Mga Ulat Koresponsal: Rebolusyonaryong kilusan sa Hilagang-Silangang Luzon, nagpupugay sa mga tagumpay
Nagtala ng pagsulong sa lahat ng larangan ng gawain ang rebolusyonaryong kilusan sa Hilagang-Silangang Luzon nitong nakaraang taon. Buong galak itong ipinahayag ng Fortunato Camus Command, ang panrehiyong kumand sa operasyon, sa okasyon ng ika-33 anibersaryo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Isang bagong larangang gerilya ang naitayo sa rehiyon. Lumaki nang ilampung libo ang baseng masa, habang ilang libo naman ang inilaki ng kasapian ng mga organisado at aktibistang masa. Tulad ng paglaki ng hukbong bayan, nadagdagan din ng ilampu ang baryong saklaw at nakikilusan nito, habang 100% ang nadagdag na bagong kasapi ng Partido sa buong rehiyon, kalakhan sa mga sonang gerilya.
Signipikanteng bilang ng masa ang nakinabang sa mga sosyo-ekonomikong proyektong inilunsad ng Partido at BHB. Dahil sa mahigpit na paghawak sa linyang antipyudal bilang susing kawing sa lahat ng gawain sa mga larangang gerilya, nakapaglunsad rito ng kampanyang masang antipyudal na ibayong nagpasigla sa rebolusyonaryong kilusang masa. Masikhay ding inilunsad ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ang mga proyekto sa pagpapaunlad ng produksyon, pangangalaga ng kalusugan, pagtitiyak ng kaayusan at katahimikan, at pagsasaayos ng mga kontradiksyon sa hanay ng mamamayan.
Tumampok sa buong bansa ang pagparusa ng BHB sa dating gubernador at kongresman ng Cagayan na si Col. Rodolfo Aguinaldo. Ipinagdiwang ito ng mamamayan ng Cagayan at Isabela. Bukod pa rito, mahigit 10 masamang elemento ang pinarusahan ng BHB. Mga sagad-sagarang kontra-rebolusyonaryo ang mga ito at may utang na dugo sa mamamayan. Ang ilang opensibang militar ng AFP ay nabigo at naibaling ng BHB sa kapinsalaan ng kaaway.
Sa larangan ng ideolohiya, puspusang binabaka ng rebolusyonaryong kilusan sa buong Hilagang-Silangang Luzon ang tunguhing konserbatismo. Unti-unti nang nakahuhulagpos dito ang mga rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon dahil sa katumpakan ng linyang itinakda ng Komite ng Partido sa rehiyon matapos ang kumperensya ng paglalagom dito noong kalagitnaan ng 1998.
Simple mang mga tagumpay ito kumpara sa inabot na pag-unlad ng rebolusyonaryong kilusan sa kabuuan, makabuluhan ang mga ito sa rehiyon. Tanda ito na lahatang-panig na papasulong ang mga gawain sa rehiyon at nagpapatibay sa determinasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa na isulong ang digmang bayan sa bago at mas mataas na antas.
Ang mga ito ay nagsisilbing inspirasyon para sa ibayong pagsulong upang tugunan ang marubdob na hangarin ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa na ipagtagumpay ang rebolusyon.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|