Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Paggamit sa bansa bilang base militar, patuloy na iginigiit ng US

 Read this article in English

Muli na namang ipinaggigiitan ng imperyalismong US ang Acquisition and Cross-Servicing Agreement (ACSA), isang masaklaw na kasunduang magbibigay-laya sa mga pwersang militar ng US na pumasok at gumamit ng anumang pasilidad, saanmang dako sa bansa at kailanman nilang naisin. Mismong si Adm. Dennis Blair, Commander in Chief ng US Pacific Command, ang umamin nito.

Makailang beses nang ibinasura ng mamamayang Pilipino at kahit ng ilang reaksyunaryo ang ganitong tipo ng kasunduan. Matatandaang noong 1992 pa lamang, matapos sipain sa Pilipinas ang mga base militar ng US, agad nang ipinagdiinan ng mga upisyal-militar nito ang ACSA. Ngunit dulot ng naglalagablab na sentimyento laban sa mga base militar nito, minarapat ng US na iatras ang paggigiit nito sa kasunduan. Kapalit nito, idinaan ang pagpirma sa isang access agreement sa Mutual Defense Board, isang komiteng binubuo ng mga kinatawan ng militar ng Pilipinas at US na nangangasiwa sa implementasyon ng Mutual Defense Treaty ng 1951. Sa access agreement na ito, binigyang laya ang mga pwersang militar ng US na gumamit ng mga paliparan at daungan ng Pilipinas at magsagawa ng maliitang mga pagsasanay-militar sa loob ng bansa.

Noong 1994, nilayon ng US na palawakin ang saklaw ng nasabing access agreement sa pamamagitan ng isang kasunduang tulad ng ACSA. Batay sa borador ng kasunduan, obligado ang militar ng Pilipinas na magbigay ng "suportang lohistika, suplay at serbisyo" sa mga pwersang militar ng US. Gayundin, magbibigay ang militar ng US ng katumbas nito sa mga pwersang militar ng Pilipinas. Bahagi ng "suportang lohistika, suplay at serbisyo" ang sumusunod: pagkain, tirahan, transportasyon, petrolyo, langis, lubricant, pananamit, serbisyong pangkomunikasyon, serbisyong medikal, amunisyon, suporta para sa pagbabase (at ang kaugnay na gawaing konstruksyon), imbakan, serbisyong pagsasanay, mga pyesa, serbisyong repair at maintenance at serbisyong pampaliparan at pandaungan. Itong-ito rin ang mga serbisyo at suportang ibinigay noon ng Pilipinas sa mga base militar ng US sa loob ng bansa. Sa aktwal, bibigyang-daan ng ganitong kasunduan ang pleksibleng pagbabase ng mga tropang militar ng US sa bansa. Kaya�t tamang sabihin na itatransporma nito ang buong Pilipinas sa isang baseng militar ng US.

Dagdag dito, nakasaad sa kasunduan na obligado ang Pilipinas na suportahan ang imperyalismong US sa anumang sitwasyong mangailangan ito ng suportang lohistika, suplay at serbisyo. Pagpapatibay ito sa mga probisyon ng MDT na awtomatikong nagsasangkot sa Pilipinas sa anumang digmaang isasagawa o kasasangkutan ng imperyalismong US, laluna sa Asia-Pacific at Middle East. Tungo rito, pahihintulutan ng ACSA ang prepositioning, isang taktika ng imperyalismong US ng pag-iimbak ng mga kagamitang militar malapit sa bansang hindi nito itinuturing na "kaibigan". Itatransporma nito ang Pilipinas sa isang malaking bodega ng mga kagamitang militar ng US, kabilang ng mga armas-nukleyar.

Idadaan na lamang sana sa isang kasunduang ehekutibo ang pagpapatibay sa ACSA. Ngunit iniatras ito noong 1986 dahil sa malakas na pagtutol ng mga patriyotikong sektor, pati na ang ilang senador na kritikal sa kasunduan. Kasabay nito, sinuspinde ng imperyalismong US ang pagsasagawa ng magkasanib na pagsasanay-militar sa Pilipinas.

Nag-astang kontra sa ACSA at anumang parehong kasunduan ang rehimeng US-Ramos upang umiwas sa pagtutol ng mamamayan. Ngunit sa likod nito, aktibong ikinampanya ng rehimen ang pagpapatibay sa isang Status of Forces Agreement (SOFA) na magbibigay ng immunity sa mga pwersang militar ng US na nasa loob ng bansa. Noong 1999, pinagtibay ng senado ang Visiting Forces Agreement (pinalitan lamang ang pangalan) sa direksyon ng rehimeng US-Estrada. Malinaw na paghahanda ito para sa muling pagbabase ng pwersang militar ng US sa bansa sa pamamagitan ng ACSA. Ito lamang ang tanging dahilan kung bakit papasok sa isang ekstra-teritoryal na kasunduan ang bansa gayong wala nang base militar ang US sa Pilipinas.

Hindi pa man napagtitibay ng imperyalismong US at mga tuta nito ang ACSA, hindi ito naging hadlang para sa libreng paglabas-masok ng mga pwersang militar ng US sa bansa. Sa kabila ng kawalan ng ACSA sa pagitan ng dalawang bansa, tiniyak ito ng naunang mga kasunduan (Mutual Defense Treaty, Access Agreement ng 1993 at VFA ng 1999). Kahit limitado, walang patid na nagbibigay ng serbisyo ang Pilipinas sa mga pwersang militar ng US. Noong 1993, bago pa man naisiwalat sa publiko ang ACSA, dumating sa mga daungan ng Subic ang ilang barkong pandigma ng US upang kumuha ng suplay at magpakumpuni. Noong 1997, sa "bisita" sa Pilipinas ng noo�y presidente ng US na si Clinton, inamin nito at ng dating presidenteng Ramos ang "pagbibigay serbisyo" ng Pilipinas sa mga pwersang militar ng US at ang pagbibigay ng US ng ilang kagamitang militar sa Pilipinas.

Gayundin, matapos pirmahan ang VFA, muling naglunsad ng sunud-sunod na mga pinagsanib na pagsasanay-militar o mga "Joint Combined Exchange Training" (JCET) ang US at ang Pilipinas. Isang mahalagang bahagi ang JCET ng mapandigmang patakaran ng imperyalismong US na sumusuhay sa patakaran ng imperyalistang "globalisasyon". Ang pangunahing yunit militar ng US na sangkot sa mga pagsasanay na ito ay mula sa Special Forces ng militar ng US. Sa kober ng "pagsasanay", abala ang mga espesyal na yunit na ito sa pag-iipon ng mga estratehikong impormasyon, mula sa topograpiya, kasaysayan ng mga lokal na lider, ebalwasyon ng kakayahan ng mga armadong pwersa, mga potensyal na landing site at iba pa. Gayundin, direkta itong nagsasanay ng mga lokal na yunit pangkontra-"insurhensya" at naglulunsad ng mga operasyong paniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan. Kabilang dito ang yunit ng mga tropang Amerikano na tinambangan ng isang yunit ng BHB sa Pampanga nitong nakaraang Hunyo. Sa aktwal, bahagi ang mga "pagsasanay" na ito sa patuloy na pagpapalakas ng imperyalismong US ng lakas-militar nito sa iba�t ibang dako ng mundo.

Sa kabila ng mga umiiral nang kaayusang ito, nananatiling mahalaga para sa imperyalismong US ang pagkakaroon ng ACSA sa pagitan nito at ng Pilipinas. Estratehiko para sa US ang Asia-Pacific at ang mga pamilihan at rekurso nito. Tungo rito, sinisikap ng US na ipailalim sa mahigpit na kontrol nito ang rehiyon. Nagdeploy ito ng mahigit 100,000 tropa sa rehiyon upang kontrolin ang mga rutang pandagat ng kanilang mga kalakal at tiyakin na libreng makakabahagi ang US sa mga pamilihan at estratehikong rekurso nito katulad ng enerhiya.

Nakikita ng imperyalismong US ang rehiyon bilang potensyal na larangan ng tunggaliang militar, lalupa sa harap ng mga pang-ekonomyang ambisyon ng China. Kung kaya sa nakaraang mga taon ay mas maraming submarinong pang-atake ang itinalaga nito sa Asia-Pacific, mas maraming war game at estratehikong pananaliksik ang nakasentro rito at mas madiin ang US sa pagpapalawak ng lakas-militar sa rehiyon. Dalawa sa tinitiyak nito ay ang pananatili ng mga base militar ng US sa Hilagang Asia (Japan at Korea) at ang pleksibleng pagbabase ng mga pwersa nito sa Southeast Asia.

 


Previous articleBack to topNext article

Hulyo 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal: Igiit ang laban para sa P125 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa!
Mga milyunaryo sa gubyerno: Lantarang pandarambong sa kaban ng bayan
Ang halalan para sa party list at ang wastong papel ng mga progresibo sa loob ng reaksyunaryong parlamento
Mga katotohanan sa likod ng "pagmamalasakit" ni "Ate Glo" sa maralitang lunsod
Paggamit sa bansa bilang base militar, patuloy na iginigiit ng US
Patunay ng direktang pakikialam
Igiit ang pagpaparusa kina Estrada, mga Marcos at iba pang may mabibigat na kasalanan sa bayan!
Patuloy na lumalala ang sistema ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo
Kabataan at estudyante laban sa ROTC: Pagkakaisa laban sa dagdag-pasanin, bulok at maanomalyang programa
Mga balita ng pakikibaka
Pulong ng Group of 8 binatikos ng malalaking protesta
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.