanya sa pagmimina. Tinatayang mahigit 60 katao na ang pinaslang kaugnay ng gulo sa Diwalwal.
Nitong Hulyo lamang, dalawang tauhan ni Brillantes ang pinatay ng armadong kalalakihang pinaghihinalaang goons ni Uy. Nasundan ito ng ganting pagpatay sa isa namang upisyal ng karibal na Blucor Mineral Corp., sa atas naman ni Brillantes. Si Brillantes din ang pinaniniwalaang pasimuno ng pagpapausok sa mga tunnel na hinukay ng maliliit na minero noong Hulyo. Ikinamatay ito ni Roberto Zamora, isang minero, at naging sanhi rin ng pagkakaospital ng mahigit 20 iba pa. Gamit ang isang armored personnel carrier, marahas na sinalakay ng militar ang hanay ng maliliit na minerong nagbarikada sa Tagmanok Bridge sa Mawab noong Agosto 10. Iginigiit ng mga galit na minero na imbestigahan ang pagkamatay ni Zamora.
Sina Uy at Brillantes din, kasama ng iba pang upisyal ng minahan at ng militar, ang salarin sa pagdukot, pagtortyur at pagmasaker kina Godofredo Guimbaolibot (isang kadre ng Partido sa Timog Mindanao) at tatlong iba pa, sa Mawab, Compostela Valley noong Agosto 1999.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|