Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Balita ng Pakikibaka

 Read this article in English

7 sundalo patay, 15 armas nasamsam sa reyd ng BHB sa Samar

Pitong sundalo ang napatay at lima ang sugatan nang salakayin ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang isang ditatsment ng Philippine Army sa Barangay Babaclayon, San Jose de Buan, Samar, bandang alas-4 ng umaga noong Pebrero 12. Nakasamsam din ng 15 matataas na kalibreng armas ang BHB.

Halos nalipol ang 12 sundalong nagbabantay sa ditatsment. Nasamsam mula sa kanila ang walong M16, pitong M14 at isang set ng radyo.

Dayuhang kumpanya, pinarusahan sa Cebu

Pinaulanan ng bala ng isang tim ng BHB ang sasakyang may lulan ng tatlong inhinyero ng TOA Construction sa perimetro ng St. Jude Acres Subdivision sa Barangay Bulacao, Pardo District, Cebu City bandang gabi nitong Pebrero 22. Ang TOA Construction ay isang kumpanyang Hapon. Walang namatay o malubhang nasugatan sa pagtambang.

Ayon sa pahayag ni Kasamang Silvino "Ka Bino" Clamucha, tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Gitnang Kabisayaan, nilayon ng ambus na maiparating sa TOA Construction, at mismong sa gubyerno, ang tahasang pagtutol sa patuloy na konstruksyon ng multi-bilyon pisong South Coastal Road at South Reclamation Project. Nakasaad sa pahayag na ang TOA Construction ay sanhi ng kawalang-hanapbuhay ng may 300 mangingisdang naapektuhan nito sa mga baybayin ng Barangay Aladka Mambaling, Inayawan at Basak sa Cebu City at ilan pang bahagi ng Talisay City. Ayon pa kay Ka Bino, pinarusahan din ng BHB ang TOA Construction dahil sa pagiging malaking salot nito sa kalikasan.

Danding Cojuangco at mga tauhan, kinundena ng BHB

Nanawagan ang PKP-BHB sa isla ng Negros na hindi dapat suportahan at bagkus ay labanan ang grupo ng negosyanteng si Eduardo "Danding" Cojuangco at ang kanyang mga sinusuportahang kandidato. Ayon sa isang pahayag ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon, ang kampanya laban sa mga kandidato ni Danding ay kumbinasyon ng pamamaraang armado at di-armado at ligal at iligal. Anang pahayag, nilalayon ng kampanyang tuluyang wasakin ang kapangyarihan ng sagadsagarang reaksyunaryong si Danding at kanyang mga kasapakat sa isla ng Negros. Ginawa ang pahayag sa harap ng malinaw na bantang pandaraya nina Danding at ng kanyang United Negros Alliance, Nationalist People�s Coalition at Lapian ng Masang Pilipino sa darating na eleksyon sa Mayo 14.

Kinundena rin ng kilusan ang kutsabahan ng kampo ni Danding at ng RPA-ABB sa pagprotekta sa mga kooperatibang nagsisilbi sa mga pampinansyang interes ni Danding sa Negros.

Ka Roger kay Gloria Arroyo - lutasin ang malalaking krimen

Hinamon ng tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas na si Gregorio "Ka Roger" Rosal ang rehimeng Macapagal-Arroyo na kagyat at mapagpasyang aksyunan ang mga kaso ng malalaking krimen "kung hindi nito gustong maunahan ng mga panggugulo at pananabotahe ng mga kalaban nilang hindi matanggap ang kanilang pagkatalo at maging ng mga sumasakay sa mga bagong gubyerno na may sariling adyenda."

Isinaad ito ni Ka Roger kasabay ng pagpapabula sa mga akusasyon na may kinalaman ang rebolusyonaryong kilusan sa pagpatay kay Filemon "Popoy" Lagman noong Pebrero 6. Ayon kay Ka Roger, walang mahigpit at napakabigat na dahilan para gawin ito ng rebolusyonaryong kilusang may di hamak na mas malaki at mas kagyat na mga prayoridad. Ani Ka Roger: "Ang grupong nagsagawa nito ay sadyang may dalang ibang adyenda at ibang mga prayoridad."

Isinaad sa pahayag na ang pagpatay kay Lagman ay bahagi ng hangad ng ilang pangkating guluhin ang sitwasyon habang pumupwesto ang bagong gubyerno at ang malawak na masa ng sambayanan ay mahigpit na humihingi ng pagpapatupad ng hustisya at mga repormang ipinag-alsa ng taumbayan sa EDSA. Ibinunyag din ni Ka Roger na kasabay nito�y pinagtatangkaan din ng sabwatan nina Estrada, mga pinunong militar at pulis, Romulo Kintanar, Arturo Tabara, Nilo dela Cruz at iba pa ang buhay ni Kasamang Jose Ma. Sison.

Dagdag ni Ka Roger: "Dapat kagyat na harapin at lutasin ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang mga kasong ito, gayundin ang karumal-dumal na mga pambobomba noong Disyembre 30, pagdukot kay Bubby Dacer at higit sa lahat, ang pangungulimbat at iba pang mga krimen ni Estrada at mga kroni niya. "Kung hindi, hindi malayong masadlak ang gubyernong Macapagal-Arroyo sa kapalarang katulad o mas masahol pa sa sinapit ng pinatalsik na rehimeng Estrada," pagtatapos ni Ka Roger.

Panibagong kaso ng pandarambong laban kay Erap, isinampa ng 81 grupo

Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang 81 peoples� organizations sa pagsampa ng kasong pandarambong laban sa pinatalsik na si Joseph Estrada nitong Pebrero 8. Ayon sa BAYAN, gagamiting ebidensya sa paglilitis ng kaso ang iligal na pagmamay-ari ni Erap ng humigit-kumulang P10-15 bilyon na inilagak sa iba�t ibang bangko sa ilalim ng iba�t ibang alyas.

Kasabay nito, nanawagan ang BAYAN sa rehimeng Macapagal-Arroyo na litisin na ang mga kaso ni Erap upang kagyat na itong maparusahan ayon sa kahilingan ng mamamayan.

Binalaan din ng BAYAN si Ombudsman Aniano Desierto na masusing minamatyagan ng mamamayan upang makamit ang hustisya sa pagusig kay Estrada, at na walang-pagdadalawang-isip nilang sasampahan ng kasong impeachment si Desierto kung papanigan nito ang pinatalsik na pangulo.

Sa kaugnay na balita, itinayo sa Cebu ang Barug Sugbu o "truth commission" para sa imbestigasyon ng mga kasong pandarambong, katiwalian, korupsyon at mga paglabag sa mga karapatang-tao ng pinatalsik na si Joseph Estrada. Nanguna ito sa anim-na-puntong adyendang isusulong ng naturang komisyon.

Rehimeng Macapagal-Arroyo, hinamon ng kabataan

Hinamon ng mga grupo ng kabataan at estudyante ang bagong luklok na administrasyon na harapin ang adyenda ng kabataan na tahasang ibinasura ng pinatalsik na rehimeng US-Estrada. Ayon sa isang pahayag ng mga grupo ng kabataan at estudyante na pinangungunahan ng Estrada Resign Youth Movement (ERYM), ang di pagtugon ng nakaraang rehimen sa mga isyu na may kaugnayan sa sektor ng kabataan-estudyante ang dahilan kung bakit daan-daan libong kabataan ang humugos sa mga lansangan upang patalsikin si Estrada.

Ayon sa ERYM, dapat bigyang pansin ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang sumusunod na puntong tampok sa sektor ng kabataan-estudyante: (1) Pagtutol sa pagtaas ng matrikula. Pagtigil sa lahat ng anyo ng pagtaas ng matrikula. (2) Pagtaguyod sa mga karapatan ng mga mag-aaral. (3) Pagdagdag sa subsidyo ng estado sa edukasyon. (4) Walang kundisyong pagpapalaya sa lahat ng kabataang detenidong pulitikal.

Hiniling ng kabataan ang pagbasura sa Education Act of 1982 na anila�y ugat ng lahat ng pagtaas ng matrikula. Idiniin din nilang dapat nang pabweluhin ang pagbabalik ng mga konseho at publikasyon ng mga mag-aaral. Sa kasalukuyan, anila, may mahigit 300 kaso ng panunupil sa iba�t ibang eskwelahan.

Bukod sa mga kahilingan kaugnay ng kanilang sektor, hinamon din ng mga organisasyon ng kabataan-estudyante ang rehimeng Macapagal- Arroyo na palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal at kagyat nang usigin at parusahan ang pinatalsik na pangulong Joseph Estrada.

Cerilles, binatikos ng mga kawani ng DENR

Tinuligsa ng DENR Kalikasan at Association of Contractual Employees of the DENR sa pangunguna ng COURAGE ang pagpapasinungaling ng kalihim ng DENR at kroni ni Estrada na si Antonio Cerilles na nag-isyu siya ng midnight appointments at Environmental Clearance Certifi cates sa bisperas ng pagbagsak ni Estrada.

Sa raling idinaos sa pangalawang pagkakataon, ibinunyag ng mga kawani na pumirma si Cerilles ng mga espesyal na kautusang muling nagtatalaga sa kanyang mga tauhan mula sa upisina ng kalihim papunta sa mga lunsod ng Zamboanga del Sur, Cebu, Ozamis at Pagadian na kilalang balwarte ng mga Cerilles, at mga ECC at kontrata pabor sa mga sindikato sa panonoroso.

Ayon sa mga nagraling kawani, hindi na sila papayag na pamunuan pa ni Cerilles na tauhan ng pinatalsik ng EDSA 2 na si Estrada. Sabi pa nila, susubaybayan nila ang bawat hakbang ni Cerilles hangga�t hindi umuupo sa pwesto ang bagong kalihim ng kawanihan, at hindi na papayag na malimutan ang mga aral mula sa pakikibaka kapwa laban kay Cerilles at kay Estrada.

Fishpond ng kroni, binuwag ng taumbaryo ng Infanta

Binuwag nitong Pebrero 7 ng mahigit 1,500 taumbaryo ng Infanta, Quezon, ang 15-ektaryang iligal na fishpond na pag-aari ni Macario "Boy" Asistio, dating alkalde ng Caloocan at malapit na kaibigan ni Joseph Estrada.

Sa pamamagitan ng mga pala, bareta at kahoy, winasak ng mga residente ng Infanta ang dike ni Asistio bilang pagtutol sa fishpond na naging sanhi ng kawalan ng kabuhayan para sa mga residente ng lokalidad. Nang unang ipagawa ang dike, walang-patumanggang sinira ng mga utusan ni Asistio ang bakawan sa abandonadong fishpond sa Barangay Binulasan nang walang pahintulot kapwa ng DENR at ng taumbaryo.

Wala nang nagawa ang mga manggagawa sa fishpond at ang mga awtoridad nang nagdatingan lulan ng mga traysikel, trak at iba pang sasakyan ang mga mambubuwag ng fishpond ni Assistio. Anang mga namuno sa kanila, ginawa nila ito upang idiin na "walang makapagkakait ng libreng mapagkukunan ng kabuhayan sa mamamayan" ng Infanta. Kinundena rin ng mamamayan ang pangingimi ng Malakanyang sa isyung ito.

Planong asasinasyon kay Ka Joma, inilantad

Inilantad at kinundena ni Kasamang Jose Ma. "Joma" Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Partido at punong konsultant sa pulitika ng NDFP, ang panibagong planong asasinasyon laban sa kanya. Batay sa mga impormasyong nakalap sa mga nagdaang taon, aniya, ang plano, taktika at mga operatibang ginagamit para rito ay tumuturo sa mga utak nito na sina Panfilo Lacson, dating hepe ng PNP at tapat na kasapakat ni Estrada, kasama ang hepe ng paniktik ng PNP na si General Yarcia, ang taksil-sa-rebolusyon na si Romulo Kintanar, mga gangster na sina Arturo Tabara at Nilo dela Cruz ng RPA-ABB at ang pasimunong si Joseph Estrada.

Sa isang pahayag na inilabas nitong Pebrero 3, kinumpirma ni Kasamang Joma ang ibinunyag ni Col. Reynaldo Berroya noong Enero 31 na plano siyang ipapatay nina Estrada�t Lacson. Ang planong ito ay noon pang Mayo ng taong 2000 inihanda at kaagad na natuklasan ng NDFP dahil na rin sa palasak na estilo sa pagmamanman ng mga salarin.

Kasabay nito, iginiit ni Kasamang Joma kay Estrada na kagyat nitong kanselahin ang order kay Kintanar at sa mga tauhan nito. Nanawagan din siya sa mga operatibang nakatakdang magsagawa ng plano na kumalas na sa planong ito dahil tiyak na hindi rin ipagkakaloob nina Estrada ang pangako nito matapos ang operasyon. Ipinahayag din ni Kasamang Joma ang pag-asang maaaksyunan ng kasalukuyang administrasyon ang pagpigil sa matinding banta laban sa kanyang buhay.

 


Previous articleBack to top 

Pebrero 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ang mga tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan kaugnay ng reaksyunaryong eleksyong 2001

Lacson: Berdugo, trapo
Ang patuloy na pamamayagpag ng mga pamilya at kroni ni Joseph Estrada
Kailangang tumayo ang usapang pangkapayapaan sa pundasyon ng mga nakaraang kasunduan
Palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal!
Balik-tanaw sa modelo ni Gloria Macapagal-Arroyo:
Ang papet na rehimeng Macapagal (1962-65)

Mga Ulat Koresponsal:
Balita mula sa rehiyon ng Cagayan Valley

Mga Balita ng Pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.