Balita
4 na sundalong bihag ng MILF, pinalaya
Pinalaya nitong Disyembre 18 ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang apat na bihag sa digma sa Datu Piang, Maguindanao. Isinagawa ang pagpapalaya isang araw pagkatapos magkasundo ang magkabilang panig na itigil ang mga labanan.
Nahuli ang apat na bihag nitong Disyembre 16 nang makasagupa nila ang MILF sa baryo ng Gawang, bayan ng Datu Saudi Ampatuan. Mga tropa sila ng 7th IB na noo'y nagsasagawa diumano ng "pursuit operations" laban sa kriminal na Pentagon Gang. Labing-isang sundalo at siyam na gerilyang MILF ang napatay sa naganap na mga labanan. May nawawala pang 12 militar at CAFGU. Nasira rin ang isang helikopter ng AFP nang pagbabarilin ito ng MILF.
Saddam Hussein, nadakip
Nadakip ng mga pwersang Amerikano nitong Disyembre 14 sa Tikrit, kanyang bayang sinilangan si Saddam Hussein, presidente ng Iraq. Natuklasan ng mga sundalong Amerikano si Saddam sa pinagkublian niyang hukay sa likod ng isang bahay.
Agad na ipinagyabang ng rehimeng Bush ang pagkakadakip kay Saddam lalupa't sa halos buong panahon ng kanilang okupasyon ng Iraq, walang ibang naibalita kundi ang papalaking bilang ng kaswalti ng mga sundalong Amerikano at papalalang kalagayan ng mamamayang Iraqi.
Gayunpaman, hindi nasapawan ng pagkakadakip kay Hussein ang matinding galit at maigting na paglaban ng mamamayang Iraqi, gayundin ang maraming problema ng US sa pananakop sa Iraq.
Kinabukasan, magkasunod na pinasabugan ang dalawang istasyon ng pulis. Siyam katao ang napatay at 20 ang nasugatan.
Patuloy ang mariing pagtutol ng mga Iraqi sa dayuhang okupasyon ng kanilang bayan. Patuloy ang protesta nila sa pagsosona at pamamaril sa kanilang mga komunidad at sa walang pakundangang pang-aaresto at detensyon, pagmamaltrato at pang-aabuso sa mga kalalakihang Iraqi.
Samantala, malaking problema ng US ang pagbubuo ng maaasahang papet na hukbo para magsilbing gulugod sa pagtatayo ng papet na gubyerno sa Iraq. Noong Disyembre 13, 300 sundalong Iraqi ang tumiwalag sa 700-kataong batalyong Iraqi na sinasanay ng US upang humalili sa mga pwersang Amerikano. Tinutulan nila ang napakababang pasahod ng mga mananakop.
Utang ng bansa, patuloy sa paglobo
Patuloy na lumolobo ang utang ng Pilipinas bunsod ng gahiganteng depisit sa badyet ng gubyerno.
Batay sa datos ng Setyembre, ang kabuuang utang ng Pilipinas ay umabot na sa 68.7% ng gross national product. Binagabag ang gubyerno ng malalaking depisit sa badyet sa nakaraang siyam na taon simula noong 1989. Lumobo ang pampublikong utang nito sa P5.162 trilyon, na mas malaki pa kaysa sa halaga ng kabuuang economic output.
Halos kalahati ng P864.8 bilyong panukalang pambansang badyet para sa 2004 (o P542.2 bilyon) ay mapupunta sa bayad-utang.
Samantala, upang makalikom ng pondo ang bangkrap na gubyerno, inirekomenda ng International Monetary Fund na magpataw ito ng dagdag na buwis sa langis, beer, sigarilyo at text messaging.
Pagsalakay ng US sa Cuba, pinaghahandaan
Aktibong pinaghahandaan kapwa ng mga tropang regular at milisyang bayan ng Cuba ang posibleng pagsalakay sa harap ng bago at pinatinding mga pananakot ng imperyalismong US. Matatandaan nitong nakaraang ilang buwan na muling tinukoy at pinalapad pa ni Pres. George W. Bush ng US na "axis of evil" o "sentro ng kasamaan. Bukod sa Iraq, North Korea at Iran, isinama na rin ang Cuba at Syria.
Nakabatay sa konseptong "War of All People" ang sistemang depensa ng Cuba na nakikitang tanging paraan upang matagumpay na malabanan ang anumang agresyong militar ng US. Alinsunod ito sa National Defense Law No. 75 kung saan ang bawat Cubano ay nagsasanay at nagpapaunlad ng kanyang kakayahang lumaban sakaling ituloy nga ng US ang pagsalakay nito sa Cuba.
Ople, 76, pinarangalan ng imperyalismong US.Namatay si Foreign Affairs Sec. Blas Ople nitong Disyembre 14 sa isang ospital sa Taiwan. Abot-langit ang parangal ng imperyalismong US at ng mga kapwa reaksyunaryong pulitiko sa naging maka-dayuhan at anti-mamamayang gawain ni Ople.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|