Rebolusyonaryong patakaran sa enerhiya
Sa harap ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis, marapat lamang na makibaka ang mamamayang Pilipino upang ibasura ang batas sa deregulasyon ng industriya ng langis. Wala itong mabuting idinulot sa mamamayan at nagbigay lamang ng buong laya sa mga dayuhang korporasyon sa langis na itaas ang presyo ng kanilang mga produkto.
Gayunman, habang umiiral ang mapang-aping sistemang malakolonyal at malapyudal, anumang tagumpay na maaaring makamit laban sa deregulasyon ng industriya ng langis at sa walang awat na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay magiging panandalian lamang.
Hindi dapat kaligtaan na ang ugat ng problema ay ang dominasyon at monopolyo ng mga imperyalistang kumpanya sa industriya ng langis. Samakatwid, mareresolba lamang ito sa pamamagitan ng rebolusyonaryong transpormasyon ng sistemang panlipunan sa Pilipinas at sa buong daigdig.
Tanging ang programa para sa demokratikong rebolusyong bayan ang may ganitong perspektiba kaugnay ng usapin. Nasyunalisasyon ng industriya ng langis ang inihaharap nitong solusyon. Isesentralisa sa demokratikong estadong bayan ang importasyon at pagrerepina ng krudong langis at ang distribusyon ng mga repinadong produktong petrolyo.
Maaaring pahintulutan sa isang takdang antas at panahon ang pribadong pagtitingi ng mga produktong ito. Subalit ang kalakhang bahagi ay ilalagay sa kontrol ng estado.
Sa importasyon, makikipagkasundo ang estado sa mga bansang mag-aalok ng krudong langis sa pinakamababang presyo.
Magiging bahagi rin ng kumprehensibong solusyon ang pagsisikap na bawasan ang pag-asa sa imported na langis sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na pansin at rekurso sa paghahanap at pagpapaunlad ng lokal na mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya katulad ng natural gas, hydroelectric power, geothermal power, nuclear power at iba pa. Bukod pa ito sa paghahanap ng lokal na mga deposito ng langis.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|