Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Wakasan ang rehimeng US-Estrada!

 Read this article in English

Ikinagagalak ng Partido na tumitindig ang paparaming mga pwersang patriyotiko at progresibo upang labanan at wakasan ang anti-mamamayan, makadayuhan at bulok-sa-kaibuturang gubyernong Estrada.

Ibayong lumalapad at mabilis na lumalaganap sa buong bansa ang nagkakaisang prenteng anti-Estrada. Nasa gulugod nito ang mga militante at rebolusyonaryong manggagawa at magsasaka at kinabibilangan ng mga pulitiko, mga taong-simbahan, kawani ng pamahalaan, mga propesyunal at iba pa. Kinatatangian ito ng iba't ibang antas ng pormal at di pormal na pagtutulungan at koordinasyon sa pagitan ng mga pwersang bumubuo nito.

Si Estrada mismo ang nag-uudyok ng malawakang pagkakaisa at paglaban ng mamamayan. Ang sagad-sagarang pagkapapet, pasismo at kabulukan ng rehimeng US-Estrada ay nagdudulot ng walang kaparis na pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayang Pilipino, laluna sa masang anakpawis. Kayat sa nakaraang dalawang taon, mabilis na nahinang ang pagkakaisa ng sambayanan laban kay Estrada. Kaisa nila, matibay na naninindigan ang rebolusyonaryong kilusan para sa kanilang mga pambansa at demokratikong interes at laban sa lahat ng pagtatangkang yurakan ang mga ito.

Desperadong-desperado ang rehimen na wasakin ang nagkakaisang prenteng anti-Estrada. Ginagamit nito ang pinakamaitim na mga pamamaraan, kabilang ang anti-komunistang witch hunting laban sa mga lehitimong organisasyong masa at pananakot na kakasuhan ng sedisyon ang mga namumuno sa protesta. Gayunpaman, ang mga hakbanging ito'y lalo lamang naglalantad sa kabulukan ng naghaharing rehimen at nagpapahusay ng kalagayan upang ibayong patatagin ang pagkakaisa at itaas ang militansya ng mamamayan na wakasan ang paghahari ni Estrada.

Ang usapin ng mga isasagawang hakbang matapos ibagsak ang gubyernong Estrada at ang mga kaugnay nitong isyu ay maaaring lutasin sa tamang panahon sa pamamagitan ng konsensus ng isang konseho ng pambansang pagkakaisa na bubuuin ng mga kinatawan sa nagkakaisang prenteng anti-Estrada. Kailangang magsikap ang mga militanteng organisasyon ng mga manggagawa at magsasaka, iba pang batayang sektor at mga pwersang patriyotiko at progresibo na magkaroon ng angkop na representasyon sa konsehong ito.

Mahusay kung kaakibat ng pagkakaisang wakasan ang rehimeng Estrada ay magkakaisa rin laban sa mga sagad-sagarang anti-mamamayan at makadayuhang patakaran at hakbanging ipinatupad ni Estrada katulad ng paghadlang sa karagdagang sahod, todo-largang liberalisasyon ng kalakalan, Oplan Makabayan, Visiting Forces Agreement at iba pa. Bubuksan nito ang posibilidad na maisakatuparan ang mga makabuluhang repormang kapakipakinabang sa mamamayan; gayundin, na muling ituloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines upang matalakay ang mga usaping nakahanay sa substantibong adyenda nito.

Malinaw sa Partido na ang pagpapabagsak sa rehimeng US-Estrada ay hindi katumbas ng rebolusyonaryong pagbabago. O sabihin pa, hindi lubusang makakamit ang mga rebolusyonaryong layunin sa simpleng pagpapatalsik kay Estrada. Gayunpaman, nagbubukas ng mahusay na pagkakataon ang prosesong ito upang sumulong nang malaki ang rebolusyonaryong kilusan. Kung kayat kinakailangang mahusay na kumilos ang Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa upang ibayong pagkaisahin ang mamamayan at paigtingin ang mga pakikibakang masa para ibagsak ang rehimeng US-Estrada.

Tungkulin ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa na himukin ang pinakamaraming maimpluwensyang personahe at tipo ng organisasyon sa samutsaring lugar at larangan kabilang ang mga paaralan, upisina, komunidad at simbahan na lumahok sa mga pulong, rali at iba t ibang aktibidad na nagpapahayag ng kanilang disgusto sa gubyernong Estrada.

Bagamat hindi kinakailangan ang isang sentralisadong tipo ng organisasyon ng nagkakaisang prenteng anti-Estrada, maaaring magkaisa sa paglulunsad ng mga pangunahing aksyong masa sa mga piling petsa upang tipunin ang lakas ng milyun-milyong mamamayan.

Sa pagsigla ng mga pakikibakang masa, tiyak na magtatangkang umeksena ang mga kontra-rebolusyonaryong grupo upang pahupain ang mga protesta o isabotahe ang pagsulong nito. Kailangang patuloy tayong tumalima sa patakaran ng Partido laban sa anumang anyo ng pakikipagkaisa sa mga kontra-rebolusyonaryo. Lalong mahalaga ngayon na ilantad ang kabulukan at mga buktot na gawain ng mga kontra-rebolusyonaryong grupong ito.

Tiwala ang Partido na, kung magtutulungan ang masaklaw na mga pwersa sa nagkakaisang prente, hindi na tatagal nang isa o dalawang taon ang gubyernong Estrada. Sa panahong ito ay lalong lalala ang krisis ng naghaharing sistema. Magiging higit na makapangyarihan ang mga aksyong masa. Tuluy-tuloy na yayanigin ang rehimeng US-Estrada ng sarili nitong mga iskandalo at ng paksyunalismo sa burukrasyang sibil at militar. Magdudulot ng higit na mabibigat na bigwas ang paparami at papalaking mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) gayundin ang nagpapatuloy na armadong paglaban ng Moro Islamic Liberation Front. Mabilis na mauubos ang rekurso ng rehimen sa pagbuhos nito ng pondo sa todo-largang opensibang militar.

Habang pinalalawak at pinatatatag ang nagkakaisang prenteng anti-Estrada, kinakailangang ipagpatuloy ng mga rebolusyonaryong pwersa ang sariling inisyatiba at pagkilos upang tuluy-tuloy itong makapagpalakas. Kinakailangang pag-ibayuhin ang lahatang- panig na pagpapalakas upang isulong at lalo pang paigtingin ang rebolusyonaryong pakikibaka.

Lalong dapat samantalahin ng Partido at ng mga rebolusyonaryong pwersa ang krisis ng naghaharing sistema upang ubos-kayang paigtingin ang mga taktikal na opensiba, isulong ang rebolusyong agraryo, palawakin ang rebolusyonaryong baseng masa at palawakin at palakasin ang Partido, BHB at ang Pulang kapangyarihan sa kanayunan.

Kinakailangang magpunyagi sa mga pakikibakang masang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista upang di mabitawan ang higit na pundamental na mga interes ng mamamayan.

Ang pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan ay nagpapahusay sa pusisyon nito sa nagkakaisang prenteng anti-Estrada. Gayundin, mag-aambag ito sa pagpapalakas ng nagkakaisang prente at sa kakayahan nitong pagkaisahin ang mamamayan at tipunin ang milyun-milyong lakas nila upang wakasan ang rehimeng US-Estrada.

 


 Back to topNext article

Marso 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Wakasan ang rehimeng US-Estrada!
Ipagtagumpay ang armadong rebolusyon sa ika-21 siglo
- Armando Liwanag

Hinggil sa rebolusyonaryong pagbubuwis
Aksyong pagpaparusa sa mga kumpanya at negosyo, inilunsad ng BHB
Pang-aapi sa mga migranteng manggagawa
Pagkakaisa at pakikibaka ng mga migranteng manggagawa
Krisis sa sistema ng pagbabangko
Ipagdiwang sa Mayo Uno:
Ibayong militansya at paglaban ng uring manggagawa

Rebolusyonaryong pakikibaka sa Negros, patuloy na sumusulong
Pananalanta ng pasistang estado
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.