Pag-ugat ng Partido sa kilusang manggagawa
"Taun-taon, lumalawak ang organisasyon ng Partido sa hanay ng mga manggagawa sa Metro Manila." Ito ang deklarasyon ng mga kasama sa National Trade Union Bureau ng Partido nang kapanayamin sila ng AB nitong Agosto.
Bawing-bawi na ang organisasyon ng Partido sa kilusang manggagawa sa Metro Manila matapos itong malagay sa bingit ng pagkalusaw bago ilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Noong 1998, dumoble ang bilang ng mga kasapi ng Partido.
Bagamat patuloy itong lumalawak at tumatatag, sadyang nakasagabal sa mas mabilis na paglakas ang iba't ibang salik. Kabilang dito ang mabilis na pagkabuwag ng mga unyon at mga yunit ng Partido sa mga pabrikang nagsara o malawakang nagtanggal ng mga manggagawa dala ng matinding krisis pang-ekonomya. "Kung gaano kabilis nakapagtatayo ng mga yunit ang Partido, ganuon din kabilis ang pagkabuwag ng mga ito sa mga pabrikang nagsasara o nagbabawas ng manggagawa," ayon sa mga kasama.
Kailangan sa gayon ang mas mabilis at mas masaklaw na kampanyang pagpapalawak upang malampasan ang bilis ng pagkalusaw ng mga yunit ng Partido sa kilusang paggawa. Naisasagawa ito sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na rebolusyonisasyon ng mga unyon, paglulunsad ng mga pampulitika at pang-ekonomyang pakikibaka at pagsasagawa ng mga pag-aaral.
Ang mabilis na pagkalusaw ng mga yunit ay hindi nangangahulugan ng pagkalagas ng mga kasapi nito. "Kailangan lang mabilis na mailipat sa ibang yunit ng Partido ang mga manggagawang nawalan ng trabaho upang hindi sila tuluyang mawalan ng kolektiba. Marami sa kanila ang lumilipat ng pabrika o di kaya'y nagtatrabaho sa kanilang mga komunidad. Mayroon ding umuuwi sa prubinsya."
Maraming manggagawang kasapi ng Partido ang nagpapasyang magpatuloy kumilos sa kanayunan bilang mga Pulang mandirigma. Mayroon ding nagiging buong-panahong organisador ng mga manggagawa.
|