Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Tungkol sa mga Buladas ng Triong Magdangal-Bill-Olive

Nitong Abril 18, lumabas sa pahayagang Philippine Daily Inquirer ang panayam sa isang nagpakilalang �Nicolas Magdangal�. Sa naturang artikulo, si Magdangal (Francisco Pascual) ay nagsaboy ng kung anu-anong lason at kasinungalingan laban sa pamunuan ng Partido. Tahasan niyang binaluktot ang mga tunay na pangyayari kaugnay ng paksyunalismo sa Gitnang Luzon na isa siya sa mga namuno. Tampok sa kanyang mga buladas ang �pag-aabandona na ng Partido sa mga ligal na organisasyon upang ituon ang lahat ng pagsisikap sa pagsusulong sa armadong rebolusyon sa kanayunan�. Ani Magdangal, itinuturing na raw ng Partidong �pagsasayang lamang ng oras� ang mga ligal na pakikibaka.

Ang artikulo ay isa lamang sa serye ng mga makamandag na pahayag ni Magdangal at ng mga kasapakat niya laban sa Partido. Yayamang dinala na ng mga paksyunalista ang usapin sa masmidya, naoobliga ang Partido na gumawa ng paglilinaw sa publiko at sagutin ang kanilang mga buladas. Ang sumusunod ay pahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas hinggil sa artikulong lumabas sa Inquirer.

Anim na taon nang nagpupunyagi ang Partido at rebolusyonaryong kilusan sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Anim na taon nang uboskaya ang pagpupursigi ng mga proletaryong rebolusyonaryo para sa pagpapanibagong-sigla at -lakas sa pamamagitan ng mulat at matatag na pagtataguyod sa wastong linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Anim na taon na rin, humigit-kumulang, na nagsisikap ang Partido na himukin ang ilang elementong nag-aatubili sa kilusang pagwawasto pero ipinapalagay na sinsero at matapat. Kabilang sa mga ito sina Francisco Pascual (Nicolas Magdangal), Luisito dela Cruz (Bill) at Caridad Magpantay (Olive). Pero sa kabila ng mga paghimok, may ilang elementong tulad ng triong Magdangal-Bill-Olive na patuloy na nagtanggol sa militarista at insureksyunistang linyang SCO, nagtaguyod sa rebisyunistang konsepto ng nagkakaisang prente, nagkalat ng lason laban sa kilusang pagwawasto, at nagwalang-bahala sa demokratikong sentralismo ng Partido�habang nagaastang mga matapat na lider ng Partido.

Mas masahol pa, sa nakaraang dalawang taon, ang naturang trio�sa halip na magwasto at pumaloob sa disiplina ng Partido�ay bumaling sa tahasang paksyunalismo, panghahati at pananabotahe sa organisasyon ng Partido sa rehiyong Gitnang Luzon at ilang organisasyong nakabase sa Maynila-Rizal. Sa ganitong sitwasyon, naobliga ang Partido na itiwalag ang mga naturang militarista at insureksyunista na hindi lang ayaw pamagwasto kundi naging mga tahasang paksyunalista at manghahati pa. Pormal na itiniwalag ang magkalaguyong Bill at Olive noong Agosto 1997, pagkaraang ihiwalay nila ang ilang bahagi ng Partido at hukbong bayan at itayo ang mga hayag na organisasyong Contra sa Gitnang Luzon. Si Nicolas Magdangal, na nagpanggap na �tagapamagitan� gayong isa sa mga paksyunal na pasimuno mula�t sapul, ay pormal na itiniwalag din sa Partido pagkaraang lantad na lumabas sa demokratikong sentralismo ng Partido at nanghati at nanggulo sa saklaw ng NPS (National Peasant Secretariat) noong Enero 1998.

Nangangarap ngayon ang nasabing trio na maging sentro ng rebisyunistang pagkontra sa rebolusyonaryong kilusan. Tinatangka nilang tipunin ang nagkakalat-kalat nang mga elementong rebisyunista at anti-Partido upang buhaying pilit ang bigong militarista, insureksyunista, populista at rebisyunistang kampanya laban sa linya ng demokratikong rebolusyong bayan. Gayunman, wala silang maipakita maliban sa dati at gasgas nang mga rebisyunistang pambabaluktot at kasinungalingan na binudburan ng pamintang anti- Komunista.

Idinidispley at inihahain nila ang kanilang sarili sa propagandang imperyalista at burges bilang mga buhay na eksibit ng diumano�y Komunistang kakitiran at panunugis. Sa katunayan, sila ay mga buhay na negatibong halimbawa ng mga elementong petiburges na tumigil at tumalikod na sa pagpapanibagong-hubog, naakit sa adbenturismo at oportunismo sa paghahanap ng mga shortcut sa tagumpay, nabulok at walang pakundangang lumapastangan sa disiplina ng Partido, nagtangkang manghati at manira sa loob, at nang mabigo�y humihiyaw ng panunupil ng Partido. Kontrarebolusyon ang dulo ng landas na kanilang tinatahak.

Sa tangkang makapaghagis ng wari�y may kabuluhang isyu laban sa Partido at rebolusyonaryong kilusan, naglulubid sila ng buhangin tungkol sa diumanong kumpletong �kaliweteng� pagbaling ng Partido at rebolusyonaryong kilusan. Subalit dahil mas interesado sa pang-iintriga kaysa sa seryosong pakikipagtalo, ayaw nilang harapin ang tunay na patakaran at praktika ng Partido. Sa halip, umiimbento sila ng mga pantastikong kwento tungkol sa bagong estratehiya daw ng Partido na ganap na tumatalikod sa mga ligal na organisasyon at pakikibaka.

Pero hindi pwedeng hindi mapansin ng sinumang matapat na mag-aaral sa mga dokumento at lathalain ng Partido ang tuluy-tuloy na mataas na pagpapahalaga ng Partido sa ligal na kilusan at pakikibaka. Lalong hindi ito pwedeng hindi mapansin ng sinumang nagmamasid sa araw-araw na praktika ng rebolusyonaryong kilusan.

Sa nakaraang ilang taon, ubos-kaya ang pagsisikap ng Partido na maigpawan ang mga pinsalang idinulot ng mga nakaraang paglihis at kamaliang militarista at insureksyunista sa ligal na kilusang demokratiko. Walang humpay ang pagsisikap ng Partido na isulong ang mga ligal na pakikibaka sa kabila ng mga tangkang pananabotahe ng mga rebisyunistang taksil at malupit na panunupil ng pasistang estado.

Malinaw na pruweba ang malalaking pagsulong na nakakamit ng mga hayag na kilusang manggagawa, magsasaka, kabataang-estudyante, kababaihan, kawani at iba pang demokratikong sektor. Kung tutuusin, ibayong napalawak pa ang mga aktibidad at mga pamamaraan ng rebolusyonaryong kilusan sa larangan at pakikibakang ligal kung ihahambing sa mga nakaraang taon ng pamamayagpag ng insureksyunismo at populismo. Ang pansin at pagod na iniuukol ng rebolusyonaryong kilusan sa negosasyong pulitikal ay isa pang malinaw na patunay sa mataas na pagpapahalaga ng Partido sa pakikibakang ligal.

Gayunman, di tulad ng mga rebisyunistang taksil na naglalako ng parlamentarismo at repormismo pagkaraang mabigo sa pakikipagsapalaran sa militarismo at insureksyunismo, matatag na isinusulong ng Partido ang ligal na kilusan at pakikibaka habang pursigidong pinauunlad ang armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka. Di tulad ng mga rebisyunistang taksil, hindi natin isinusulong ang ligal na kilusan at pakikibaka para ilayo ang masa sa armadong rebolusyon. Sa halip, isinusulong natin ang ligal na kilusan at pakikibaka para nga mas malawakan pang pukawin, palahukin at pasuportahin ang mamamayan sa armadong rebolusyon.

Tinatangka ring buhayin ng triong Magdangal- Bill-Olive ang linya at programang Bagong Katipunan upang ipalit sa NDF at 12-puntong programa ng NDF, kahit ang una ay matagal nang itinakwil ng Partido at mga alyadong organisasyon. Ang linya at programang Bagong Katipunan noong mga unang taon ng dekadang 1980 ay linya at programa sa nagkakaisang prente na nakabalangkas sa lumangtipong rebolusyong demokratiko. Itinuring nitong sagabal�sa halip na kilalaning saligang rekisito�sa pagbubuo at pagpapalawak ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente ang pamumuno ng Partido. Itinuring nitong sagabal�sa halip na kilalaning saligang rekisito�sa pagbubuo at pagpapalawak ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente ang pagpapalakas ng mga saligang rebolusyonaryong pwersa na malinaw na nagtataguyod sa pamumuno ng proletaryado at sa bagong-tipong rebolusyong demokratiko na may perspektibang sosyalista.

Ang rebisyunista at burges na linya sa nagkakaisang prente sa nakaraaan ay hindi lamang lubos na nabigong makapagpalawak at makapagpalakas sa nagkakaisang prente. Ibayo pang pinahina nito ang Partido at mga saligang pwersa ng rebolusyon; lubha ring pinahina at pinakitid ang iba�t ibang gawain at organisasyong nagkakaisang prente. Kaya ang linya at programang Bagong Katipunan ay itinakwil ng Partido, gayundin ng Unang Pambansang Kumperensya ng NDF noong 1994.

Mula noon, puspusang iwinasto ng Partido ang malulubhang paglihis at pagkakamali sa nagkakaisang prente. Ang patuloy na pagpapanibagong-lakas ng Partido at iba pang saligang pwersa ng rebolusyon�kaalinsabay ang wastong pagkukumbinasyon ng iba�t ibang ugnayang kumperensyal, konsultatibo at konsenswal at pakikipagtulungang multilateral at bilateral sa iba�t ibang saklaw at antas�ay matagumpay na nakapagpalawak at nakapagpalakas sa rebolusyonaryong nagkakaisang prente. Sa buong kapuluan at sa iba�t ibang rehiyon, matatag na sumusulong ang rebolusyonaryong pakikibaka at patuloy na tumataas at lumalawak ang rebolusyonaryong prestihiyo at pamumuno ng Partido at kilusang pambansang demokratiko sa hanay ng mga pwersang demokratiko at progresibo at sa malawak na masa ng sambayanan.

Lubos na karapatan ng rebolusyonaryong kilusan na ipagtanggol ang rebolusyonaryong integridad nito laban sa pag-atake, pananabotahe at panghahati ng mga prima donnang petiburges na triong Magdangal-Bill-Olive. Lubos na karapatan at mahigpit na tungkulin ng Partido na itaguyod ang mga saligang prinsipyo at ilantad at itakwil ang rebisyunismo, militarismo, insureksyunismo at oportunismo na itinataguyod ng triong ito.

Sa pamamagitan ng pagtitiwalag sa kanila, hindi lamang napatigil ang panggugulo at pananabotahe sa Partido at rebolusyonaryong kilusan sa Gitnang Luzon at ilang organisasyong nakabase sa Maynila-Rizal. Mas masigasig na naisulong ang kilusang pagwawasto. Malayang nakapaghayag ng kanilang mga pagpuna ang mga karaniwang kadre at kasapi ng Partido sa mga yunit na tinangkang gawing pribadong konsesyon ng trio at tinangkang kontrolin sa pamamagitan ng panlilinlang, pambibilog ng ulo, pambubuska at panunuhol. Sumiglang nakapagpalawak ang mga nasabing organisasyon at mabilis na nakaigpaw sa mga pansamantalang dislokasyong likha ng trio. Sabi pa ng ilang kasama, saka lang muli nilang naramdaman na sila�y tunay at mahigpit na bahagi ng iisang Partido at iisang rebolusyonaryong kilusan.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Abril 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Erap Kontra Mahirap

Mula sa tagapaglathala:
Bagong kapasyahang muling ilathala ang Ang Bayan

Ang pagbabalik ng mga Marcos sa poder
KS: Arestuhin ang mga alipures ng diktador
Rebolusyonaryong Kilusan sa Gitnang Luzon
Pagbangon at Pagpapanibagong-Lakas

Nueva Ecija: Matingkad na Pagsulong
Tungkol sa mga Buladas ng Triong Magdangal-Bill-Olive
Hambalos ng "Globalisasyon" at Krisis sa Manggagawang Pilipino
Rebolusyonaryong Kilusang Lihim sa Pabrika, Sumusulong
25 Taong Tagumpay sa Rebolusyonaryong Nagkakaisang Prente
Paggalang sa karapatang-Tao:
Integral sa kondukta ng digmang-bayan

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.