![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Madalas naming inihahapag na problema noon sa aming grupo kung paano mapalalaki ang aming ani. Ang mga kasamang kumikilos sa aming lugar ang unang humimok sa amin na mag-lusong o magsagawa ng kolektibong pagsasaka. Noong hindi pa pinag-uusapan ang lusong, naglunsad muna ang mga kasama at ang mga nasa organisasyong masa ng malalim na pag-aaral hinggil sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa mga magsasaka sa kanayunan. Tinalakay dito kung paanong mula sa pagkakaisa ay magkakaroon ng kapangyarihan kaming maliliit dito sa kanayunan sa harap ng pagsasamantala sa amin ng mga panginoong maylupa at mga negosyante-usurero. Dito rin namin tinalakay at naunawaan ang malaking bentahe ng lusong para mapalaki ang aming ani at matugunan ang lumalaking pangangailangan ng aming pamilya. Noong wala pang lusong, hindi ko makaya ang kulang-kulang dalawang ektaryang sakahan, kahit tulungan pa ako ng aking asawa at isang anak na lalaki. Sapat-sapat lamang ang isang ektarya pero sagad na talaga ang aming katawan. Ngunit nang simulan na namin ang lusong, ang dating walong araw na pagtatabas ay nagagawa sa isang araw lamang dahil walo kaming aktibong kasapi ng aming grupo. Pagkatapos sa aking sakahan, doon naman kami sa lupa ng ibang kasapi. Bunga nito, lumawak ang aming sakahan at nadagdagan ang aming ani. Bukod sa mais, nakapagtatanim pa kami ng mani at monggo. Kaya mula sa dati kong ani na kulang-kulang limang borden (sakong 60-70 kilo ang maaaring lamnin), ngayon ay umaabot na ito sa walo hanggang 10 borden ng hinimay na mais, katumbas ng walong buwang konsumo. Gayunman, may ilan pa rin kaming hinaharap na problema. Ang iba, hindi sanay sa dire-diretsong trabaho, gusto laging nagpapahinga. May ilan ding napakabagal magtrabaho. Mayroon ding mabilis pero hindi naman masinop ang trabaho. Ito�y dahil nasanay tayong magtrabaho nang solo. Matagal matanggal ang ganitong nakasanayan. Kaya walang-pagod kami sa pagpapaliwanag sa malaking bentahe ng lusong. Mahalagang paraan din ang pagpupunahan pagkatapos ng bawat trabaho dahil napag-uusapan kaagad ang aming mga pagkukulang at kung ano ang dapat pang paunlarin. Inspirasyon din sa amin ang antas na inabot ng kolektibong pagsasaka sa ibang lugar. Halimbawa ang pagkakaroon ng komunal na sakahan kung saan ginagamit ang workpoints para kwentahin ang oras na iniambag ng bawat indibidwal. Pagsapit ng partihan, ang bahagi ng bawat isa ay nakabatay sa iniambag niyang trabaho. Sa kabilang banda, ibinahagi rin namin ang aming karanasan sa lusong sa iba pang kalapit-baryo. Dahil sa pagtatrabaho namin nang kolektibo, nagiging mas malapit ang relasyon naming magkakapitbahay. Napag-uusapan namin ang aming mga problema at kung papaano makakatulong dito ang bawat kasapi at ang organisasyon sa kabuuan. Sabi nga ng mga kasamahan kong magsasaka, "Walang iwanan, hanggang sa tagumpay." ***Ito ay pinaikling bersyon ng artikulong lumabas sa PASA BILIS, rebolusyonaryong pangmasang pahayagan ng rehiyong Timog Mindanao ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|