![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Kasuklam-suklam ang bulag at walang kahihiyang pagsuporta ni Macapagal-Arroyo sa balak na pagsalakay ng imperyalismong US sa Iraq. Sa buong Asia, tanging ang gubyernong Macapagal-Arroyo ang nagbigay ng agad-agad at walang kwestyong suporta sa imperyalistang gera.
Sa kabila ng pagdududa ng nakararami sa daigdig at maging ng marami sa Security Council ng UN tulad ng Germany, France, Russia at China, buung-buong nilunok ng rehimen ang pinalalabas ng US na "mga ebidensya" para bigyan-katwiran ang balak nitong pagsalakay at pagsaklot sa Iraq: ang umano�y pagkakaroon at pagkukubli ng Iraq ng mga sandatang may kakayahang pumuksa sa malaking bilang ng mamamayan o weapons of mass destruction at ang pagsuporta umano nito sa "terorismo". Katulad ng kanyang imperyalistang amo, walang paggalang si Macapagal-Arroyo sa pambansang soberanya at karapatan ng mamamayan at gubyernong Iraqi na magpasya sa sarili. Itinataguyod at ipinagtatanggol niya ang arogante at unilateral na balak ng US na salakayin at saklutin ang alinmang bansa. Walang pinag-iba ang ganito sa asal-tuta niyang pagtataguyod ng mga hakbang ng imperyalismong US na lapastanganin ang pambansang soberanya at pag-ibayuhin pa ang pandarambong at pang-aapi sa Pilipinas. Wala rin siyang pagdadalawang-isip na ilagay sa peligro ang ilang milyong manggagawang Pilipino na nagtatrabaho ngayon sa Middle East. Sa pakitang-taong pagsugod niya sa Kuwait nitong unang linggo ng Pebrero, siya pa mismo ang nanguna sa pangungumbinsi sa mga Pilipino roon na tanggapin ang katwiran ng US sa pagsalakay sa Iraq. Kapalit ng mga ito ang mumong ayuda at pautang na lubos na pinaglalawayan ng kanyang bangkarote at bulok na gubyerno. Pagbabayaran nang mahal ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang bulag at walang kahihiyang pangangayupapa sa lahat ng kagustuhan ng imperyalismong US. Ibubunsod nito ang ibayong pagkakahiwalay ng kanyang rehimen sa mamamayang Pilipino na malakas na tumututol sa nakaambang pagsalakay ng US sa Iraq. Sa ngayon, ibayong lumalawak ang pambansang nagkakaisang prente ng mamamayang Pilipino laban sa imperyalistang gera. Kinabibilangan ito ng mga patriyotiko at demokratikong organisasyon ng masang anakpawis, mga grupong sibiko, pulitiko, mga organisasyong relihiyoso at maging ang institusyon ng simbahang Katoliko at mga grupong Islamiko. Masaklaw ang batayan ng pagkakaisa ng mga pwersang ito, kabilang ang mga lumalaban sa imperyalistang paglapastangan sa soberanya ng mga bansa, ang mga nababahala sa kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa sa Iraq at Middle East, ang mga ayaw madawit ang Pilipinas sa isang digmaang walang kinalaman ang bansa at ang mga simpleng ayaw sa digmaan. Pinakapuspusan sa mga ito ang mga pwersang rebolusyonaryo at anti-imperyalista. Mahigpit ding tinututulan ng nagkakaisang prente laban sa imperyalistang gera ang presensya ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas. Ang humigit-kumulang 1,300 sundalong Amerikano sa Pilipinas ay maaaring pagsilbihing mga pwersang pansuporta para sa mga operasyong militar ng US sa Middle East. Masahol pa rito, nagbabanta na ring tuwirang isabak ang mga pwersang Amerikano sa mga operasyong pangkombat sa Pilipinas. Napabalitang nagkaisa na sina President George W. Bush ng US at Macapagal-Arroyo sa pagpakat ng apat na pangkat ng mga US Green Beret para tuwirang ilaban sa Abu Sayyaf. Di malayong ibabaling na rin ang mga pwersang Amerikano laban sa mga pwersang rebolusyonaryo sa bansa. Isang patriyotiko at internasyunalistang tungkulin ng Partido Komunista at mamamayang Pilipino ang makiisa sa pagtatanggol ng mamamayang Iraqi sa kanilang soberanya laban sa pananalakay at pananakop ng imperyalismong US. Ang Partido at mamamayang anti-imperyalista at tutol sa gera ay nakikiisa sa mamamayang Amerikano, at gayundin sa mamamayan ng Europe, Asia at iba pang bahagi ng daigdig sa paglaban sa mga mapandigmang hakbangin ng gubyernong Bush. Ambag ng mamamayang Pilipino sa pagtulong sa mamamayang Iraqi at sa malawak na pandaigdigang nagkakaisang prente laban sa imperyalistang gera ang paglaban sa todo-largang pagpapakatuta ni Macapagal-Arroyo at ang pagtutol sa planong ipagamit sa US ang ating lupain bilang lunsaran at transit point ng mga mapanalakay na tropa at kagamitang Amerikano. Iaambag din ng Bagong Hukbong Bayan sa pandaigdigang nagkakaisang prente laban sa imperyalistang gera ang pagpapaigting ng mga taktikal na opensiba laban sa mga mersenaryong tropa ng AFP at PNP upang lalong pahinain ang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo. Sa kanyang ipinakikitang lubos na katapatan sa kanyang imperyalistang amo, nakikilala na sa buong mundo si Macapagal-Arroyo bilang isa sa pinakatapat na tuta ng imperyalismong US. Huhusgahan din siya sa kasaysayan ng bansa bilang isa sa pinakapapet sa lahat ng nagdaang papet na presidente ng Pilipinas. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|