Kinukundena ng buong mundo ang panibagong pananalakay ng Israel sa Palestine
Bumubuhos ang malakas na suporta sa pakikibaka ng mga Palestino mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig at ang mariing pagkundena sa pananalakay at pagmamalupit ng Israel sa Palestine.
Malawakan ang mga demonstrasyon at iba pang pagkilos ng mamamayang tumutuligsa kapwa sa Israel at US. Laganap, tuluy-tuloy at malakihan ang mga rali sa loob at labas ng Palestine, maging sa loob ng Israel. Aabot sa 80,000 ang naglunsad ng mga aksyong protesta sa Egypt at mahigit 100,000 sa Rabat, Morocco.
Aabot naman sa 100,000 ang nagrali nitong Abril 21 sa Washington DC, USA para sa paglaya ng Palestine. Sa Europe, mahigit 18,000 ang nagrali sa Paris, bukod pa sa mga libu-libong mamamayang naglunsad ng demonstrasyon sa iba't iba pang syudad sa France. Nagrali ang 20,000 sa Rome, Italy, bukod pa sa libu-libong mamamayang nagrali sa iba pang bansa sa Middle East, Europe at Asia, Australia at Canada.
Sa mismong Jenin, Ramallah at iba pang bahagi ng Palestine, militanteng tumindig ang libu-libong Palestino at Israeli at mga tagapagtaguyod ng kapayapaan mula sa iba't ibang bahagi ng mundo upang pisikal na harangin ang pag-abante ng mga tangke at tropang Israeli. Halos araw-araw na nagrarali ang mga Palestino upang igiit ang pagpapaalis ng mga mapanalakay na tropa ng Israel.
Nakamit ngayon ang higit na mataas na antas ng pagkakaisa sa hanay ng mga bansang Arabo sa pagsuporta sa Palestine at mariing pagkundena sa Israel. Nagkaisa sila sa ginanap na Arab Summit noong Marso 28 na itaguyod ang pagbabalik ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Palestine at Israel, pagtatayo ng independyenteng estado sa Palestine at ang pagbabalik ng 3.6 milyong refugee na Palestino na nakakalat sa iba't ibang bansa. Kaugnay nito, pinangunahan ng Jordan ang pagpapadala ng pagkain, gamot at iba pang suporta sa mga Palestino.
Naglaan naman ang Iraq ng malaking suportang pinansyal sa mga pamilya ng mga Palestinian na namatay sa pakikibaka sa Israel o sa kamay ng mga Israeli. Kasabay nito, binawasan na ng Iraq nang 50% ang produksyon nito ng langis at hinamon ang iba pang myembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries na magkaisa sa ganitong hakbangin upang ipresyur ang US na kumilos laban sa Israel. Ang US at mga bansa sa Kanluran ay umaasa nang malaki sa suplay ng langis mula sa Middle East.
Sunud-sunod ang mga resolusyong inilalabas ng mga pandaigdigang porum laban sa pananalakay ng Israel. Kaagad na mariing kinundena ng European Union (EU) ang pananakop ng Israel at nagbanta ng pang-ekonomyang embargo sa Israel.
Naghapag ng iba't ibang petisyon sa UN at iba pang pandaigdigang organisasyon ang mga progresibo at demokratikong pwersa upang hingin ang kagyat na pag-atras ng mga pwersang Israeli sa Palestine, ang pagpapadala ng international peace-keeping force at mga makatao, materyal na tulong sa Palestine at ang paglulunsad ng isang fact-finding mission.
Sa botong 20-0 noong Abril 10, nanawagan ang UN Security Council na itigil agad ang mga operasyong militar ng Israel sa West Bank at ipatupad ang dating mga resolusyon ng UN na kumikilala sa pagtatayo ng independyenteng estado sa Palestine.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|