Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pribatisasyon ng Social Security System, patuloy na nilalabanan

 Read this article in English

Walang balak ang rehimeng Macapagal-Arroyo na isaisantabi ang plano nitong pagsasapribado sa Social Security System (SSS) sa kabila ng mariin at malawakang pagtutol dito ng mga empleyado ng SSS.

Ang SSS, na planong isapribado pagsapit ng 2004, ay isa lamang sa mga institusyong pampinansya at korporasyon ng gubyerno na isasapribado sa utos ng International Monetary Fund. Kamakailan lamang ay inaprubahan na ang pribatisasyon ng National Power Corporation. Nakaamba na rin ang pagsasapribado ng National Housing Authority, National Food Authority at iba pang ahensya ng gubyerno.

Mula pa noong huling bahagi ng Mayo, naglunsad na ng mga piket ang mga empleyado ng SSS upang labanan ang pribatisasyon nito. Subalit hindi pinakinggan ang kanilang mga hinaing. Bagkus ay nilinlang ng presidente ng SSS na si Vitaliano Na�agas ang mga empleyado nang sabihin nitong hindi na itutuloy ang planong pagsasapribado sa naturang ahensya sa seguro. Sa halip, ang gagawin na lamang daw ay outsourcing o ang pagkuha ng serbisyo mula sa labas ng SSS para gampanan ang trabaho ng kumpanya.

Ang outsourcing ay tusong paraan para baha-bahaging isapribado ang buong SSS. Kaakibat nito, binuwag na ang Information Technology Management at ang Health Care Program at ipauubaya na sa mga pribadong entidad ang Information Technology at Assets and Loans Department.

Ang outsourcing ng Information Technology ng SSS ay paghahanda para sa lubos na pribatisasyon ng kumpanya. Pinag-iinteresan ito ng maraming pribadong korporasyon dahil isa ang SSS sa may pinakamaunlad na sistema sa kompyuter sa buong Asya para sa pagpoproseso ng mga pensyon.

Target ding buwagin at saklawin ng outsourcing ang mga departamentong may kinalaman sa iba pang serbisyo, tulad ng bookkeeping, accounting, payroll, hiring, human resources administration, cash management and control, financial reporting, tax reporting, accounts receivable collection, accounts payable administration, customer statements processing, customer call centers, distribution logistics, transaction processing centers, temporary staffing at website design.

Sa gayon, lubhang nanganganib ang seguridad sa trabaho ng may 4,000 empleyado ng SSS. Higit dito, nanganganib ang interes ng 23 milyong kasapi ng ahensya sa seguro.

Ang pondo ng SSS, na nagkakahalaga ng P174 bilyon, ay nagmula sa mga kontribusyon ng mga kasapi, na kalakha'y mga ordinaryong manggagawa at empleyado sa pribadong sektor. Buwan-buwan, kinakaltasan ang kanilang sahod o sweldo ng mula P84 hanggang P782. Kapalit nito ang mga benepisyo sa pagreretiro, pagkakasakit, panganganak at iba pa na pahirapan pang makuha ng mga nag-impok.

Ang pribatisasyon ng pamamahala sa dam buhalang pondong ito ang pangunahing target ng pribatisasyon ng SSS. Sa pamamagitan ng pribatisasyon nito, anumang pribadong kumpanya sa pinansya na mamamahala rito ay makahuhuthot ng napakalaking tubo mula sa malaking impok at seguro ng 23 milyong manggagawa at empleyado sa bansa.

Dahil sa laki ng pondo ng SSS, dati nang pinag-iinteresan ito ng mga tiwali at gahamang upisyal ng gubyerno. Naging isa ito sa mga palabigasan ng pinatalsik na si Joseph Estrada nang utusan niya ang dating presidente ng SSS na si Carlos Arellano na gamitin ang P1.1 bilyon mula sa pondo ng SSS para bumili ng sapi sa Belle Corporation (pagmamay-ari ni Estrada sa pamamagitan ng kanyang kroni at dummy o prente na si Dante Tan). Inatasan din ni Estrada ang presidente ng Govern�d?ment Service Insurance System na bumili ng sapi sa naturang korporasyon. Mula sa kabuuang P1.8 bilyong pondo ng SSS at GSIS na ipinautang at ibinili ng mga sapi sa Belle Corporation, tumabo si Estrada ng P284 milyong tubong kapital at P189 milyon pang komisyon.

Malaki rin ang nakakaltas mula sa pondo ng SSS bunga ng naglalakihang sweldo, bonus, insentibo, per diem at iba pang pribilehiyo ng mismong mga upisyal ng SSS. Ang mismong buwanang sweldo lamang ng presidente at 58 bise presidente ng SSS ay hindi bababa ng P100,000 at may umaabot pang mahigit P300,000. Mayroon din silang 13th month, 14th month, hanggang 16th month pay o karagdagang sahod. Bukod rito, sa nakaraang taon, kumita ang mga upisyal ng SSS ng karagdagang P235.1 milyon sa pamamagitan ng bonus at P211 milyon sa pamamagitan ng mga insentibo. Tumatanggap din sila ng P150,000 bawat araw ng pag-upo sa board of directors ng mga kumpanya kung saan may mga kinatawan ang SSS.

Bahagyang umatras ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa pagsasapribado ng SSS nang maglunsad ng malawakang protesta ang mga empleyado nito. Pitumpung araw na nagpiket ang mga empleyado tuwing lunchbreak upang ipahayag ang kanilang disgusto sa planong pribatisasyon at sa pamamalakad ni Na�agas. Humantong ito sa apat na araw na walkout na pinamunuan ng Alert and Concerned Employees for a Better SSS (ACCESS) at pumaralisa sa lahat ng upisina ng SSS sa buong bansa. Sinuportahan sila ng COURAGE, Kilusang Mayo Uno at iba pang militanteng grupo. Sa harap ng matinding protesta, naobligang hugutin na ni Macapagal-Arroyo nitong Agosto 2 si Na�agas mula sa SSS upang mabuhusan ng malamig na tubig ang mainit na pakikibaka ng mga empleyado.

Ang naturang hakbang ay tinaguriang "peace formula" o pormula ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Subalit di nagtagal ay ipinadama na rin ng huli ang kamay na bakal nito. Sinabi ng bagong hirang na presidente ng SSS na si Corazon de la Paz na kakasuhan ang mga empleyadong nanguna at lumahok sa walkout, kasabay ng deklarasyon na ipagpapatuloy ang mga repormang nasiImulan na sa SSS (na ang ibig sabihin ay mga hakbang tungo sa lubos na pribatisasyon). Masusi nilang pinag-aaralan kung paano pahihinain ang organisasyon ng nt.mga empleyado ng SSS upang mapigilan ang muli nilang pag-aaklas kapag tuluyan nang maipatupad ang pribatisasyon nito.

Subalit, tinitiyak ng mga empleyado ng SSS, sampu ng mga empleyado ng NFA, NHA at iba pang ahensya ng gubyerno na malapit nang isapribado, na hindi matitinag ang kanilang paglaban sa pribatisasyon. Seguridad sa trabaho at kapakanan ng mamamayang pinagkakaitan ng karampatang serbisyo ang kanilang ipinaglalaban. Umani na ng maliit na tagumpay ang kanilang matatag na paninindigan at kolektibong pagkilos. Sa pagsasanib ng kanilang pakikibaka sa mas malawak na pakikibaka ng sambayanan, hangad nila ang mas malalaki at lubusang tagumpay.

 


Previous articleBack to topNext article

Agosto 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ilantad at labanan ang mga maka-imperyalista at anti-mahirap na "reporma" ng rehimeng US-Macapagal Arroyo

Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Patuloy na paglala ng krisis pang-ekonomya sa bansa

Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Matinding tama ng krisis sa mamamayan

Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Mga kagyat na kahilingan ng mamamayan

Pribatisasyon ng Social Security System, patuloy na nilalabanan
Mula sa koresponsal: Mga operasyong militar sa Kabikulan, kinundena
Mga balita ng pakikibaka
Kasamang Antonio Zumel, pinarangalan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.