Ang karapatan ng mga batang Pilipino
May natatanging kabuluhan na bigyan natin ng espesyal na pansin sa isyung ito ng Ang Bayan ang kalagayan ng mga batang Pilipino. Ito ay sa dahilang kinakailangan nating labanan ang todo-largang propaganda ng reaksyunaryong gubyernong Estrada at mga petiburges na organisasyong anti-komunista at maka-imperyalista na nakatuon sa paggunita ng ika-50 anibersaryo ng Convention on the Rights of the Child (CRC).
Naglulunsad ang gubyerno ng mga programang pampaguwapo upang tabingan ang tunay na kasidhiang dinaranas sa miserableng kalagayan ng mga bata sa Pilipinas at ang direkta at di direktang papel nito sa pang-aapi at paglabag sa mga karapatan ng mga bata. Pilit na pinupunit ang ugnayan ng mga suliranin at pang-aaping dinaranas ng mga bata sa kahirapan at kabulukan ng sistemang panlipunan upang palabasing sasapat na ang mga proyektong pang-�kawanggawa� upang tugunan ang pangangailangan ng mga bata at ng kanilang mga magulang.
Dahil hindi lubusang mapagtakpan ang mga kasalanan nito, laluna ang pagtarget sa mga bata ng isinasagawa nilang kontra-rebolusyonaryong digma, ipinalilitaw ng gubyernong Estrada ang huwad na isyu ng patakarang pagrerekrut ng Bagong Hukbong Bayan ng mga mandirigmang bata sa pagtatangkang tibagin ang patuloy na lumalawak na suporta ng mamamayang Pilipino sa armadong pakikibaka at hagisan ng putik ang papataas na prestihiyo ng Partido at rebolusyonaryong kilusan sa larangan ng diplomasyang internasyunal.
Upang tuluyang mapasinungalingan ang bulok na propagandang ito ng gubyernong Estrada, inilalathala natin dito ang pahayag noong Agosto 30 ng Komisyong Militar ng Komite Sentral ng Partido na naglilinaw sa matagal nang may bisang patakaran ng Partido at Bagong Hukbong Bayan hinggil sa rekisitong minimum na edad ng nirerekrut na mga mandirigma sa BHB. Tungo rin sa layuning pagtibayin at higit na ilinaw ang patakarang ito, inilabas ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral ng Partido (KTKS) noong Oktubre 15 ang memorandum hinggil sa �Minimum na Rekisitong Edad Para sa mga Mandirigma ng BHB� na inilalathala rin natin dito. Nagsisilbi rin ang mga ito bilang paalala sa lahat ng yunit ng BHB.
Inilalarawan ng mga kaugnay na artikulo hinggil sa kalagayan ng mga manggagawang bata at hinggil sa pasismo sa kanayunan ang pang-aapi at pandarahas ng reaksyunaryong estado laban sa mga bata. Ipinakikita ng mga artikulong ito kung bakit mananatiling api ang mga bata habang umiiral ang mapang-aping sistemang malakolonyal at malapyudal; at kung bakit laksa-laksang mga bata at kabataan ang buong-siglang humahanay upang mapabilang sa rebolusyonaryong kilusan. Dulot ng dinaranas nilang kaapihan, agad nilang nababatid na tanging ang pagkakaisa ng mamamayan at ng rebolusyonaryong kilusan ang magtitiyak na maliwanag ang kinabukasan para sa mga bata.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|