Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Malawakan at mapangahas na mga aksyong protesta, inilunsad

 Read this article in English

Patuloy ang mabilis na paglawak at pagigting ng mga aksyong protesta sa buong kapuluan mula nang sumambulat ang matinding krisis pampulitika ng rehimeng Estrada na pinasisiklab ng mga katiwaliang ibinunyag ni Gob. Luis 'Chavit' Singson noong Oktubre.

Sa loob lamang ng ilang linggo, mabilis na lumawak at sumaklaw sa buong bansa ang nagkakaisang prenteng anti-Estrada. Kaliwa't kanan ay nag-uusbungan ang mga organisasyon ng iba't ibang mga uri at sektor na naglulunsad rin ng kani-kanyang pagkilos bilang pakikiisa sa panawagan para sa pagbibitiw ni Estrada. Nasa gulugod ng mga ito ang mga militante at pambansa-demokratikong organisasyon na nanguna sa, at nasa unahan ng, panawagan para patalsikin si Estrada at nagbigay ng lakas-loob sa iba t ibang sektor na manindigan at lumaban.

Ilan sa mga sektoral na organisasyon ang RAGE (Rise All Government Employees!) ng mga kawani ng gubyerno; GENX Movement ng kabataan; Code-RED (Resign Estrada Dali!) ng sektor pangkalusugan; at OUSTER (Organization of United Solicitors for Truth and Estrada's Resignation) ng mga abugado.

Sa isang rali, idineklara ng militanteng kabataan na bagsak ang grado ni Estrada dahil sa pagbalewala ng kanyang rehimen sa edukasyon. Inisyuhan naman ng mga abugado si Estrada ng simbolikong mandamyento de aresto, notice of eviction mula sa Malakanyang at hold departure order. Binatikos sa isang martsa ng kababaihan ang imoralidad ni Estrada at paglapastangan niya sa karapatan ng mga babae. Kinundena ng mga nagraling maralitang lunsod ang huwad na programa sa pabahay at palabas na pamimigay ni Estrada ng bahay at lupa.

Laganap sa buong bansa ang mga pagkilos ng masa sa lansangan taliwas sa ipinipilit ni Estrada na nasa Maynila lamang ang protesta. Katunayan, kahit sa mga lugar na hindi pa gaanong malakas ang organisadong hanay ng mga pambansademokratikong pwersa, humuhugos sa lansangan ang mamamayan at sumisigaw para sa pagwawakas ng gubyernong Estrada tanda ng laganap na galit at pagkamuhi rito.

Papalaki, papalawak at papatapang ang mga demonstrasyong anti-Estrada. Daan-daang libong mamamayan ang lumahok sa malalaking rali nitong Nobyembre 4, 14, 27-30. Pumutok ang mga welga sa industriya, transportasyon at upisina ng gubyerno, mga boykot ng estudyante, mga martsa, rali at demonstrasyon. Dumagundong sa mga lansangan ang panawagan na palibutan ang Malakanyang ng milyong mamamayan upang pwersahing magbitiw si Estrada.

Nobyembre 24-30. Daanlibong mamamayan sa buong kapuluan ang nakiisa sa "Isang Linggo ng Protesta, Pabilisin ang Pagpapatalsik kay Estrada" na humantong sa dalawang-araw na kilos-protesta sa Mendiola nitong Nobyembre 29-30. Tampok sa aksyong masa ang "Lakbayan" na inilunsad ng may 10,000 kasapi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Pambansang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) mula sa Hilaga at Gitnang Luzon, Timog Katagalugan at Bikol. Pagdating nila sa Maynila, muling namalas ang lawak ng hanay ng mga pwersang anti-Estrada sa ginawang mainit na pagsalubong ng mga negosyanteng anti-Estrada sa mga nagpuprotestang anakpawis. Nagsitipon ang umabot sa 85,000 mga demonstrador sa Mendiola noong Nobyembre 29 at doo'y ipinadama ang kanilang masidhing determinasyon na alisin si Estrada sa poder sa pamamagitan ng mga talumpati, palabas pangkultura, pagsunog sa isang dambuhalang effigy ni Estrada na tinawag na "Erapzilla" o "halimaw na Erap" at isang 10- minutong noise barrage kung saan isinigaw ang "Erap resign" at "Sobra nang pahirap, patalsikin si Erap". Bukod sa KMP at PAMALAKAYA, ang rali sa Mendiola ay dinaluhan ng mga kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), Kilusang Mayo Uno, GABRIELA, Anakbayan, Makati Business Club, Kangkong Brigade, Kompil II, mga dating rebeldeng militar at mga anti-Estradang pulitiko at personalidad. Ang kilos-protesta ay sinuportahan ng pag-walk out ng mga estudyante sa University of the Philippines, Polytechnic University of the Philippines, Ateneo de Manila, Miriam College at iba pa. Naglunsad rin ng welga ang mga drayber na nagdulot ng hanggang 70% paralisasyon sa ilang ruta sa Kamaynilaan.

Sa isang pahayag, idineklara ni Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP at BAYAN na ang matagumpay na kilos-protesta ay susundan ng mas malalaki pang aksyong masa sa Disyembre na maaaring humantong sa pananawagan ng civil disobedience o di pagsunod sa mga di makatarungang batas. Ilan dito ay ang di pagbayad ng buwis at di pagpapadala ng remitans ng mga migranteng manggagawa sa mga bangko. Nanawagan din silang iboykot ang negosyo ng mga kroni ni Estrada.

Samantala, nagdaos ng kani-kanyang kilos-protesta ang mamamayan sa iba't ibang syudad at sentrong bayan sa Pilipinas. Sa Bacolod, umabot sa 85% ng transportasyon ang paralisado. Hindi rin alintana ang bagyo, nagrali at naglunsad ng noise barrage ang may 3,000 kaanib ng BAYAN-Negros. Sa Baguio City, may 200 mamamayan ang naglunsad ng torch march. Isang simbolikong eviction notice din ang ipinaskel sa pasukan ng Voice of America compound kung saan matatagpuan ang naglalakihang mga log cabin na pagmamay-ari ni Estrada at ng kanyang mga kroni. May mga pagtitipon ding isinagawa sa Laguna, Naga City, Legaspi City, Tacloban City, Cagayan de Oro City at Davao City at iba pang lunsod ng Davao del Sur at Davao Oriental.

Nobyembre 14. Ayon sa mga di kumpletong ulat, di bababa sa 200,000 ang bilang ng mamamayang lumahok sa Pambansang Welga ng Mamamayan na inilunsad sa Kamaynilaan at iba't ibang dako ng Pilipinas. Nagsipaglunsad ng isang-araw na welga ang mga manggagawa at drayber, nagboykot ang mga estudyante at humugos sa lansangan ang daan-daan libong mamamayan sa tinaguriang simula ng "sigwa ng huling kwarto."

Lumahok din sa Welga ang libu-libong magsasaka at mangingisda sa kanayunan na nagkaisang magdaos ng farm strike sa kani-kanilang lugar.

Sa Maynila, umabot sa 80,000 ang nagrali sa Liwasang Bonifacio at nagmartsa patungong Mendiola. Pagkagabi, libu-libo rin ang naglamay at dumalo sa konsyertong protestang tinawag na "Pamorningan sa Mendiola". Dalawampung libo naman ang nagrali sa Makati. Bukod sa mga manggagawang dumalo sa rali sa Ayala Avenue, tumampok ang pag-walk out ng mga stockbroker, na kanilang ginawa sa kaunaunahang pagkakataon.

Sa Kabisayaan, di bababa sa 56,000 ang humugos sa lansangan noong Nobyembre 14: Bacolod (32,000); Iloilo (10,000); Cebu (7,000); Roxas (4,000); Dumaguete (1,500); Tacloban (800); at Tagbilaran City (700).

Sa ibang mga lunsod at sentrong bayan ng Luzon, umabot sa 27,000 ang naglunsad ng mga rali at iba pang uri ng kolektibong pagkilos: Ilagan at ibang mga bayan sa Isabela (11,000); Bulacan (6,000); Vigan, Ilocos Sur (3,500); Baguio City (3,000); Nueva Vizcaya (2,000); Tarlac (1,000) at Nueva Ecija (300).

Sa Mindanao, 14,000 ang lumahok sa iba't ibang kilos protesta, ayon sa mga di kumpletong ulat: Butuan City (6,000); Cagayan de Oro City (3,000); Ozamis City (1,000); Dipolog City (1,000); General Santos City (1,000); Cotabato City (700). Sa Davao City, nagsara ang 60% ng mga establisimiento bilang pakikiisa sa pambansang welga ng mamamayan.

Nobyembre 4. Humigit-kumulang sa 120,000 sa buong kapuluan ang tumugon sa panawagan nina Jaime Cardinal Sin at Corazon Aquino na dumalo sa prayer rally sa EDSA Shrine sa Mandaluyong City at maglunsad ng iba pang anyo ng pagkilos sa kani-kanyang lugar.

Isandaaang-libong mamamayan na nagtipon sa panulukan ng EDSA at Ortigas Avenue ang sumigaw ng "Erap resign!" sa harap ng muling paggiit nina Cardinal Sin at Aquino kay Estrada na kagyat nang magbitiw. Kabilang sa mga dumalo rito ang mga delegasyon mula sa mga lalawigan sa Hilaga at Gitnang Luzon at Timog Katagalugan. Umalingawngaw din sa mga lansangan, liwasan at simbahan sa iba pang mga lunsod at bayan ang panawagang magbitiw si Estrada: Bacolod (8,000); Cagayan de Oro (3,000); Pagadian (2,500); Tuguegarao (1,000); Cotabato (1,000); Baguio (300); at Cebu (100) at sa mga bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya (1,000); at Victoria, Laguna (200). Naglunsad rin ng mga pagkilos sa mga lunsod ng Iloilo, Dumaguete at Tacloban sa Kabisayaan; at sa mga lunsod ng Davao at General Santos sa Mindanao.

 


Previous articleBack to topNext article

Nobyembre 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Patatagin at ibayong palawakin ang pagkakaisa ng mamamayan upang ibagsak ang rehimeng US-Estrada!

Malawakan at mapangahas na mga aksyong protesta, inilunsad
Estrada at kanyang mga kasapakat:
Target ng mga espesyal na operasyon ng BHB

Ang payola sa hweteng at iba pang anomalya:
Krimen at korupsyon sa mismong ulo ng estadong neokolonyal

Hinggil sa taktikal na alyansa sa mga reaksyunaryong anti-Estrada at ang hungkag na Kaliwang retoriko ni Lagman
Sigaw ng mga manggagawa ng pampublikong sektor:
Itaguyod ang mga karapatan at kagalingan ng mga kawani ng gubyerno!

Halalan sa pagkapangulo ng United States:
Walang magbabago sa imperyalismong US

Hamon tungo sa ganap na reunipikasyon:
Pagpapaigting ng anti-imperyalistang pakikibaka sa Korea

Mga balita sa pakikibaka
Mga karagdagang balita mula sa larangan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.