Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Ulat Koresponsal:
Parola Development Plan:
Huwad na pabahay

 Read this article in English

Mapanghati at tuso�ito ang hatol ng maralitang-lunsod sa pakanang pabahay ng rehimeng Arroyo. Sa tangkang palayasin sila sa buong Metro Manila, binuo ng rehimen ang pakana ng "sosyalisadong pabahay" at relokasyon. Sa pamamagitan nito, tuluy-tuloy at sistematikong lilimasin ng rehimen ang mga maralitang-lunsod sa pambansang kabisera upang bigyang-daan ang pagpapatupad ng mga nakabimbing "proyektong pangkaunlaran" na pinasasaklaw sa kanilang mga komunidad. Kabilang sa mga proyektong ito ang Port Modernization, Pasig River Rehabilitation Project, Road Widening at North Bay Boulevard Business Park. Pawang pinondohan ang mga ito ng mga imperyalistang institusyon at nakalaang gamitin ng mga dayuhang monopolyong korporasyon.

Parola

Matapos maganap ang "Edsa 3" noong Mayo 2001, iwinasiwas ng rehimeng Arroyo ang pakanang "sosyalisadong pabahay" sa mga balwarte ng mga tagasuporta ng pinatalsik na rehimeng Estrada. Tangka ng pakanang ito na lubos na paliitin ang baseng suporta ni Estrada. Isa sa mga tinarget ay ang komunidad ng mga maralita sa Parola Estate. Noong Setyembre 3, 2003, isinabatas ni Gloria Arroyo ang Parola Development Plan.

Ang Parola Estate sa Barangay 20, Tondo, Manila ay isang 15-ektaryang lupa sa may bukana ng Ilog Pasig. Tatamaan ito ng Pasig River Rehabilitation Program sa isang gilid at ng Port Moderniza-tion sa kabilang gilid. Tumatagos dito ang sistemang riles patungong Manila International Cargo Terminal. Tatagos din dito ang Radial 10, isang proyektong road widening.

Sa Parola nagsisiksikan ang mahigit 18,500 pamilya sa malahayop na mga kundisyon. May abereyds na walong metro kwadradong lote ang kada pamilya. Wala itong maayos na sistema ng patubig at kuryente. Salat na salat ang iba pang batayang serbisyo. Laganap ang kriminalidad at iba pang antisosyal na gawain lalupa't naglipana dito ang mga sindikato.

Malaking mayorya ng naninirahan dito ay malaproletaryadong kumikita sa pagiging kargador sa katabing daungan, paglalako sa Divisoria at pagpasok sa kung anu-ano pang trabahong pantawid-gutom. Marami sa kanila ang natutulak sa mga gawaing antisosyal para mabuhay.

Tusong programa

Sa dami ng mga residente sa Parola, kulang na kulang ang inilaang 9.6 ektarya mula sa kabuuang 15 ektaryang saklaw ng komunidad. Sa balangkas nito, hinati ng rehimen ang komunidad sa iilang "lehitimo" at higit na nakararaming "di lehitimong" mga residente. Noong Setyembre 5, 2003, binigyan ng rehimen ang 100 lamang na pamilya ng Certificate for Eligibility for Lot Allocation (CELA) na itinuring na "lehitimo," habang pinalalayas at binantaan ng demolisyon ang iba pa. Sinuhulan ng rehimen ang ilang lokal na lider at ibayo pang nahati ang komunidad. Sa gayon, ilang pamilya rin ang nakabig ng rehimeng Arroyo na sumuporta sa PDP.

Gayunpaman, hindi katiyakan ang CELA na mabibigyan nga ng titulo ang may hawak nito.

Dagdag dito, kakailanganin nang bilhin ng mga residente ang mga lote na malaon nang kinatitirikan ng kanilang mga bahay. Napakamahal para sa kanila ang kailangang bayaran para sa napakaliliit na lote. Ang 10-metro kwadradong lote na siyang pinakamaliit ay nagkakahalaga ng P8,000. Upang magmukhang maliit ang babayaran, itinakda ng rehimen na maaari itong bayaran ng P67.14 kada buwan sa loob ng 10 taon. Mahigit P25,000 naman ang halaga ng pinakamalaking lote (32-metro kwadrado). Buwanang magbabayad ng P213.63 ang mga kukuha nito sa loob din ng 10 taon. Wala pa rito ang gastos ng muling pagtatayo ng bahay. Makakuha man ang mga maralita ng mga lote at makapagpatayo man uli sila ng bahay, di magtatagal ay mareremata o mapipilitan din silang ibenta ang mga ito dahil wala silang siguradong hanapbuhay at kulang na kulang ang kanilang kita.

Ang iba pang residente ay itatapon sa mga relocation site sa Cavite at Bulacan na malayo sa kanilang pinagkakakitaan at kasingsahol o mas masahol pa ang kalagayan. Karamihan ng mga lokasyong ito ay nauna nang ipinamigay sa ibang maralita.

Pangangailangan ng pagkakaisa

Sa Parola Development Plan, ipatutupad ang maliitang mga demolisyon ng mga kabahayan sa ngalan ng reblocking para diumano sa paggawa ng mga bagong kalsada at pagpapalawak ng mga naroon na, pagtatayo ng sistema ng patubig at mga estero at mga gusaling pambarangay. Sa ganitong paunti-unting demolisyon, hinahati ang hanay ng mga maralita, nalilimita sa pailan-ilan lamang muna ang mga kumprontasyon at naiiwasan ng rehimen na masindihan ang galit at pagkilos ng mayorya. Inaasahan ng rehimen na di magtatagal, mapalalayas ang mayorya ng mga maralita sa kanilang mga barung-barong nang walang malaking paglaban.

Sa harap ng ganitong mga taktika, lalong nagiging kagyat ang pangangailangan para magbigkis ang buong komunidad. Kakailanganin nilang labanan ang banta sa kanilang kabuhayan at tirahan�kagyat man o may ilang panahon pa bago sila abutin ng mga demolisyon. Kailangang mahigpit na magkaisa ang mga apektado at maaapektuhang maralita, itakwil ang mga nakikipagkutsaba laban sa mga kapwa at ibayong palakasin ang kanilang organisasyon at paglaban.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Enero 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Patakaran sa pangangampanya sa mga rebolusyonaryong teritoryo, matagumpay na ipinatutupad

Mga kagyat at pangmatagalang hinaharap ng usapang pangkapayapaan
Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Dalawang kampo ng PAF sa Batangas, magkasabay na sinalakay ng BHB

Matatagumpay na Opensiba ng BHB
Pulitiko, dinisarmahan ng BHB

Mga Ulat Koresponsal:
"Peace zones"�panloloko sa mamamayan

Mga Ulat Koresponsal:
Parola Development Plan:
Huwad na pabahay
Rebyu:
Buhay Barya

Sa Ibayong Dagat:
Mga tagumpay ng Cuba sa pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan: Kalusugan para sa lahat

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.