Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ka Jiji at Ka Alex: kabataang kababaihang mandirigma

 Read this article in English

Sina Ka Alex at Ka Jiji ay kabilang sa mga Pulang mandirigmang babae sa pinalaking platun ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa katimugang larangan ng Cagayan Valley. Si Ka Alex, 23 anyos, ang giyang pampulitika ng kanyang iskwad at si Ka Jiji, 19 anyos, ang giyang pampulitika ng kanyang tim. Ang mga Pulang mandirigmang babae sa larangang ito ay bumubuo sa 25% ng hukbong bayan.

"Ang kababaihan ay binibigyan ng pinakamataas na respeto sa kilusan at lubos na kinikilala ang kanilang mga karapatan," ani Ka Jiji. "At ito'y tunay na respeto, di tulad sa burgis na lipunan na ang tinatawag na 'paggalang' ay nakabatay sa kanilang diumano'y mga kahinaan."

Buong karangalang sinabi ni Ka Alex na "Dito ko lang lubos na naramdaman na ako'y pinahahalagahan bilang babae!" Idiniin niya na ang tinutukoy niya ay ang kabuuang pagkatao ng isang babae, "di lamang pangkama, pangkusina o pambahay." Sinabi rin niya na walang diskriminasyon sa kilusan, kahit sa tradisyunal na "machong" mundo ng gawaing militar: "Kung meron kang potensyal o kakayahan, palagi itong kinikilala ng kilusan." Pumangatlo si Ka Alex sa 25 Pulang mandirigma sa kanyang bats na kumuha ng Batayang Kursong Pulitiko-Militar (BKPM).

Subalit hindi ito nangangahulugan na hindi taglay ng rebolusyonaryong kilusan ang mga bakas ng atrasadong lipunang inusbungan nito. Tahasang sinabi kapwa nina Ka Jiji at Ka Alex na nananatili ang mga bakas ng pyudal at burgis na pananaw at gawi laluna sa mga baguhang kasama. "Hindi ito maiiwasan," ani Ka Alex, "pero ang kaibhan, sa kilusan ay walang pasubaling sinisikap ng lahat na baguhin ang gayong klase ng pag-iisip at gawi." Idinagdag ni Ka Jiji na ang mahalaga ay "nagsisimula tayong lahat sa konsepto na wala tayong ginagawang diskriminasyon batay sa kasarian at ang lahat ay pare-parehong may mahahalagang potensyal."

Ayon kay Ka Alex, ang pinakamahusay na paraan para maipamalas ng kababaihan ang kanilang potensyal sa kapwa kasama at maging sa kanilang sarili, ay sa pamamagitan ng walang puknat na pagpupunyagi. Iginiit niya na "Kaya ng kababaihan na magsagawa ng trabahong pisikal, magpagana ng generator, magtayo ng kubo... lahat! Tulad ng kalalakihan, kaya naming magpakahusay dito at sa lahat ng aspeto ng ating rebolusyonaryong gawain."

Bentahe ng kababaihan. Kung tutuusin, may ilang bagay na mas mahusay pa ngang nagagawa ng mga babaeng Pulang mandirigma. Isa sa mga pangunahin dito'y ang pagmumulat sa masa sa pagbaka sa mga pyudal at burgis na aktitud hinggil sa kababaihan.

Ang ipinakikitang lakas, komitment at paglilingkod sa sambayanan ng mga babaeng rebolusyonaryo ay epektibong bumabasag sa atrasadong pag-iisip sa lipunan na dapat uminog lang ang mundo ng kababaihan sa mabababaw na bagay tulad ng kagandahan, pagiging kimi at pagsisilbi sa lalaki.

Ayon kay Ka Jiji, "nababago ang pyudal na pananaw tungkol sa kababaihan kapag nakikita nila kaming nagdadala ng mabibigat na pak, ammo belt at baril, naglalakad rin nang malayo at lumalaban din." Sa bahagi niya, binanggit ni Ka Alex ang madalas na komentaryo ng mga babaeng magsasakang saksi sa katotohanang kasinghusay din ng lalaking mandirigma ang mga babaeng gerilya�natatanto nilang mayroon din pala silang sariling potensyal. Nabubuhayan din ng loob dahil dito ang mga kasamang lalaki.

Tinukoy ni Ka Jiji na mas mahusay ang kababaihan sa paghihikayat sa ibang kababaihan sa baryo na sumapi sa rebolusyon, sa mga lokal na organisasyong masa man o bilang mga buong-panahong Pulang mandirigma.

Dahil na rin sa karaniwang pananaw na mas mahina sila at di mapanghamon tulad ng mga lalaki, mas maluwag sa loob ng masa ang humarap sa mga babaeng gerilya kumpara sa mga lalaking kasama. "Kaya naman," ani Ka Alex, "karaniwang kami ang unang kumakatok sa mga bahay ng masa laluna sa kalaliman ng gabi, o doon sa mga di pa namin gaanong kilala."

Idinagdag ni Ka Jiji na tila mas nadadalian ang masa, kabilang ang kalalakihan, na lapitan at kausapin sila: "Napapansin ko na mas komportable sila sa mga babae at mas bukas na magbahagi ng kanilang mga problema sa amin. Sa amin nila ibinubuhos ang kanilang mga hinaing."

 


Previous articleBack to topNext article

07 Marso 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Mulatin, organisahin at pakilusin ang kababaihan para sa rebolusyon!

Ang kalagayan ng kababaihang manggagawa
Panayam kay Salud Roja, tagapagsalita ng PKP-Central Luzon
Paramihin ang Pulang mandirigmang kababaihan
Ka Elena, kumander
Ka Jiji at Ka Alex: kabataang kababaihang mandirigma
Ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan
Pagtatayo ng balangay ng MAKIBAKA sa Kamaynilaan
Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Mga sundalo, nabihag ng BHB

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Iba pang taktikal na opensiba, inilunsad mula Pebrero hanggang Marso

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Congressman ng Isabela, sinita ng BHB:

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Ambus kay Congresswoman Sato, isang mariing babala

Sa ibayong dagat:
Bakod ng Israel sa teritoryo ng Palestine

Balita:
Sektor ng transportasyon, di natinag sa banta ni Arroyo

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.