![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Desperadong pinalalabas ng rehimen na sumusulong ang usapang pangkapayapaan. Nais niya itong gamitin sa harap ng papaliit na tsansang manalo sa darating na eleksyon. Gayunpaman, wala pang anumang makabuluhan at upisyal na konsesyon ang GRP para tunay na mabigyang-daan ang pagpapatuloy ng aktwal na usapan. Sa unang serye ng usapan, mistulang binawi ng GRP ang naunang pusisyon nitong isahang pag-uusap na nakasentro sa inihain nitong Final Peace Agreement (FPA). Ito ang batayan kung bakit inianunsyo ng NDFP noong Oktubre na "nalalapit" na ang muling pagbubukas ng usapan. Ngunit sa bandang huli, ang kinalalabasan ay gusto pa rin ng GRP na itali ang usapan sa FPA nang igiit nitong kailangang sabay-sabay na pirmahan ang magkakahiwalay na kasunduan. Mas masahol pa'y nais ng GRP na itakda ang pirmahan bago ang eleksyon ng 2004�na higit pang mas mabilis kaysa unang itinakda nila sa FPA. Nitong Nobyembre, sinikap ng dalawang panig na lutasin ang mga balakid sa muling pagbubukas ng pormal na negosasyon. Bagamat nagkaroon ng mga makabuluhang pag-uusap, walang nabuong anumang upisyal na kasunduan. Wala ring mapagpasyang narating kaugnay ng muling pagbubukas ng pormal na usapan. Pangunahin sa mga tinalakay ay ang paglilista sa PKP, BHB at kay Kasamang Jose Maria Sison bilang "dayuhang terorista," ang pagbasura ng GRP sa mga naunang kasunduan bilang balangkas ng usapan at ang paggigiit nito ng "pinal na kasunduang pangkapayapaan." Iginigiit ng NDFP sa GRP na kilanling ang naturang listahang ginawa ng US at ilang bansa sa European Union ay masahol na paglabag ng mga dayuhang kapangyarihan sa mga karapatan ni Kasamang Sison at panghihimasok sa mga usapin sa pagitan ng NDFP at GRP. Gayundin, iginiit ng NDFP na ang ginawang aktibong pagtulad ng GRP sa US at EU na ipabilang ang PKP, BHB at si Kasamang Sison sa naturang listahan ay isang mabigat na paglabag sa dati nang nabuong mga kasunduan. Ayon sa NDFP panel, marapat na ito'y itakwil at iwasto ng GRP. Kinilala ng GRP na nagsilbing balakid sa negosasyon ang ginawang paglilista. Gayunman, itinanggi nito na may kinalaman ito sa paglilista�bagay na paulit-ulit na pinasisinungalingan ng mga pahayag at aksyon ng mga upisyal ng rehimen. Nangako na lamang itong gumawa ng mga kinakailangang hakbanging ligal, pulitikal at diplomatiko para maiwasto ito at mabigyang�seguridad ang mga tauhan ng NDFP alinsunod sa mga naunang kasunduan. Makailang beses na tinangka ng GRP na palabnawin ang papel at bisa ng mga naunang kasunduan katulad ng The Hague Joint Declaration, Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at iba pang kasunod na kasunduan. Pinipilit ng GRP panel na ang mga ito'y ituring lamang na "gabay" sa halip na "balangkas" ng pag-uusap. Ikinatwiran ng GRP na kailangang manaig ang kanilang konstitusyon. Pero hindi nito makontra ang paninindigan ng NDFP panel na kailangang panatilihing "balangkas" ng usapan ang mga ito dahil may magkaibang konstitusyon, gubyerno, hukbo at mga pwersa ang magkabilang panig. Nagkaroon naman ng pagsulong sa iba pang usapin katulad ng pagbubuo ng Joint Monitoring Committee alinsunod sa CARHRIHL at pagpapatuloy ng gawain ng reciprocal working committee sa Socio-Economic Reforms, pangalawa sa apat na substantibong usapin sa adyenda ng usapan. Pero gagawin pa lamang ng GRP ang bahagi nito kapag muling nagsimula na ang pormal na usapan. Bilang bahagi ng confidence-building measures (mga paborableng hakbangin para sa negosasyon), pumayag ang GRP na gumawa ng mga angkop na pagsisikap, tulad ng pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal at pagbibigay-daan sa pagbabayad-pinsala sa mga biktima sa paglabag ng diktadurang Marcos sa karapatang-tao. Sa kabilang banda, gusto ng GRP panel na bawasan pa ng P2 bilyon ang dati nang naipirme at napagkasunduang halagang P10 bilyon para rito. Wala pang kasunduan tungkol dito. Tinanggihan ng NDFP ang panukala ng GRP na sabayang tigil-putukan mula sa Kapaskuhan hanggang matapos ang usapang pangkapayapaan. Sa halip, nagdeklara na lamang ang NDFP ng unilateral na pagtigil sa mga opensiba mula Disyembre 20 hanggang Enero 4, 2004 bilang paggalang sa tradisyon ng Kapaskuhan. Sa huli, walang inilabas na pinag-isang pahayag ang dalawang panig. Wala rin namang anumang mapagpasyang upisyal na napagkaisahan. Nananatiling bukas ang NDFP sa pagpapatuloy ng usapan para maisulong ang interes ng sambayanan sa lahat ng larangan. Pero kailangang isaisantabi ng GRP ang balangkas ng "pagpapasuko" ng mga rebolusyonaryong pwersa at makipagkaisa sa mga karapat-dapat na balangkas para maganap ang makabuluhang negosasasyon ng dalawang magkalabang pwersa. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|