Food coupons ng rehimen, mumo para sa ginugutom na mamamayan
Dahil sa mga pasaning ibinigay nito sa sambayanan, natatakot ang rehimeng US-Arroyo sa galit ng nagugutom at naghihirap na mamamayan. Kaya matapos ang ilang taong pagtatakip ni Gloria Arroyo sa tunay na kalagayang kinasasadlakan ng mamamayan at matapos ang ilang taong pagmamayabang tungkol sa umano'y mga tagumpay ng rehimen sa larangan ng ekonomya, ipinahayag ni Arroyo ngayong Oktubre na mamamahagi ito ng mga food coupon sa pinakamahihirap na mamamayan.
Ang pamamahagi ng mga food coupon ay ipinahayag ni Arroyo isang araw pagkalabas ng isang sarbey ng Social Weather Station na nagsasabing walang makain ang 15.1% ng mamamayan. Ayon sa sarbey, isa sa pitong pamilya sa buong bansa ang walang makain sa minimum na isang pagkakataon sa nakaraang tatlong buwan.
Nakatakdang ipatupad ang pampabangong programang ito ng rehimen sa darating na Nobyembre. Pangungunahan ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Department of Education (DepEd). Ayon sa programang ito, ipamamahagi ang mga food coupon sa mga eskwelahan. Tutukuyin umano ng DepEd ang pinakamahihirap na mag-aaral na bibigyan ng mga food coupon. Ang mga food coupon ay maaari umanong ipagpalit sa bigas at iba pang pagkain sa National Food Authority at mga piling tindahan. Kaya sa sistemang ito, isinasaisantabi ang napakaraming bilang ng mga pamilyang hindi makapagpaaral kahit sa mga pampublikong eskwelahan nang dahil sa labis na kahirapan.
Lubos na nakakainsulto ang proyektong ito ng rehimen. Sa loob ng mahigit tatlong taon nang panunungkulan ni Gloria Arroyo, walang humpay nitong binigwasan ang mamamayan ng kaliwa't kanang pahirap. Patuloy nitong ipinapako ang kakarampot na sahod ng manggagawa at sweldo ng mga karaniwang empleyado. Hinayaan ng rehimen na sumirit ang presyo ng mga produktong petrolyo, kuryente, pagkain at iba pang mga bilihin at bayarin. Patuloy nitong ipinatutupad ang patakaran ng kontraktwalisasyon at ang malawakang tanggalan sa trabaho. Isinusulong nito ang dagdag-pasaning mga buwis. Patuloy nitong ibinabandera ang mga patakaran ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon sa ibayong kahirapan ng masang Pilipino. Matapos ang mga bigwas na ito, naririto ang rehimen ngayon at nagsasabing mamimigay ito ng pagkain sa mamamayan. Ayon kay Arroyo, hindi umano matitiis ng rehimen na magutom ang mamamayan kaya mamimigay ito ng mga food coupon. Subalit kung tutuusin, ang rehimen ang nagdulot ng lalong kahirapan at pagkagutom ng mamamayan. Layunin lamang ng proyektong ito ni Arroyo na itaas ang sumasadsad nitong popularidad. May duda rin kung kakayanin ng bangkrap na gubyerno ni Arroyo ang bilyun-bilyong pisong kakailanganin nito para ipatupad ang proyekto.
Wasto lamang na ipagpatuloy ng mamamayan ang kanilang mga pakikibaka para sa mas makatarungang pamumuhay. Paigtingin ang pakikibaka para sa mas mataas na sahod at sweldo. Patindihin ang paglaban sa mga dagdag na buwis at pagtaas ng mga bilihin at bayarin. Higit sa lahat, lumahok sa rebolusyonaryong pakikibaka na magwawakas sa kasalukuyang sistemang gumugutom sa mamamayang Pilipino.
|